Ito ang tanong at pagtutol ng mga maninindang marahas na pinigilang muling maghanapbuhay ng lokal na pamahalaan ng Maynila ngayong araw.

Tumungo sa Manila City Hall ang United Vendors Alliance na kinabibilangan ng mga manininda ng Happy Lane sa Morayta at mga estudyante ng Maynila upang kundenahin ang ginawang clearing operations sa mga manininda kaninang umaga.

Nakalampas sa tarangkahan ng city hall ang mga nagprotesta bandang alas-dos ng hapon, bago sila naharang at pinagtabuyan ng mga guwardiya ng city hall na nakaunipormeng kahel. Umalingawngaw sa bloke ng tanggapan ng punong-lungsod ang kanilang paulit-ulit na sigaw, “Erap Pahirap!”

Kung matatandaan, isa rin ito sa mga isinisigaw sa mga protesta nang si Joseph ‘Erap’ Estrada ay pangulo ng bansa hanggang siya ay mapatalsik sa makasaysayang Edsa 2 People Power noong Enero 2001. Si Estrada ay nasa ikalawang termino na sa pagiging mayor ng Maynila. Matapos na ma-pardon sa salang plunder, tumakbo muli sa pagka-pangulo at natalo at nagrehistro naman sa Maynila at nanalong alkalde nito.

“Maysakit ako, nakiusap ako na makapagtinda man lang para makabili ako ng gamot. Sinipa ako, tumihaya ako sa kalsada. Seventy-one na ako. Maawa naman kayo, huwag niyo naman akong tanggalan ng hanapbuhay. Wala akong kamag-anak, mag-isa lang ako, naghahanapbuhay ako. Bakit ganoon si Mayor Erap?” pagtangis ni Nanay Doray, isa sa mga vendors na nawalan ng kabuhayan, na hindi na naituloy ang kanyang sinasabi buhat ng sama ng loob.

Nagsalita si Nanay Doray sa protesta sa labas ng Manila City Hall. Kuha mula sa Bayan Manila.
Nagsalita si Nanay Doray sa protesta sa labas ng Manila City Hall. Kuha mula sa Bayan Manila.

Kabubukas lamang muli ng dating tinaguriang “Hepa Lane”, isa sa mga kulumpon ng tindahan na nag-aalok ng pinakamurang mga pagkain para sa mga mag-aaral ng University Belt.

Isang linggong hindi nakapagtinda at walang kita ang mga vendors matapos maglabas ng closure order ang Department of Public Safety ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa pangunguna ng hepe ng kagawaran na si Engr. Rafael ‘Che’ Borromeo. Tumungo si Borromeo sa pagbubukas ng mga tindahan sa Morayta at iniutos niya ang pagsasara ng mga ito. Dumating ang mga staff ng DPS at mga pulis at kinumpiska ang mga stall. Dalawang stall ang nawasak at nakumpiska.

Tinututulan ng mga manininda ang paratang na marumi ang kanilang pagkain sapagkat hindi nila ilalagay sa panganib ang kanilang mga customer, maging ang kanilang hanapbuhay. Nakikita naman nilang magbebenepisyo ang mga malalaking kumpanya ng fastfood sa paligid ng University Belt sa pagpapasara sa kanilang mga tindahan.

Sinisingil ng mga manininda ang kawalang-puso at pakialam ng lokal at pambansang pamahalaan sa lehitimong karapatan ng mga mamamayan para makapagtrabaho at maghanapbuhay. Tinawag din nilang ‘Wasak King’ si Pangulong Rodrigo Duterte.

Nakiisa ang mga kabataan sa mga vendors ng Morayta. Kuha ng Bayan Manila.
Nakiisa ang mga kabataan sa mga vendors ng Morayta. Kuha ng Bayan Manila.
InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY