Si Elina Anticama, o kilala rin bilang Ate H, ay isa sa 200 magsasaka na tumungo sa Maynila mula sa Madaum Agrarian Reform Benefeciaries Inc. Kasama ni Ate H ang iba pang magsasaka at manggagawang bukid mula sa probinsya ng Davao del Norte upang ipanawagan na kagyat na maibalik sa kanila ang lupang kinakamkam ng Lapanday Foods Corp. Mahigit dalawang linggo silang namalagi sa Mendiola, nasa tarangkahan patungong Malakanyang, upang magpiket hanggang makausap nila ang pangulo ng Pilipinas para gumawa ito ng aksyon sa pagpapalayas ng Lapanday sa kanilang mga benipisyaryo ng reporma sa lupa sa lupang kinokontrol pa rin ng Lapanday hanggang sa kasalukuyan.

Si Ate H kasama nag iba pang mga nanay sa kampuhan ng MARBAI sa Mendiola. (Manila Today/KJ Dumapit)
Si Ate H kasama nag iba pang mga nanay sa kampuhan ng MARBAI sa Mendiola. (Manila Today/KJ Dumapit)

Bago mag-Mayo 1, sinugod sa hospital si Ate H. Ayon sa doktor, malnutrition at lack of potassium ang sanhi ng karamdaman ni Ate H. Kulang sa potassium ang magsasaka at manggagawa sa plantasyon ng saging, isang mineral na pangunahing makukuha sa pagkaing saging.

Ipinanganak si Ate H sa Mindanao. Dahil sa kahirapan, inisip niyang magtrabaho sa Maynila sa murang edad para matulungan niya ang kanyang mga magulang.

Sa murang edad, namasukan siya bilang kasambahay sa pamilyang Salanga, kung saan sya nanilbihan ng mahigit 13 taon. Ang kwento nga niya nung bago pumanaw ang padre de pamilya ng tahanan na si Alfredo Salanga, dating manunulat ng pahayagang Inquirer, sinabi niya rito na magpahinga ka na at wag alalahanin ang mga anak dahil aalagaan niya ang mga ito.

Matapos ang matagal na panahong pamamalagi sa Maynila, bumalik si Ate H sa Mindanao para makasama ang kanyang asawa. Nagkaroon sila ng isang anak.

Pero sadyang dahil sa kahirapan ay ang asawa naman niya ang tumungo sa Maynila para magtrabaho sa isang bakery. Maliit lang sinasahod ng asawa niya, nasa P280 kada araw. Habang si Ate H naman ay magsasaka ng saging sa Lapanday.

Tinanong ko siya kung alam ba ng asawa niya na nandito siya sa Maynila upang sila ay magkita. Hindi raw siya nagpaalam dahil hindi siya papayagan na sumama. Hindi niya rin ito kinontak dahil magagalit daw ang asawa sa kanya. Sa kabila nito, alam naman ng anak niya na sumasama siya sa mga ganitong pagkilos. Madalas niyang binabanggit na para sa mga apo ko naman ang ginagawa kong paglaban.

Habang namamalagi sa kampuhan, nakuwento niya sa amin na mahigit 30 taon na niyang hindi nakikita ang mga anak ni Alfredo Salanga at lagi nyang naalala ang pangako niya sa dating amo. Sinabi rin niyang ang pamilya ni Alfredo ang nagbansag sa kanyang Ate H.

Tinanong nya sa akin kung may kakilala ba daw akong Salanga. Agad ko naman itong hinanap sa internet at sa social media. Hanggang sa nakita ko na isa na palang propesor sa UP Diliman ang isang anak ni Alfredo na si Elyrah Salanga. Nagtanong-tanong kami sa mga kakilala namin na guro, unyon ng kawani at estudyante na maaaring nakakakilala kay Prof. Elyrah. Nagkataon na isa sa mga kasamahan ko sa trabaho ang naging estudyante ni Prof. Elyrah.

Pinuntahan ng kasamahan ko si Prof. Elyrah. Hindi nga madali at maaasahang umayon ang pagkakataon, dahil sa oras na iyon nagkasalisi sila ni Prof Elyrah. Hindi sila nagkausap ng personal, pero nakapag-iwan ng isang mensahe na hinahanap siya ni Ate H, nasa Mendiola ito kasama ng iba pang magsasaka at manggagawa na maaaring nakita na niya sa balita, at kontakin kami agad para kunsakali, sana magkatagpo ulit sila. Mensahe ni Ate H kay Prof. Elyrah, gusto ko lang siya makita at makausap bago kami bumalik sa Mindanao.

Agad namang may kumontak sa amin noong araw na iyon: si Prof Elyrah. Laking tuwa namin at agad namin itong binanggit kay Ate H. Agad naman niyang kinuha ang kontak number ni Prof. Elyrah, bagamat wala syang cellphone at sinulat lang ito sa papel. Kaya hindi siya makakontak kay Prof. Elyrah at hindi rin siya direktang makokontak ni Prof. Elyrah. Ipapatext niya raw ito sa kanyang anak pagbalik sa Mindanao.

Habang papalapit na ang araw ng kanilang pagbalik sa Davao del Norte, mas lalo ko naramdaman ang kurot ng lungkot at panghihinayang ni Ate H na maaaring hindi pa muli sila magtagpo ng dating alaga at anak-anakan. Isang beses nung nakita niya ako ay nagsabi pa siyang ‘piktyuran mu naman ako para ipakita kay Elyrah.’ Kinuha pa niya ang aking cellphone number para kung sakali mang hindi sila magkita ay makontak niya ako ‘pag nasa Davao na siya para itanong kung nahanap na namin ang anak ni Alfredo Salanga. Madalas din daw kaming hinahanap at inaabangan ni Ate H sa kampuhan.

Ilang oras na lang paalis na sila Ate H. Nagsabi na rin si Prof. Elyrah na masama ang kanyang pakiramdam, baka ‘di siya makapunta at tatawagan na lang namin sa cellphone para magkausap sila. Nakita namin ang saya habang kausap niya ito at lungkot dahil ang nais niyang magkita sila ay hindi na mangyayari.

Masayang kausap ni Ate H ang kanyang dating inalagaan na si Prof. Elyrah Salanga. (Manila Today/KJ Dumapit)
Masayang kausap ni Ate H ang kanyang dating inalagaan na si Prof. Elyrah Salanga. (Manila Today/KJ Dumapit)

Ika-9 ng gabi ng Mayo 12, ilang oras bago umalis si Ate H at kanyang mga kasamahan, nagtext si Prof. Elyrah na ito ay dadaan sa kampuhan. Napaabot naman namin ito kay Ate H, na noong mga oras na iyon ay naimbitahan kasama ang mga magsasakang nagpipiket sa DSWD NCR para may tulong na maibigay sa kanila at may kailangang pirmahan.

Pumunta kami sa kampuhan. Hinintay namin si Ate H. Hinintay namin si Prof. Elyrah.

Inaabangan ni Ate H ang pagdating ng kanyang dating alaga na si Prof. Elyrah Salanga, ilang oras bago sila umuwi pabalik ng Mindanao. (Manila Today/KJ Dumapit)
Inaabangan ni Ate H ang pagdating ng kanyang dating alaga na si Prof. Elyrah Salanga, ilang oras bago sila umuwi pabalik ng Mindanao. (Manila Today/KJ Dumapit)

Nakabalik si Ate H, tumatakbo papunta sa amin. Hindi na siya umalis kung saan kami nakaupo, nag-aabang ng text o tawag ng isang taong hinihintay dumating, inaasam makita.

Hanggang sa ang oras ng pagkikita nila ay dumating na. Laking tuwa namin nung nagkita at nagkausap na sila. Tiyak mas masaya si Ate H.

Makalipas ang 30 taon, nagkita muli si Ate H at isa sa mga inalagaan niyang bata bilang kasambahay sa Maynila. (Manila Today/KJ Dumapit)
Makalipas ang 30 taon, nagkita muli si Ate H at isa sa mga inalagaan niyang bata bilang kasambahay sa Maynila. (Manila Today/KJ Dumapit)
InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY