ANG KALATAS NA BINABASA MO AY PARENTAL GUIDANCE (PG). Kailangan ang gabay at patnubay nina ate, kuya, tatay, nanay, lolo at lola.

Marami sa bagong henerasyon ngayon ang hindi nakakaalam sa kahalagahan ng barya o sentimo bilang pangunahing laman ng bulsa ng pangkaraniwang tao noong mga taong 1946-1962. At marami rin ang hindi nakakaalam na ang barya ay napakahalaga para sa mga taong kumikita ng apat na piso sa loob ng isang araw. Sabi nga ng matatanda noon, “Hindi mabubuo ang piso ‘pag kulang ng isang sentimo.”

Kaya naman minabuti kong alamin ang personal na karanasan ni Tata Elmo, edad 86, tungkol sa halaga ng barya sa kanyang buhay. “Alam mo bang sa panahon ng aking kamusmusan, dose anyos pa lang ako n’un. Tuwing araw lang ng pasko ako nakakahawak ng piso at ito ay aginaldo sa akin ng apat kong ninong,” pambungad ni tatang, sabay hithit ng sigarilyo.

Ayon pa kay Tatang, noon daw kasi suwerte na para sa mga katulad niyang bata ang makahawak ng piso. Pagkasabi ni Tatang ng ganun ay sinimulan na niya ang kaniyang litanya tungkol sa halaga ng barya sa kaniyang buhay. Aniya pa, “Unahin natin ang gastos sa pagkain. Kapag umorder ka ng pansit sa isang pansiterya ay kuwarenta sentimos (40 centavos) lang ang gastos mo. Singko sentimos naman sa isang order na kanin. Diyes ang order ng halu-halo. Diyes naman ang diyaryong Bagong Buhay.” Sabay sabing, “Kuwentahin mo. Wala pang piso, ‘di ba?”

Kapag sa palengke ka naman napagawi para mamili ng pananghaliang pampamilya at ang dala-dala mong pera ay limang piso, kasya na ‘yun para sa paborito mong sinigang na baboy. 60 sentimos lang kasi ang isang salop ng bigas. Wagwag na bigas na ‘yun (katumbas ito ng dalawang kilong bigas ngayon). Uno bente naman ang kilo ng baboy, at ang mga gulay na pansahog sa sinigang ay kinse sentimos lang ang isang tumpok. (Sama-sama ng lahat. Sampalok, kamatis, sitaw, kangkong, at iba pa). “Busog na kayo ‘di ba?” pagbibida pa ni Tatang.

“At dahil may natitira pa sa limang piso mo, sa sinehan ang diretso mo. Kapag first class na sinehan ang pinasok mo, bente pesos ang bayad, bagong pelikula na ‘yun. Diyes naman sa mga second class.

Dahil may natira pang barya sa bulsa mo ay magmi-miryenda ka ng ginataang bilu-bilo sa halagang diyes sentimos. Magagawa mo pa ring malagihay, dahil kinse sentimos lang ang presyo ng isang boteng Marka Demonyo. Ganung kahalaga ang barya nung araw,” buong pagmamalaking pagbibida ni Tatang.

Kuwento pa niya, “Noong taong 1956, nagsimula akong magtrabaho sa isang hardware. Apat na piso lang ang suweldo ko sa isang araw. Masaya na rin ako dahil dose pesos lang ang bayad namin sa bahay kada buwan, libre na ang kuryente at tubig. Ngayon, ang dose pesos mo ay tatlong istik na sigarilyo na lang ang katapat.” Bulalas pa ni Tatang, tungkol naman sa usapin ng pamasahe, kulang daw ang apat na pisong suwelo ni Tatang kapag bibiyahe siya papuntang Dagupan City. Dos singkwenta daw kasi ang pamasahe papunta pa lang d’un, kaya hindi na siya makakabalik pa. Kaya ang dinadala daw niyang pera kung bibiyahe siya papunta sa kanilang probinsya ay bente pesos para may pasalubong pa siya sa mga taong kaniyang bibisitahin. Ganun kahalaga ang barya sa kaniyang buhay!

Ayon pa kay Tatang, nagsimulang mangawala ang mga de-kalidad na barya noong taong 1956. Pinalitan umano ito ng perang papel (barya) ni dating Presidente Ramon Magsaysay. Kinuha na raw ng Amerika ang nasabing barya dahil kanila naman daw ‘yun.

Taong 1962, wala pa rin daw pagbabago sa kanilang suweldo. Ganu’n pa rin naman daw ang halaga ng palitan ng dolyar at piso (one is to two). Subalit noong taong 1963 ay nagbago ang ihip ng hangin. Naging Php230 ang kapalit ng isang dolyar. Noong una ay wala raw siyang pakialam sa usapin ng palitan ng pera sa pagitan ng Pilipinas at Amerika pero habang tumatagal ay ramdam na niya ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Nakapag-asawa, nagka-anak at nagka-apo na ako. Ang halaga ng barya sa buhay ko ay hindi ko talaga malilimutan.” Ayon pa kay Tatang, nakakainggit daw ang naging pag-unlad ng mga bansang nagsasasarili. Mga bansang hindi nagpaloko sa dayuhang bansa, na ang nais lang ay kaplugin ang kanilang mga likas na yaman. “Nagsikap sila para itaguyod at paunlarin ang kanilang sariling industriya gamit ang kanilang mapagpasyang lakas at sariling wika.” Bansang Cuba ang tinutukoy ni Tatang.

Nang tanungin ko si Tatang tungkol sa mga nagaganap ngayon sa ating bayan na pinamumunuan ni Digong ay biglang nawala ang ngiti niya sa labi. “Ako’y naluluha tuwing naririnig ko ang mga balitang pinalalayas at winawasak ang tahanan ng mga maralita. Inaagawan ng lupa ang mga magsasaka. Sarado ang tenga ng gobyerno sa kahilingan ng mga manggagawa at iba pang sektor. Kinakasuhan, kinukulong at pinapatay ang mga taong nananawagan ng pagbabago,” malungkot na pahayag ni Tatang.

Sa kasalukuyan, dalawang apo ni Tatang na kapwa dalaga at nag-aaral sa kolehiyo ang kaniyang inaasahang makakatulong sa kanilang dinaranas na kahirapan. “Hindi ko pinipigilan ang karerang gustong tapusin ng aking mga apo. Diskarte nila ‘yun. Ngayon kung makikita ko silang sumasama sa pagkilos ng iba’t ibang sektor sa lansangan, may dalang placard na may nakasulat na ‘Katarungan para sa lahat!’, nakataas ang kamao at sumisigaw na ‘ISULONG ANG REBOLUSYONG SINIMULAN NI ANDRES BONIFACIO!’ ay hinding-hindi ako papaya na hindi nila ako isasama.” Sabay taas ng kaliwang kamay ni Tatang!

Marami pa sanang kuwento si Tatang pero dumating na ang kaniyang sundo at kailangan na niyang umuwi ng bahay para alamin kung dumating na ang kaniyang dalawang apo na dumalo sa isang forum tungkol sa peace talks.

“Paalam,” sambit pa niya.

Habang papalayo sina Tatang ay binilang ko ang barya sa bulsa ko. Wow, eksaktong sampung piso. Pambayad sa traysikel.

Oktubre 9, 2017

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here