Luha ng saya, pasasalamat at ng pangamba ang iniiyak ng bawat isa sa huling araw ng mga batang Lumad na namalagi dito sa lungsod ng limang buwan.

Saya. Hindi mo mabibili ng kahit ilang milyon ‘yung ngiti na nakapinta sa mga mukha nila sa tuwing maririnig ang katagang “uuwi na tayo.” Ang komunidad nila sa Mindanao, higit sa lahat ang pinakalubos nilang minamahal; ang lupa para sa kanila ay buhay. Saya na nalayo silang pansamantala sa mga gatilyong sila ang puntirya, sa mga bombang ibinabagsak sa mga paaralan nila at sa sandaling pagkawala ng takot na baka sila naman ang susunod na papatayin ng mga militar.

Pasasalamat. Lubos ang pagpapadama nila ng pasasalamat, alam mong totoo alam mong taus-puso. Pasasalamat na sa kabila nang pagtataboy sa kanila ng gobyernong ito, naririto pa rin tayo upang maging pansamantalang tahanan, saglit na kukupkop at kakalinga ngunit higit sa lahat habambuhay tayong kasama nila sa bawat pagtaas ng kamao upang ipagpatuloy ang paglaban.

Sa kabila ng mga luha ng saya at pasasalamat hindi pa rin naikukubli ang pangamba. Pangamba na lagi’t lagi na nilang bitbit saan man magpunta. Kakambal ng naisin nilang makabalik sa kanilang komunidad ay ang takot na naroroon pa rin ang militarisasyon, hinahanap sila at binabawian ng buhay. Pangamba na kahit ako man ay dinadala ito.

Sa limang buwang pananatili ng mga Lumad dito sa kalunsuran nagkaroon sila ng malaking parte sa puso ko upang patuloy na makiisa sa kanilang laban. Ang yakap at ngiti nila ay sobra-sobra nang kapalit sa lahat ng sakripisyo. Mabuhay kayong mga hindi pangkaraniwan. Paragis ki!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here