Performed during the commemoration of the 42nd Anniversary of the Declaration of Martial Law by cultural activist Edwin Quinsayas, NUSP President Sarah Elago and acclaimed actor/writer/director Bernardo Bernardo

 

ANG HIMALA NG ASENDERO

by Joi Barrios – Bayan Women’s Desk at Committee for the Protection of Workers’ Rights

 

(Boses ng tagapagsalaysay)

Mayroon kaming kuwento

tungkol sa isang asendero.

Naturingang pangulo

iyon pala’y salamangkero.

 

Sa isang kumpas,

may gawa-gawang batas,

Sa isang iglap ,

may pansuhol pa, na DAP.

 

Manalig lahat sa hiwaga ng mahika

at bisa ng mga himala.

Kung sa amo, kayo ay tapat,

May biyaya kayong matatanggap.

 

MAKATA 2

(Boses ng mga makapangyarihan)

Bakit isisisi sa amin ang inyong paghihirap?

Buhay ay gulong, palad niyo’y inyong palad.

Ikaw na nagsasaka, ikaw na sa tubo ay gumagapas,

Spoiled na spoiled ka, kuya, ayaw mo lang magbanat.

 

Kaya sa inyo, ano nga ba ang marapat?

Maghintay na lang, na maambunan ng PDAP.

Ay, sandali, ang pondo ay nakulimbat,

So sorry sa iyo, ate, inabot ka ng malas.

 

Huwag magalit, pray to the heavens above

At sa halip, sabihin: LOVE, LOVE LOVE!!!!

 

MAKATA 3:

(Boses ng masa)

Mayroon po akong gustong ipaabot sa lahat.

Mula sa puso, mangungusap nang tapat.

Walang Diyos na nagnais na tayo’y maghirap.

Wala ring manunubos na sa ati’y magliligtas.

Walang himala!

Walang himala.

Kahit ang EDSA ay hindi himala.

 

Tao ang lumilikha ng mga himala.

Tao ang nagsasamantala sa kapwa.

Tao rin ang dapat na kumilos

Upang magwakas ang pambubusabos.

 

MAKATA 1:

Kung hindi tayo titindig,

Parang tayo na rin ang ipiniit.

 

MAKATA 2:

Kung hindi tayo lalaban,

Lagi na lamang talunan.

 

MAKATA 3:

Kung hindi tayo mag-aaklas,

Laban sa salamangkerong huwad….

Hindi makakamit ang katarungang hangad.

 

MAKATA 1:

Pakinggan ang hinaing ng taumbayan.

 

MAKATA 2:

Patalsikin ang naghahari-harianan!

 

MAKATA 3:

Patalsikin ang naghahari-harian!

 

 

MAKATA 1, 2 AND 3:

Laban, bayan, lumaban!

Hanggang sa huli, lumaban!

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here