“Hanggang ngayon ay wala pa ring kasagutan ang rehimeng Duterte sa kawalan ng maayos na trabaho, nakabubuhay na sahod, disenteng tirahan, at kawalan ng mga batayang serbisyong panlipunan. Araw-araw kalbaryo para sa amin na mga maralita,” pahayag ni Carlito Badion, Pangkalahatang Kalihim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY).

Nagtipon ang iba’t ibang grupo na pinangunahan ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap-National Capital Region (KADAMAY-NCR) at Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Metro Manila sa Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila at nagmartsa patungong Mendiola noong Abril 10 para sa tinaguriang ‘Kalbaryo ng Maralita’.

Ang ‘Kalbaryo ng Maralita’ ay inilulunsad tuwing panahon ng Kwaresma sa Pilipinas para isadula ang pagdurusang nararanasan ng mamamayan katulad ng kahirapang dinanas ni Jesu Kristo bago siya ipako sa krus.

Ayon kay Raymond Palatino, Tagapangulo ng BAYAN Metro Manila, inihahalintulad nila si Pangulong Rodrigo Duterte at sa mga pwersa ng estado na kanilang inaakusahang lumalabag sa karapatang pantao sa mga senturyon sa panahon ni Kristo na nagpapahirap sa buhay ng mga ordinaryong mamamayan.

Dagdag pa ng grupo, parang Pontio Pilato umano si Duterte na naghuhugas kamay sa kabi-kabilang pag-atake sa karapatan ng mamamayan sa kabila ng pagkakaroon ng kapangyarihan na matigil ito.

The masks and crosses used in 'Kalbaryo ng Mamamayan' held on April 10, 2017 were made by Ugatlahi Artists Collective. (Manila Today/Chantal Eco)
The masks and crosses used in ‘Kalbaryo ng Mamamayan’ held on April 10, 2017 were made by Ugatlahi Artists Collective. (Manila Today/Chantal Eco)

Kalbaryo ng maralita

Para sa mga manininda ng Maynila, kalbaryo sa kanila ang tuloy-tuloy na clearing operations ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa ilalim ng pamunuan ni Joseph Estrada. Sa clearing operations, pinapaalis ang mga maliliit na manininda sa bangketa at hinuhuli ang mga walang tahanan na nakatira sa gilid ng kalsada.

“Pinagbabawalan ang mga vendors na magtinda pero wala namang binibigay na alternatibong solusyon para mabigyan ng programa ang mga manininda. Umaasa sila sa pagtitinda, kung wala iyon ay magugutom sila, hindi sila makakabayad sa upa sa kanilang tinitirahan,” paglalahad ni Jerome Pagunsan ng Kadamay-Manila.

Dagdag pa ni Pagunsan, nakaamba rin ang pagpapalayas sa may mahigit 5,000 maralitang pamilya sa temporary housing ng National Housing Authority (NHA) sa Aroma na sakop ng Brgy. 105 sa Tondo, Manila. Mayroong 31 dalawang-palapag na gusali ang temporary housing na ito ng NHA.

Noong Marso ay nagpaskil ang NHA ng tarpaulin sa temporary housing na hinihikayat ang mga residente rito na boluntaryo nang umalis dahil hindi na ligtas umano ang pagtira roon.

Ayon kay Pagunsan, wala pang malinaw na programa ang gobyerno kung saan papalipatin ang mga mawawalan ng mga tirahan.

Pagbabasura at pagbenta ng kalakal, trabaho sa pantalan at pagtitinda ang mga pinagkukunan ng kabuhayan ng mga nakatira rito.

Ayon naman kay Danmer Cayabyab ng Kadamay-Caloocan, maituturing na kalbaryo para sa mga maralita ng Caloocan ang planong ‘Oplan Kalinga’ na umano’y bagong pangalan ng Oplan Tokhang sa nasabing lungsod.

Sa ilalim ng Oplan Kalinga, magdedeploy umano ng halos 100 pulis at elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bawat barangay.

“Katulad ng Oplan Tokhang ay magreresulta na naman ito ng maraming pagpaslang na maralita ang pangunahing biktima sa halip na bigyan ng tamang proseso ng batas ang mga pinaghihinalaang gumagamit o nagtutulak ng droga at mabigyan pa ng pagkakataon na magbagong buhay,” sabi ni Cayabyab.

Aabot na sa 8,000 ang naiuulat na napatay na may kaugnayan sa gera kontra droga kabilang na ang mga operasyon ng kapulisan o hinihinalang mga hitman.

Para naman kay Eldefonso Bello, araw-araw ang kalbaryo para sa kanilang mga nagtatrabaho sa loob ng Harbour Centre sa pantalan ng Maynila.

Nagtatrabaho ang mga manggagawa rito ng 12 hanggang 16 na oras at tumatanggap lang ng aabot sa P650 sa isang araw at kakaltasan pa ito ng ‘bumbay’ o ng kanilang pinagkakautangan. Aabot lang sa tatlo hanggang apat na araw sa isang linggo ang trabaho ng mga manggagawa ng harbour centre at kadalasan pa ay naaantala ang sahod.

Hindi rin umano makatao ang pagtrato sa kanila dahil wala silang break time at kagamitang pangkaligtasan. Kapag naaaksidente na may kaugnayan sa paggawa ay wala ring medikal o pinansyal na tulong mula sa kanilang ahensya o sa management ng Harbour Centre. Dagdag pa rito ay hindi hinuhulugan ng kanilang manpower agency ang kanilang SSS at PhilHealth na kinakaltas naman sa kanilang sahod. Lahat din ng mga manggagawa ay kontraktwal at laging nakaamba seguridad sa trabaho.

Ang mga manggagwa ng Harbour Centre ay nagdidiskarga ng mga kargamento sa barko na kadalasan ay bakal at iba pang mabibigat na mga kargamento.

Wakasan ang kalbaryo ng mamamayan

Hinihikayat Palatino si Duterte na pawiin ang pasanin ng mamamayan sa pamamagitan ng pagbigay karampatang solusyon sa tunay na ugat ng kahirapan, di pagkakapantay-pantay, at inhustisya sa bansa.

“Imbes na patayin ang mga inosenteng sibilyan at maliliit na gumagamit ng droga, dapat sumanib si Duterte sa mamamayan sa pagtataguyod ng pakikibaka para sa mga makabuluhang reporma sa ating lipunan,” pahayag ni Palatino.

Ayon pa kay Cayabyab, dapat ay patuloy na igiit ng mamamayan ang kanilang karapatan.

“Mawawakasan lang ang kalbaryo ng mamamayan kung sama-sama itong kikilos at papadagundungin ang kanilang mga kilos protesta mula sa pinakamaliit na eskinita patungo sa malalaking lansangan,” pagtatapos ni Cayabyab.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY