“Mabait. Masayahin. Malambing. Pangarap niyang maging magaling na make-up artist. Marami siyang pangarap, sabi pa niya sa akin, ‘Ma ‘pag nagkatrabaho at nag-abroad na ako hayahay na buhay mo, hindi ka na magtatahi ng basahan’,” kwento ni Emelita Jore, nanay ni Aldrin.

Sa unang gabi ng burol ni Aldrin Jore. Kuha ni Wigen Echual.
Sa unang gabi ng burol ni Aldrin Jore. Kuha ni Wigen Echual.

Pagod at malungkot si Nanay Emelita. Sabi niya, mabait ang anak ko, wala akong nakikitang kaaway niya. Oktubre 4 ng gabi ang unang gabing ibinurol si Aldrin.

Nagulat nalang siya nang nakita niya si Aldrin na nakahandusay sa kalsada, wala nang buhay.

Oktubre 2, gabi, matapos magpagupit ng buhok, binaril ng ‘di nakilalang salarin si Aldrin. Dalawang tama ng bala sa kanyang batok ang pumatay sa kanya.

Ayon sa mga nasa paligid nang nangyari ang pagpatay, tinawag siyang ‘Burnok’ ng bumaril. Lumingon si Aldrin. Doon na siya pinaputukan ng baril. Tatlong riding-in-tandem ang namataan sa eksena sa pagpatay kay Aldrin. Bumuwal si Aldrin sa kalye ng Martan, wala nang buhay.

May iba pang tinatawag na ‘Burnok’ sa lugar nila Aldrin sa Barangay Commonwealth sa lungsod Quezon.

Isang dumadaan lang sa mga oras na iyon ang natamaan ng bala na dinala sa ospital.

Samantala, sa ‘initial police report’ na inulat ng isang pahayagan, sabi ng police report na sabi raw ng mga residente na ‘kilalang bugaw ng mga prostitute’ ang napatay, pero sabi rin ng mga pulis na kailangan pa raw nila itong beripikahin.

Panglima sa magkakapatid, Grade 8 sa hayskul, 16 na taong gulang. Class president. Matalino. Marami pa siyang pangarap para sa kanyang pamilya.

“Wala na anak ko. Mami-miss ko siya,” iyon na lang ang nasambit ni Nanay Emelita.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY