Limang taon matapos maaprubahan ang University of the Philippines Master Development Plan (UP MDP), magsasagawa na ang UP ng mga demolisyon sa komunidad, partikular na ang C.P. Garcia, ‘Village C’, at Pook Arboretum ngayong 2017, ayon kay Mameng Collado ng Alyansa ng mga Samahan sa UP.

Kasunod nito ang mga demolisyon sa Hydraulics, Old Capitol Site, San Vicente, Libis, Malinis, Daang Tubo, Village A at B sa taong 2018. Samantalang sa taong 2019, ang pook Amorsolo, Aguinaldo, Area 17, RIPADA, Botocan at Culiat naman ang tinatayang maapektuhan.

Mahigit kumulang 6,229 na pamilya mula sa 13 na pook sa loob ng UP Diliman Campus, kasama ang Brgy. San Vicente, Botokan, at Culiat ang maaapektuhan ng demolisyon.

Problema at pagkabahala ang dulot nito para sa mga mamamayan na nagtatrabaho sa loob ng UP at Quezon City na malalayo sa kanilang mga trabaho.  Bagamat itinatanggi ng UP na magkakaroon ng demolisyon sa mga komunidad, nanatiling nakatindig ang Alyansa ng mga Mamamayan at Manggagawa ng UP (AMMUP) laban sa nakaambang “resettlement” na nakalinsunod sa UP MDP.

“Sinasabi ng UP walang demolisyon noong nagkaroon ng dialogue sa harap ni Vice Chancellor  for Community Affairs na si Nestro Catro, noong Setyembre 2016, sinasabi niya walang demolisyon, bagamat sinasabi nya resettlement lang daw, dine-define ng Alyansa na ang resettlement ay porma ng demolisyon,” sabi ni Collado.

Dagdag pa ni Collado, walang ring lupang ipapamahagi sa mga mamamayan ng mga maaapektuhang komunidad.

Development plan

Ang UPD MDP na binalangkas at inaprubahan ng UP Board of Regents noong 2014 ay alinsunod sa Land Use Program ng UP Administration, UP Strategic Plan at UP Development Principles and Design Guidelines, para sa pagpapaunlad ng mga kalupaan ng mga campus sa ilalim ng buong UP System. Layunin nito ang pagpapaunlad ng mga lupain ng UP para sa akademiko at administratibong pangangailangan ng mga nasasakupan nito.

Sa kabila ng layuning ito, noong 2012, pumasok ang UP sa mga Public-Private Partnerships (PPP). Ito ang  nagtulak sa UP na magpatayo hindi lamang ng mga pang-akademikong gusali, bagkus pati na rin ng mga commercial establishments. Sa katunuyan, ayon sa sa UP MDP, ang mga lugar tulad ng Brgy. San Vicente, Pook C.P. Garcia, Village A,B, at C, ay gagawing mga condominium units, town houses at parking lot.

Tila masasantabi rin sa UP MDP ang mga may tatlong dekada nang naninirahan sa komunidad sa pangunahing pambansang unibersidad sa bansa, na nagsimula sa mga guro at kawani na hindi mabigyan ng benepisyong pabahay ng unibersidad.

Ayon kay Blast Plasencia, Presidente ng CP Garcia Neighborhood Association Inc. sa isang panayam, nakaplano na ilipat ang mga komunidad sa Morong, Rizal, ngunit pagdating doon ay wala namang trabaho na naghihintay sa kanila.

Dagdag pa ni Plasencia “Ilang oras kasi noong dinala na sila sa Morong, Rizal, private ang sasakyan, umabot pa ng 2 oras at 20 minuto, paano na kaya kung mag commute ang isang tao.”

Ang panawagan ng mga komunidad sa UP, ay ang pag-unlad kasama ang buong komunidad.

“Isa lang naman ang panawagan namin sa UP, kung dumating na ang punto na ma-demolish ang C.P. Garcia, at darating naman talaga yun, pero kung i-improve ang UP at pagandahin ito, dapat isama ang komunidad sa pagpapaganda nito…” sabi ni Plasencia.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY