Nagtipon ang mga empleyado ng EDSA Carousel Libreng Sakay Program sa harap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTRFB) at Land Transportation Office (LTO) upang magsagawa ng kilos-protesta at manawagan na mabayaran na ang kani-kanilang mga sahod na ilang buwan ng naantala, ngayong araw, ngayong ika-15 ng Nobyembre, sa pangunguna ng Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (Manibela).

Anila, mahigit pitong-buwan nang naantala ang pagbabayad ng LTFRB sa mga bus operators, dahilan upang hindi rin maibigay ang sahod ng mga drayber at konduktor na kasama sa Service Contracting Program (SCP).

Umaaray na rin ang ilang mga operator na humahawak sa ruta ng Libreng Sakay Program ng LTFRB dahil nauubusan na rin umano sila ng pang-abono para ipagpatuloy ang biyahe ng mga bus sa EDSA carousel.

Matatandaan na dati nang nagbabala si LTFRB Chairman Martin Delgra na papatawan ng buwis at kakanselahin ang kontrata ng mga operator kung magkukulang ang bilang ng mga bus na bumabiyahe sa EDSA carousel bus way.

Bukod sa kawalan ng pasahod, nangangamaba rin sila na mawalan ng trabaho ang ilan sa kanilang mga driver at konduktor dahil sa probisyon na ipinatupad ng gobyerno kung saan ipinagbabawal ang mga manggagawang hindi pa bakunado.

Nakikiisa rin ang grupo sa panawagan ng ibang mga drayber at ng mamamayan na ibaba o kontrolin ang presyo ng produktong petrolyo dahil dagdag din umano ito sa pahirap na kanilang nararanasan.

Libreng Sakay Program ng LTFRB

Sinimulan noong ika-7 ng Abril 2021 ng Department of Transportation ang Libreng Sakay Program sa EDSA carousel busway route upang magbigay ng karagdagang transportasyon sa mga healthcare workers (HCW) at authorized persons outside of their residences (APOR).

Sa ilalim ng Service Contracting Program ng LTFRB, nagkaroon ng libreng sakay para sa mga Healthcare workers at mga APOR kung saan gobyerno ang magbabayad sa pamasahe ng mga pasahero.

May nakalaang budget na umabot sa halos P5.58 bilyong piso mula sa Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2 ang libreng sakay program ng gobyerno.

Ngunit ayon sa inilabas na report ng Commision of Audit noong Agosto, nasa isang porsyento (1%) lamang ng kabuuang pondo o humigit-kumulang P 59 milyon lang ang nagamit na pondo ng LTFRB.

Ayon naman kay LTFRB Chairman Delgra, nasa 26.55% na ang nagamit nilang pondo. Nanindigan din siya na nabayaran na ng ahensya ang mga operator ng bus ng higit dalawang bilyong piso. Mga operator na umano ang may problema kung bakit hindi pa rin naibibigay ang sahod ng mga driver at konduktor.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here