Nagtungo ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Metro Manila sa tanggapan ng Department on Justice (DOJ) noong Mayo 11 para kalampagin ito at ipanawagan ang agarang pagpapalaya sa kanilang Campaign Officer na si Ferdinand Castillo.

Si Castillo ay inaresto ng pinagsamang pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Army Intelligence and Security Group noong Pebrer 12 sa Caloocan City. Pinatawan siya ng umano’y gawa-gawang kaso ng pagpatay at tangkang pagpatay na may kinalaman sa isang encounter sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at New People’s Army (NPA) sa Lopez, Quezon noong Marso 24, 2014. Kasalukuyan siyang nakadetine sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

BASAHIN: Activist nabbed by CIDG, ISAFP in Caloocan, charged with murder

“Nandito kami para kalampagin ang DOJ at manawagan para magbigay sila kaagad ng endorsement para pabilisin ang proseso ng pagpapalaya ng lahat ng political prisoners, in particular po si Ferdinand Castillo,” sabi ni Raymond Palatino, Tagapangulo ng BAYAN Metro Manila sa isang panayam.

Ayon pa kay Palatino, may sulat na ang Office of the Presidential Adviser for the Peace Process (OPAPP) sa DOJ na kinikilala si Castillo bilang consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na dapat siya palayain kaagad para makasama sa peace talks.

“Tayo ay nagtataka, ano ba ang pumipigil sa DOJ at hindi binibigay ang endorsement para lumaya sa Castillo at iba pang political prisoners? Meron bang humaharang? Ang mga militar ba pinipigilan na naman ba ang pagpapatuloy ng peace talks? Baka gusto na naman nila isabotage itong peace process?” patanong na pahayag ni Palatino.

Nag-aalala naman sa kalagayan ni Castillo sa loob ng kulungan ang kanyang asawa na si Nona Andaya-Castillo na sumama rin sa pagkilos sa DOJ.

“May edad na kami, ang asawa ko ay mag-58 na, meron kaming mga sakit, nananatili lang matatag dahil vegetarian kami. Pero ang kalusugan namin ay it’s in a delicate balance, ibig sabihin pag nasobrahan ang pagod ang tensiyon, maaari pong atakihin sa puso ang asawa ko, tumaas ang presyon ng kanyang dugo,” paglalahad ni Andaya-Castillo.

BASAHIN: Heartbreak over V-day

Dagdag pa niya, ang kalagayan umano ni Castillo sa kulungan ay magdudulot ng dagdag na sakit sa kanyang asawa kaya natatakot siya para sa kanyang buhay at seguridad.

“Sana ay bigyan na ng gobyerno ng kalayaan ang aking asawa sa pinakamaagang panahon,” panawagan ni Andaya-Castillo.

Ayon pa kay Palatino, si Castillo at iba pang mga bilanggong pulitikal na kumakaharap sa mga gawa-gawang kaso ay hindi na dapat manatili ng isa pang araw sa kulungan. Dapat umanong tanggalin ng DOJ ang anumang ligal na balakid na nag-aantala sa pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal.

“Sana ang DOJ umaksyon kaagad. Sana ang pangulong Duterte tuparin niya ang kanyang pangako na palayain ang mga political prisoners,” pagtatapos ni Palatino.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here