Ang alaala raw ay marupok.

Nakasalalay sa dalawang dahilan ang katangian na ito ng alaala: una, hindi mahalaga sa isang tao ang isang bagay kung kaya’t agad itong nakakalimutan; o pangalawa, sadyang binaon sa limot ang isang bagay, bagama’t ang bagay na ito ay mahalaga.

Nanunuot sa kalamnan ng mamamayan ang mga alaala ng kahirapang araw-araw na dinaranas, habang nakalimutan na ng administrasyong Aquino ang mga pangako nito sa sambayanan.

Narito ang 15 isyung pilit na binabaon sa limot ng administrasyon ni Benigno Simeon Aquino III.

15Manila hostage crisis

photo by Sakuradate

Saksi ang Quirino Grandstand sa dalawang mahahalagang pangyayari – ang pagtatalaga ni Benigno Aquino III bilang ika-15 pangulo ng Pilipinas noong Hunyo 30, 2010, at ang Manila hostage crisis dalawang buwan lang matapos maupo ang bagong administrasyon.

Ang Manila hostage crisis ang pinakaunang beses na nilayuan ni Aquino ang pagharap sa kanyang tungkulin bilang pinuno ng bansa. Dito unang beses lumaganap ang sentimyento ng publiko na bubuo sa mga terminolohiyang Noynoying at #NasaanAngPangulo.

Limang taon na ang nakalipas. Nananatili itong malagim sa alaala ng mga kaanak ng mga biktima, at pati sa mga overseas Filipino workers (OFW) sa Hong Kong na pinagbuntungan ng galit at diskriminasyon.

Ngunit tila hindi ito nagmarka kay Aquino, nang sinabi niya sa isang talumpati noong Setyembre 2010 na: “Our problems now, in two or three years we can say that they are laughable when we recall that they were not that grave.”

14Pagpapanagot kay dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo

Hindi na bago sa administrasyong Aquino ang paninisi sa nakaraang administrasyon para sa mga “minana” nitong problema. Limang taon nang pangulo si Aquino at nasa huling taon ng kanyang termino ay si Arroyo pa rin ang sinisisi nito sa mga nakikitang depekto sa kanyang pamamahala.

Ibinandera ni Aquino ang pagpapatalsik kay Chief Justice Renato Corona bilang dambuhalang tagumpay sa kanyang kampanya laban sa korupsyon, nakitaan ito ng pulitikal na motibasyon. Ipinangalandakan ni PNoy ang pagpapanagot ng mga “nang-api sa sambayanan” – kasama na rito si Gloria Macapagal Arroyo – pero tila “chill” lang naman si Arroyo sa panahon ni PNoy.

Bagamat napapailalim sa hospital arrest si Arroyo, hindi pa siya nahahatulan sa mga kasong isinampa sa kanya. Ang iba pa niyang kaso – electoral fraud kung saan nakakuha siya ng bail sa halagang P1 milyon; graft sa NBN-ZTE Broadband deal; dalawang kaso ng plunder sa Iloilo Airport tax funds at fertilizer fund scam; at graft and plunder sa OWWA fund anomaly – ay ibinasura o pending sa Ombudsman. Base sa utos ng Korte Suprema noong Nobyembre 2015, suspendido sa Ombudsman ang kasong plunder ni Arroyo, na umuugat sa umano’y pagbubulsa niya ng P366 milyon na intelligence funds ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Sa katunayan, tatakbo ulit siya bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga.

13DAP at PDAF

https://www.facebook.com/kilusangmayouno/photos/br.AbqPUxrbC7pjFGnizxQp1FpFSITRuOP5qAig00FjDuEG52CKNKzTNstlxrMnN65rxe1Rd-nWq5FthxHgc5DSas5Q3HN3jMgLlqlGB6ruq2eX4wGYv9TUHqqcQPasxghY5M_fD5IVn04Osyeegv4LCXAa/1627588727515385/?type=1&opaqueCursor=AbpbJbPb0KHKPyIAHgOnTwCmlSSg0ox64BFGK7FziVYUtjfw1lwzSYJdi5-tOB6BYHji6gBj6MZHkFUbRwi0sUp1UHvwaamK98-ygCxAoLLXRRdxEn_1pCXJQn5lYPz15bgHSuAJUIyH3OUjeF0Nl7hQ6RQR7Q9sLEqjdyxMBTrZMXZ6SFrCjd2KM9zByiDF7I9yds8VcEB29iUNaZgr8c1m9t-xq5pEU9HiX3w-Jmb4aJzzKtO5hx9CTY5GEYg2Oazu_S8_0PLJVuSE2xZCWxAqNgd2PMK0BxKk2fOYciL4VPp7EXJi54AL6bgIjlqjx2Pt1DRHY4dNYiLZiy8NtJ8-dHH7j-mqpbWdkAn1-CGL8cC9OVS8wvgZo8WUPC0J2Ml4s7r6-CexmCZxyPy8jLLBa0PbvVOPXz8fhbZBNkbdPCrWwIz6TQ4tITTb47GIrYzK5VIN5ew0ksdbWd1GvaAB&theater

Malinaw ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa Disbursement Allocation Program (DAP) ni Aquino: ito ay labag sa Konstitusyon.

Malinaw gayundin sa madla ang pandarambong ng bilyun-bilyong piso ni Janet Napoles at ng mga matataas na opisyal ng gobyerno gamit ang Priority Development Assistance Fund (PDAF). Ang pagkakalantad ng pork barrel scam ay dumulo sa pagdedeklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang PDAF (Congressional pork barrel). Sa panahon ni Aquino naitala ang pinakamataas na PDAF (pangulo at sangay ng ehekutibo ang nagmumungkahi ng laki ng kabuuang PDAF sa pambansang budget at siya ring nagre-release nito sa mga Congressman at Senador).

Sa kabila nito, mabagal ang usad ng kaso sa mga sangkot sa PDAF o ‘pork barrel’ scam. Itinakda sa Enero 2016 ang paglilitis kina Janet Napoles at Gigi Reyes sa Sandiganbayan. Hindi pa kasama sa nakatakdang petsa ang iba pang kinasuhan ng plunder. Dagdag pa rito, mariing dinedepensahan ni Aquino ang mga alyadong sina agriculture secretary Proceso Alcala at budget secretary Butch Abad na parehong nadawit sa scam.

Ipinagmalaki rin ni Aquino sa pagdalaw sa ibang bansa na sa paglaban ng kanyang administrasyon sa korapsyon ay naipakulong ang tatlong senador. Mula rin nang sumambulat ang pork barrel scam, mga kalaban sa oposisyon lamang ang nakasuhan kahit na may mahabang listahan mula sa mga whistleblower. Sinabi rin ng Department of Justice na hindi na ito magsasampa pa ng dagdag na kaso sa mga nadawit sa scam.

Patuloy pa ring ginigiit nina Aquino at Abad na ginawa ang DAP “in good faith” sa gitna ng pag-iimbestiga ng Ombudsman, habang may bago nang pork barrel sa 2015 at 2016 pambansang budget sa porma ng lump-sum appropriations.

12Freedom of Information Bill

'103 nations have FOI, never in Philippines?'—————————————————2010;During Noynoy…

Geplaatst door Ang Lagalag op Dinsdag 12 mei 2015

Itinampok ni Aquino ang Freedom of Information (FOI) Bill bilang isa sa mga prayoridad ng kanyang administrasyon. Sa kanyang pagbitaw ng pangakong magiging priority bill ito, mabibigyang tiyak na hubog na ang nakasaad sa 1987 Konstitusyon na karapatan ng mamamayang makakaalam at makikialam sa mga usaping pampubliko.

Mula noong naihalal siya, hindi binanggit ni Aquino ang FOI Bill sa kanyang unang State of the Nation Address. Hindi rin niya ito binanggit sa ikalawa, ikatlo, at sa mga susunod pang SONA. Hindi rin ito nilinya ni Aquino na prayoridad matapos ang ilang pagbubukas ng Kongreso.

Ipinasa na ni Aquino ang buong responsibilidad sa pagpasa ng FOI Bill sa Kongreso. Iginiit niyang bukas at matapat naman ang kanyang administrasyon kahit walang FOI Bill. Kung mayroon pa raw mga pagkukulang sa panukalang batas, ang Kongreso raw ang dapat managot at hindi siya.

Agosto 2015 nang idineklara ng isang grupo na patay na ang FOI Bill.

“From our years of campaigning for the passage of the FOI Act, this we know for certain: without decisive support from the President and the leadership of the House of Representatives, the bill will not pass,” sabi ng Right To Know, Right Now! Coalition sa kanilang pahayag.

11Hacienda Luisita

Manila Today file photo

Labing-isang taon nang ginugunita ng mga manggagawang-bukid ang masaker sa Hacienda Luisita, ngunit tinalikuran na ni Aquino ang pangako ng lupa at hustisya sa mga magsasaka ng asyenda.

Noong Agosto 2014, naghain ang mga magbubukid ng mosyon na muling buksan ang kaso laban sa mga sangkot sa masaker, ngunit agad itong ibinasura ng Ombudsman. Hindi dapat kalimutan na si Aquino ang Congressman saklaw ang Hacienda Luisita sa panahon ng masaker at kinanlong ng mga Cojuangco at Aquino sa kanilang bakuran ang mga pulis at militar na nagpaulan ng bala sa mga magsasaka.

Inaprubahan man ng Korte Suprema ang pagpapamahagi ng Hacienda Luisita noong 2012 ay nananatiling tigang at tiwangwang ang malalawak na lupain ng asyenda. Imbes na palay o mais ang matutunghayang nililinang ng mga magsasaka, public-private partnership (PPP) sa anyo ng solar power plant ang makikitang pinoprotektahan ng de-sementong bakod at watch tower ng mga tauhan ng mga Cojuangco-Aquino.

Mariing tinututulan ng mga magbubukid ang proyekto sapagkat nasasaklaw nito ang 500 ektaryang lupaing agrikultural na inagaw ng Luisita Realty Corporation – kompanyang pagmamay-ari ng mga Cojuangco-Aquino – at RCBC, upang pagtayuan ng nasabing solar power plant.

Ang proyektong solar power plant ay pinakahuli sa serye ng pangangamkam ng lupa ng pamilyang Cojuangco-Aquino gamit ang pandarahas, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, paninira ng pananim, at pagbabakod sa lupang agrikultural.

10PPP sa kapinsalaan ng mga mamamayan

Ang isinasagawang PPP sa Hacienda Luisita ay isa lamang sa maraming proyektong imprastrukturang ibinibida ng administrasyong Aquino. Tinaguriang flagship program ng pangulo, ang PPP sa esensya ay naglalayong ibigay sa malalaking negosyo ang kalakhang kontrol ng mga pampublikong serbisyo.

Sa likod ng mga pangakong hanapbuhay at kaunlaran, nagdulot ang PPP ng sapilitang pagpapaalis ng mga maralitang tagalungsod sa kanilang mga komunidad. Mahigit isang milyong indibidwal ang mawawalan ng tahanan at hanapbuhay sa pinakamalaking PPP ni Aquino, ang Laguna Lakeshore Expressway-Dike Project (LLEDP).

Sa nakaambang MRT-7 PPP, mahigit 11,000 magsasaka at maralitang tagalungsod sa Quezon City, Caloocan, at San Jose del Monte, Bulacan, ang maaagawan ng mga sakahan at tirahan.

At habang nagdudulot ng sakit sa ulo ang matinding trapik sa mga lansangan ng Metro Manila, dagdag na sakit sa bulsa ang tumataas na pamasahe at panganib sa buhay ang bulok na pamamalakad sa MRT at LRT.

Ang mga PPP na sinimulan at nais pang pagtibayin ni Aquino sa pamamagitan ng batas para dito ay pagtatanggal ng gobyerno sa responsibilidad na mamahala at magbigay ng de-kalidad at abot-kayang serbisyo at utilidad sa mamamayan. Samantala, ginagastusan ng gobyerno ng malaki ang mga PPP para lang pagkakitaan ng mga pribadong negosyo.

9Kriminal na kapabayaan sa mga nasalanta ng mga bagyo

Dalawang taon na mula nang winasak ng Bagyong Yolanda o Haiyan ang Silangang Visayas. Halos isang milyong pamilya o limang milyong indibidwal ang naapektuhan.  Sa dalawang taon na iyon, hindi pa nabibigay ang tulong-pinansyal habang inirereport ng Commission on Audit ang mahigit isang bilyong pondong hindi pa nagagamit; nabulok na lang ang bigas, noodles, de lata, at iba pang relief goods na mabagal na ipinamamahagi; at nakatira pa rin sa tent ang mga pamilya na hindi pa rin nabibigyan ng relokasyon at pabahay habang pinahihintulutan ang mga malalaking negosyong magtayo ng istruktura sa “no dwelling zones”.

Hindi lang makakalimutin ang pangulo at binitawan ang responsibilidad sa mga biktima ng Yolanda, kundi wala rin itong kahit kaunting bahid ng malasakit. Hindi hinarap ni Aquino ang mga biktima nang nagpunta sila sa Maynila sa ika-100 araw mula noong Yolanda. Nakuha pa ng pangulo na sabihing, “Dahil tila naasikaso nilang pumunta dito, puwede naman sigurong maasikaso ‘yung pangkabuhayan nila doon.” Hindi rin niya binisita o dinaluhan ang paggunita sa pananalasa ng bagyong Yolanda sa pagsasabing “hindi ako imbitado.”

8Ang kaso ni Mary Jane Veloso

Si Mary Jane Veloso ay nakakulong at nahatulan ng kamatayan sa Indonesia simula pa 2010. Hindi nakapag-apela si Mary Jane sapagkat wala siyang translator at hindi naunawaan ang pagdinig.

Limang taon na ring lumalapit ang pamilya ni Mary Jane sa Department of Foreign Affairs (DFA) dito sa Pilipinas, pero paulit-ulit lang silang binalewala. Nagdesisyon ang pamilya ni Mary Jane na sa halip na ipamasahe tungong DFA ang kanilang pera ay ipunin na lang ito para ipadala kay Mary Jane. Itinago rin umano ng gobyerno ang pamilya Veloso sa Indonesian media at maging sa lokal na media. Ika nga sa nanay ni Mary Jane na si Celia Veloso, “matagal na panahon na natulog ang kaso ng anak ko.”

Sa gitna ng napakalawak na suporta mula sa lokal at internasyunal na komunidad, inangkin ni Aquino ang karangalan matapos bigyan ni Indonesian president Joko Widodo ng reprieve si Mary Jane. Ngunit nang bago ang araw ng nakatakdang pagbitay, ang sagot ni Aquino sa pagdulog ng tulong ni Celia: I did not create your problem.

Kung tutuusin, totoo naman na ginawa ng administrasyong Aquino ang kinakaharap na kaso ni Mary Jane. Pinasidhi ni Aquino ang pagpapadala ng mga manggagawa sa labas ng bansa sa pamamagitan ng labor export policy, sa halip na gumawa ng mga trabaho sa Pilipinas.

7Sunog sa pabrika ng Kentex

Kung nakakulong sa mahirap na kalagayan ang mga OFW tulad ni Mary Jane, nagmimistulang bilanggo rin ang mga manggagawa sa Pilipinas sa likod ng rehas ng kontraktuwalisasyon at mababang sahod.

Sa kaso ng Kentex, nagsilbing piitan ang pagawaan ng tsinelas para sa mahigit isang daang kontraktwal, na kumikita lamang ng P202 bawat walong oras na trabaho. Mayo 13, 2015, 74 sa kanila ang hindi na nakalabas nang ang piitan ay naging pugon.

Napag-alamang walang fire permit mula sa Valenzuela Bureau of Fire Protection (BFP) ang Kentex. Sa kabila ng kawalan ng permit ay inisyuhan ang pabrika ng business permit ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela.

Nalaman rin sa imbestigasyon na walang fire alarms, fire extinguishers, fire exits, sprinkler systems, maayos na lagayan ng mga kemikal, at malinaw na tatak sa mga kemikal. Gayunpaman, nakakuha ng certificate of compliance mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang pabrika para sa general labor standards and occupational safety and health standards.

Mahigit 7 buwan na ang nakalipas, ngunit walang konkretong usad ang mga kasong hinaharap ng mga responsable. Walang ni isa ngayong nananagot sa likod ng rehas.

6Pagkakasangkot sa mga anomalya ng mga matataas na upisyal ng gobyerno

https://www.facebook.com/PixelOffensive/photos/pb.257334291023396.-2207520000.1452653107./567367093353446/?type=3&theater

Pawang naging slogan sa pangangampanya ni Aquino noong 2010 ang linyang “Kung walang kurap, walang mahirap.” Gayunpaman, sa dami ng mga anomalyang kinasasangkutan ng mga myembro ng kanyang gabinete, naging lumang retorika na lang ang linyang ito.

Iilan lamang sa mga anomalyang nangyari sa ilalim ng administrasyong Aquino ay ang paglikha nina Aquino at budget secretary Butch Abad ng DAP; iligal na transaksyon sa mga lisensya ng armas at ang pagkakasangkot sa Mamasapano incident ni PNP chief Alan Purisima; pagpirma ng maanomalyang kontrata sa MRT-3 ni transportation secretary Emilio Abaya; kasong bribery ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) chairperson Cristino Naguiat; pagkakasali sa pork barrel scam at garlic import permits racket ni Agriculture secretary Alcala; at kasong sugar smuggling ni dating Land Transportation Office (LTO) chief Virgie Torres.

Ang mamamayan ang nagbabayad sa mga kasalanang ito. Samantala, malaya mula sa pananagutan silang mga nakaupo sa pwesto.

5Kapayapaan sa Mindanao

 

Tila maraming balakid ang Daang Matuwid tungo sa ganap na kapayapaan sa Mindanao. Ang kabalintunaan dito ay ang administrasyong Aquino mismo ang naglagay ng mga balakid na ito.

Binawi ng ilang mambabatas sa Kongreso ang suporta nila sa Bangsamoro Basic Law (BBL) matapos ang pumalpak na Oplan Exodus sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 2015.

Sa report ng PNP, si Aquino ang may pinakamalaking kasalanan sa Oplan Exodus, dulot ng paglabag niya sa PNP Chain of Command. Nalantad din ang pagkakasangkot ng US sa pagpaplano at pagbigay ng lohistikal na suporta sa operasyon, na mas malaking paglabag sa soberanya at Konstitusyon.

mula sa durianburgdavao.wordpress.com

Base sa takbo ng BBL sa Kongreso, malabo nang maipasa sa termino ni Aquino ang isang batas na tutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan sa Mindanao at naaayon sa mga nakasaad sa pinirmahan ng Government of the Republic of the Philippines (GPH) at MILF na Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB). Malayo na rin sa pinagkasunduang CAB ang Basic Law on the Bangsamoro Area of Responsibility o BLBAR na sinusulong sa Senado.

 

4Impunity

Manila Today file photo

Anim na taon nang naghahanap ng hustisya ang mga kaanak ng mga namatay sa Ampatuan massacre – kasama rito ang 32 myembro ng media – subalit tila nabaon na ito sa hukay sa mabagal at pribadong paglilitis sa kasong walang ni isa pang nahahatulan. Nakapagpiyansa naman ang mga pangunahing suspek nito bagamat nahaharap sa 58 kaso ng pagpatay.

Hindi pa rin nabibigyang-linaw ang mga kaso ng sapilitang pagkawala nina Jonas Burgos, Karen Empeño, at Sherlyn Cadapan, ang pamamaslang kina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy at marami pang ibang pilit na pinatahimik ng estado at militar. Sa panahon naman ni Aquino, may 27 biktima ng sapilitang pagkawala at 304 biktima ng extrajudicial killings ayon sa datos ng Karapatan.

Pinagtatakpan ng gobyerno ang madugong tala ng paglabag ng karapatang pantao ng mga matataas na opisyal nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Tila pinagmamalaki pa ng administrasyon ang madugong rekord nina AFP commanding general Eduardo Año at retiradong Eastern Mindanao Command chief Aurelio Baladad sa pagtataas ng ranggo ng mga ito at ang pagkakanlong sa dating Army general na si Jovito Palparan sa loob ng kampo militar sa halip na normal na piitan.

3Sistematikong pamamaslang ng mga katutubo sa ilalim ng Oplan Bayanihan

Manila Today file photo

Bago pa man nag-trend ang hashtag at kampanyang #StopLumadKillings nitong huling bahagi ng 2015, matagal nang kinukundena ng mga Lumad at mamamayan ng Mindanao ang pamamaslang ng mga katutubo. Ang pamamaslang kina mining activist Juvy Capion at Father Fausto ‘Pops’ Tentorio noong 2012 at ang masaker sa Pangantukan sa Bukidnon ay ilan lamang sa mga halimbawa.

Nanaig ang boses ng nagkaisang mamamayan nang maganap ang masaker sa Lianga, Surigao del Sur na ikinasawi nina Alcadev executive director Emerito Samarca at mga lider-katutubo na sina Dionel Campos at Datu Juvello Sinzo.

Gayunpaman, mariing pinagtatakpan ng gobyerno at ng AFP ang masaker sa Lianga at ang kabuuang sistematikong pamamaslang sa Lumad, sa ngalan ng Oplan Bayanihan at ng malalaking korporasyong mina. Ipinapakalat nitong tribal war daw sa pagitan ng mga grupong Lumad ang dahilan ng masaker; training ground umano ng New People’s Army (NPA) ang mga eskwelahang itinayo ng Lumad tulad ng Alternative Learning Center for Agriculture and Livelihood Development (Alcadev); NPA raw ang pumapatay ng mga Lumad; ayon sa AFP, 60% ng Lumad ay myembro ng NPA; itinanggi ng AFP ang koneksyon nito sa mga grupo ng paramilitar; at binaluktot ang pahayag ni UN special rapporteur Chaloka Beyani upang palakasin ang sinabi ng AFP na binibihag ng mga grupong komunista ang mga Lumad na lumikas sa UCCP Haran Center Sa Davao.

2 Mamasapano

dibuho ni Caloy Gernale

Kumpirmado ang pagkakasangkot ng Estados Unidos sa Oplan Exodus sa Mamasapano, Maguindanao. Humantong ang operasyong ito sa pagpatay sa 65 Pilipino – 44 myembro ng PNP-Special Action Forces, 18 myembro ng MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), 3 sibilyan – at paglikas ng libu-libong mamamayan.

Kasalukuyang isinasagawa ang pagkakaso sa mahigit 13 miyembro ng MILF at anim na miyembro ng BIFF, habang mariin ang pagtanggi ng gobyerno, pulis, at US ang presensya ng mga Amerikano sa command post at sa lugar kung saan nangyari ang labanan. Walang napapanagot sa hanay ng mga nakaupo sa pwesto. Maraming ‘alternative truths’ ang sumulpot. Nadiskaril ang pagsasakatuparan ng Bangsamoro Basic Law (BBL).

1Patuloy na panghihimasok ng US sa Pilipinas

photo by ST Exposure

Kailangan lamang tignan at suriin ang mga polisiya sa ekonomiya at militar na pinagkasunduan ng US at Pilipinas upang makapagsabing ang huli ay kolonya pa rin ng una.

Nilalayon ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ang panunumbalik ng mga baseng militar ng US sa Pilipinas. Pinapahintulutan ng rotational access agreement ang US na gamitin ang mga daungan at paliparan ng bansa, magtambak ng mga kagamitang pang-militar, magtayo ng mga imprastruktura, at magpadala at magpalagi ng mga tropang Amerikano kahit saan man sa bansa.

Ang EDCA ang nagbibigay ng katwiran sa mga tropang US na mag-rest and recreation sa mga lugar na malalapit sa mga baseng militar tulad ng Angeles at Olongapo. Kasalukuyang ginigiit ng mga mamamayan ang pagpapakulong kay Joseph Scott Pemberton sa National Bilibid Prison para sa guilty verdict sa kasong homicide ni Jennifer Laude.

mula sa Globalita.com

Bilang bahagi ng ‘pivot to Asia’ ni Barack Obama, na pinagmamalaki niyang parehong makakatulong sa ekonomya ng US at ibang bansa, napagkasunduan ng US at Pilipinas ang mga polisiya upang mas mapabilis ang kalakalan sa dalawang bansa. Kabilang ang Pilipinas sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na parehong pakana ng US. Nariyan din ang mga polisiyang sinusunod ng Pilipinas sa ilalim ng World Bank at World Trade Organization.

Mula sa mga pang-ekonomyang panukalang ito, nagsanga-sanga na ang mga programang pro-US at anti-mamamayan: Oplan Bayanihan; PPP; minimum wage at kontraktuwalisasyon habang nagmamahal ang mga bilihin at serbisyo; conditional cash transfer program (CCT); hindi makatarungang tuition fee payment schemes habang taun-taong nagmamahal ang matrikula at iba pang bayarin habang nagkakaroon ng budget cuts sa state universities at colleges (SUCs); academic calendar shift sa mga unibersidad; pagtanggal ng Filipino at iba pang makabayang asignatura sa batayang curriculum sa college; K+12; at marami pang iba.

Mahigpit ang kapit ng US sa politika, ekonomya, kultura, at militar na usapin ng Pilipinas. Hawak ng mga kuko ng agila ang leeg ng mayang pinagkaitan ng layang lumipad.

Maraming kaparaanan ang pamahalaan at ang sistemang pinapalooban ng lipunang Pilipino na pinapanatili ng US upang makalimot sa paglalapastangan nito sa mamamayan.

Nariyan ang mga kasangkapang telebisyon, radyo, Internet at iba pang institusyong nagpapalimot sa aktwal na danas ng tao. Nariyan ang mga pwersa ng estadong nagpapatahimik sa mamamayang umalpas sa laylayan ng katahimikan. Ang mga aparatong ito ay pumapaslang sa danas, pumapaslang sa alaala, pumapaslang sa laban tungo sa ganap na pagbabago.

Ngunit hindi marunong lumimot ang mamamayan. Hangga’t nananatili ang kaayusang mapang-api, hangga’t pataas nang pataas ang bilang ng mga patay at namamatay sa kahirapan, hinding hindi lilimot ang mamamayan.

Ang alaala raw ay marupok, ngunit nagiging totoo lamang ito kung siyang tumatangan ng alaala ay walang pakialam sa halaga nito. Alam nating lahat ang kaparusahan ng mga nakakalimot. Magiging malupit ang kasaysayang lilikhain ng nakakaalala.

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here