“Ngayon ay buwan ng magsasaka. Pumunta ang mga magsasaka dito kasi ipinaglalaban nila ang kanilang mga karapatan. Karamihan dito, inagawan sila ng kanilang mga karapatan tungkol sa mga lupain na sinasaka nila na kinamkam ng mga makapangyarihang maylupa,” sabi ni Marja Jaso, 52, tagapangulo ng Pagsambok ng Morong Manlulupa at Mangingisda sa Banakon (PAMOMMABA) mula sa Madaum, Tagum City, Davao Del Norte.

Sabi ni Marja, ang pangunahing dahilan sa kanyang pakikilahok ay ang pagkamkam ng dayuhan sa lupang ninuno.

Dagdag niya, bukod sa pagsuporta sa #LakbayMagsasaka kasama ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas Southern Mindanao Region, mayroon din silang kahingiang mailabas ang isang registration order para mabawi ang kanilang lupang ninuno.

Ang Biay, Cacasi, Binawe, Babag, Dugyatan, Sahid, Mistid Kilimon, at Tantawan ay mga angkan na nananawagan para sa kanilang lupang ninuno. Lahat sila ay mga Moro sa Madaum, Tagum City, Davao Del Norte. Sila ay kabilang sa etnikong grupo na Kagan o Kalagan, isa sa 13 ektnikong grupong Moro.

“Ayala at Tuason ang humahawak sa lupaing ninuno at inilagay nila ang Hijo Resources Corporation na ngayon ay Hijo Industrial Estate at Banana Beach Resort. Mula noon hanggang ngayon, wala kaming kakayahang lumaban sa kanila dahil kami ay maralita lamang at sila ay mayayaman at mainpluwensiyang pamilya,” sabi ni Marja.

Ang Hijo Resources Corporation ay may dalawang major shareholder, ang Tuason Group and Fuji Fruits Co., Ltd of Japan. Sinasabi ng kumpanyang na sila ang nanguna sa paglilinang at pag-export ng saging sa bansang Hapon mula sa Pilipinas.

Ayon kay Jaso, noong 1915 pa nanirahan ang kanilang mga ninuno sa kanilang lupa, pero sila ay pinagtabuyan at pinalayas ng mga dayuhan nang dumating ang taong 1966. Mga security guard na may dalang baril ang nagpaalis sa kanila. Sinunog ang kanilang mga kubo at ang lambat sa paghuli ng isda. Pinutol din ang mga punongkahoy na tanim.

“Nag-file ng kaso noon ang aming mga ninuno laban sa Twin Rivers Plantation Inc. (TRPI) sa Court of First Instance (CFI), Davao City. Panalo ang kaso laban sa TRPI ngunit hindi sila nakakuha ng order galing sa CFI, Davao City dahil sinunog o sadyang sinunog ang opisina ng CFI, Davao City noon kaya wala silang mahawakang kopya ng order galing sa korte,” kwento ni Marja.

Bakanon, Barrio La Paz ang orihinal na pangalan ng lugar noong 1915. Pinalitan ito ng Barriett Plantation at Twin Rivers Plantation Inc. Sa ngayon, Banana Beach Resort, Hijo Resources Corporation at Hijo Industrial Estate ang nakatayo doon.

“Noong September 16, 2013, pinasok ng mga angkan ng Biay at Cacasi Moro ang lupaing ito dahil mayroon kaming katibayan na hinahawakan na nagpapatunay na ang lupaing pinasok namin ay sa aming mga ninuno. Pero noong nasa loob na kami ay nag-file ng demanda ang Hijo Resources Corporation laban sa amin noong September 23, 2013 sa kasong Forcible Entry,” kwento ni Marja.

Sabi ni Jaso, ang lupaing pinagtatalunan ay may lawak na mahigit 300 hectares pero isang titulo lang ang ginagamit ng korporasyon. Aniya, mga tribong Kagan na Moro ang nagmamay-ari nito mula pa noong 1915.

“Sa kasawiang-palad, kami po ay pilit na pinalabas sa area kasama ang kanilang escort na mga pulis na 100, at mga sheriff noong August 8, 2014. Pwersahan ang pagpaalis sa amin. Wala kaming nadalang gamit,” tuloy ni Marja.

“Kaming lahat na mga clan at ang abogado namin ay nagkasundo na mag-file ng demand laban sa Hijo Resources Corporation. Ngunit noong Abril 26, 2014, na-dismissed ang kaso namin dahil hindi naka-attend ng ilang beses ang abogado namin sa hearing dahil siya ay nagkasakit. Pero sa kasong ito, ang desisyon ng korte walang talo o panalo sa amin. Alam na ng buong clan na wala kaming laban sa korte,” ani Marja.

“Wala na kaming maayos na matitirhan. Ang iba naming kasama tumitira na lang sa gilid ng ilog, sa tabi ng dagat na naaabutan ng alon. Tapos ‘yung iba nandiyan na lang sa mga squatter nakitira kasi wala nang lupang matitirhan. Walang lupang masasaka. Hindi na namin napakinabangan ang lupang ninuno namin hanggang ngayon,” pagbubuo ni Marja sa karanasan ng kanilang grupo.

Maliban sa problema ng pag-angkin sa kanilang lupang ninuno, naging problema din nila ang militarisasyon at extrajudicial killings (EJK).

“Isa ‘yang militarisasyon sa naging problema namin sa Davao Del Norte at ‘yung extrajudicial kiling kasi marami kaming mga kasamahang magsasaka, mga kasamahang lider na pinatay doon, lalo na sa mga Lumad na kasama namin.  Marami talaga ang pinatay sa pambibintang sa amin. Kagaya naming mga Moro, pinagbibintangan kaming mga terorista. ‘Yung mga magsasakang iba doon, pinagbibintangang NPA, tapos hinuhuli nang walang kasalanan. Pinagbibintangang mga NPA tapos pinaplantahan pa sila ng baril, mga bomba. Meron nga kami na kasamahan, isa siyang lider ng manggagawa sa amin. Chairman siya. Tapos binaril siya. Pumunta lang siya ng palengke at binaril siya doon. Kakalibing lang din namin sa kanya ngayon,” ayon kay Marja.

Panawagan ni Jaso ay maibalik ang kanilang lupaing ninuno.

“Sana magkaroon na kami ng lupang masasaka at matitirhan. Para na rin sa susunod na henerasyon at sa kanilang mga kinabukasan. Dahil ayaw namin na matulad sila sa amin na kulang ang pinag-aralan, naagaw sa amin ng mga dayuhan ang lupang ninuno na hindi namin mapakinabangan hanggang sa ngayon,” pagtatapos ni Marja.

Si Marjo Jasa, mula sa grupong Kagan. Kuha ni Klaire Ting.
Si Marja Jaso, mula sa grupong Kagan. Kuha ni Klaire Ting.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here