Aabot na sa apat na dekadang naninirahan ang libu-libong mga residente sa bahaging East Bank ng Manggahan Floodway sa Barangay Sta. Lucia, Pasig. Aabot na sa apat na dekada pero hanggang ngayon ay wala silang katiyakan sa paninirahan. At mula nang sumambulat ulit ang panibagong serye ng demolisyon mula Agosto, paimbabaw na kapayapaan sa dating tahimik na lugar at pagkabalisa ng kalooban ang nararanasan ng mga mamamayan dito.

Noong 2009, matapos ang bagyong Ondoy na nilubog ang maraming bahagi ng Kamaynilaan sa baha, binawi ng dating pangulong Gloria Arroyo ang proklamasyon sa pag-award ng lupa sa mga residente ng Manggahan Floodway. Kasunod nito, dineklarang danger zone ang lugar, bagamat isa ito sa tinuturing na ‘flood-free’ na lugar sa buong lungsod at mismong mga residente ang magpapatunay na hindi binabaha sa lugar. Sinulong ng pamahalaan ang sapilitang pagpapalayas sa mga maralita at pagdadala sa relokasyon sa Calauan, Laguna. Sa mga pumayag sa demolisyon, marami na sa kanila ang nagbalikan dahil sa kawalan ng hanapbuhay sa relokasyon. Makailang-ulit ding napabalita ang relokasyon sa Calauan dahil sa kakulangan sa mga batayang pangangailangan ng komunidad at pagkakasalanta sa malalakas na ulang dala ng hanging habagat.

Nagbigay ng puwang ng pag-asa sa mga maralitang-lungsod sa mga ligal na pakikibaka ang paglalabas ng dating Kalihim ng Department of Interior and Local Government Jessie Robredo ng pag-aaral hinggil sa mga tinatawag na informal settlers ni Jessie Robredo. Sa dokumentong iyon, sinasabi ni Robredo na dapat pangunahing ikunsidera ng gobyerno ang kapakanan ng mga maralita sa pagresolba sa usapin ng paninirahan, kung kaya’t sinabi niyang dapat prayoridad ng gobyerno ang onsite development at panghuli ang pagdadala sa mga maralita sa mga malayong lugar. Pumanaw na lang si Robredo sa isang kontrobersyal na aksidente o aksidenteng sinundan ng mga kontrobersya ay wala namang pumansin at nagpatupad sa kanyang ginawang pag-aaral.

Basahin ang ilang hinaing at kuwento ng mga residente ng Floodway.

[ultimate_spacer height=”50″]

Francis, Masang Pilipino Organization

Noong Agosto 31, sa isang marahas na dispersal, pinalo kami, kinulong ang 41, kasama ang 10 bata. Hindi nila pinakita ang mga bata sa mga magulang ng ilang araw, puro pasa at bukol ang mga iyan, ilang araw ang pinalipas bago pinakita sa midya at sa mga tao. Kami ay pinagsusuntok, piangsasaktan na parang mga hayop.

Noong 2010, pinapaalis kami rito. Sinasabi namin na kung hindi ka papayag sa relokasyon, hindi ka made-demolish. Ang mga tao natakot sa pagpapabalik-balik ng mga pulis, MMDA baba sa lugar namin kaya pumapayag sila.

Mula 2010, nakikisakay kami sa trak ng basura para lang makarating sa Malakanyang para ipaliwanag kung bakit namin ipinaglalaban ang aming lugar.

Sinasabi nila na danger zone ang aming lugar. Pero ang totoo, taong 1992, DPWH ang nagdala sa amin sa lugar na iyan. ‘yung dinemolis sa Pinagbuhatan, dinala nila sa Floodway. ‘Yung dinemolis nila sa Libis, dinala rin nila sa Floodway. Paano nila ngayon nasabi na ang aming area ay danger zone? Dinala pala nila kami sa danger zone?

‘Yung mayor namin, ang ganda ng paliwanag. Sabi niya, walang demolisyon sa Floodway hanggang kami ang maupo. Ano na ngayon?

Anong ginagawa sa amin ngayon? Tinatakot kami. Pinupuntahan kami sa komunidad, kinakausap kami. ‘Pag may umpukan sa komunidad, may mga pulis sinisita kami anong ginagawa namin. Sana matigil na ang mga ganitong pangyayari.

Rudy, Balikwas Kadamay

Marami sa amin dito, deka-dekada nakatira. Pero si Mayor Bobby Eusebio, binali ang Proclamation 458 at 1160. Ora-orada nilang ni-revoke, sinabi na danger zone ang ating lugar.

Ang mayor ng Cainta at Taytay, hindi sila naniniwala na nasa danger zone ang aming lugar at sumusuporta sa atin, na mapasaatin ang lupa. Hindi sila naniniwala na mapanganib ang lugar at tayo ay sagabal. Ating igigiit na sana mai-award at i-develop na lang ang ating lugar. Pera ng taumbayan, pinaghirapan na ng taumbayan, papayag ba tayo na sa isang iglap wasakin ang ating mga pinaghirapan parang winasak na rin ang ating mga buhay pamilya. Lagi na lang bang ang mga proyektong ganito ay walang sawa sa pag-angkin, walang sawa sa pagkamkam ng pera.

Kung danger zone ang lugar, hindi naman solusyon ang pagdadala sa maralita sa mga death zone—o mga lugar na walang kabuhayan at trabaho at lalong salat ang pampublikong utilidad at serbisyong panlipunan.

Vicky, Samahan ng Nagkakaisang Kababaihan sa Floodway

Ang nais po namin ay mai-award ang lupa ng Floodway. I-develop ang aming lugar. Paano na lang ang mga lubhang mahihirap, gaya ng mga pamilya sa Berm, kung saan marami talagang walang makuhang hanapbuhay, ano na lang mangyayari sa kanila kung gibain ang bahay nila, wala silang malilipatan, hindi magtatagal ang kakarampot na financial assistance. Hindi ito katumbas ng kanilang tahanan. Sa loob ng ilang buwan, halos araw-araw na lang kaming binabagabag ng demolisyon.

Ofelia, Samahan ng Nagkakaisang Kababaihan sa Floodway

Napakahirap ng sitwasyong nakaamba ang demolisyon sa inyong tahanan. ‘Yung mga tao, hindi na makapasok sa trabaho, ‘yung mga bata hindi makapasok sa paaralan kapag nariyan ang banta ng demolisyon. Paano na lang kung pagdating mo giba na ang iyong bahay? Paano na lang kung pag-uwi ng anak mo, giba na ang bahay, anong gagawin niya ‘pag nauna siya sa magulang na umuwi? Hindi na pinatahimik ang isip ng mga tao.

Bert, Balikwas Kadamay

Ilang beses kami nakipag-set makipag-usap sa kanya, sabi noong isang beses, si Mayor Bobby Eusebio ay nasa abroad. Pero nalaman namin nandoon pala sa isang meeting. Ganon ba ang dapat mamuno sa isang bayan? Ganoon ba ang isang ama ng bayan?

Kami po ang Balikwas Kadamay sa East Bank na idinedemolish ni Mayor Eusebio. Sinasabihan kami na kami ay naglulunsad ng isang rebelyon. Sabi namin, mayor, hindi kami nagsasagawa ng rebelyon. Nagtatanggol lang kami sa karapatan naming mahihirap. Mabuti pa ang mayor ng Cainta, buong suporta sa mamamayan niya na maibigay sa kanila ang lupa. Mapalad ang mga taga-Floodway sa bahaging Cainta, hindi maranasan ang nararanasan namin.

Ang Balikwas Kadamay, hindi nagtuturo ng rebelyon. Iyon po ang tumutulong sa mga inaapi. Hindi kami kalaban. Kung sino ang inaapi, doon po kami. Kami rin po mismo ay inaapi kaya pwede kami magkaisa at magtulong-tulong.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here