“Alam mo, nakakabahala na ang nagyayari sa ating bayan ngayon,” sabi ni Nanay Celing, 79 taong gulang. Nakaupo kami sa People’s Park sa Marikina, at tulad ng mga matatandang nag-uumpukan sa mga parke, nag-uusap kami tungkol sa noon at ngayon.

“Ang mga pulitikong binoto ng tao para mamuno sa ating bayan ang siya pang nangunguna para ilublob tayo sa putik ng kahirapan,” nanggigigil na pahayag ni Nanay Celing sabay lamukot ng dyaryong hawak niya.

Ayon pa kay Nanay Celing, “Muli na namang tataas ang buwis. Bagong pahirap na naman ito sa sambayanan at dagdag-yaman na naman ito para sa mga kapitalista, sa kasosyo nitong mga dayuhan, at syempre sa mga kasabwat nitong pulitiko.”

Bigo raw ang mga mahihirap na kabilang sa 16 milyong bumoto kay Rodrigo Duterte. “Sa halip na magkaroon ng katuparan ang mga pangarap nilang pagbabago’t kaunlarang pangkabuhayan, pulos mga patayan, palakasan, pasikatan, at korapsyon ang mababasa mo sa pahayagan,” pasimangot na sabi ni Nanay.

Dagdag niya: “N’ung una ay bilib talaga ako kay Digong. Para kasing bagong Heneral Luna ang dating niya. Wala kasing puknat ang ginagawa niyang pagbanat kay Obama at sa bansang Amerika. Sinabi pa niya na ang gobyerno ng Amerika ang tunay na terorista, dahil ito ang pasimuno ng digmaan sa mga bansang Iraq at Iran. Tuwang-tuwa din kami nang sinabi niyang nakahanda na ang kanyang gobyerno para sa peace talks.”

Nang tinanong ko si Nanay tungkol sa pagtawag ni Duterte sa mga komunista at New People’s Army (NPA) na terorista, tumingin muna siya sa paligid bago nagsalita.

“Naguguluhan ako sa sinabing ‘yun ni Digong. Parang kaluluwa ni Marcos ang nagsasalita,” sabi niya, sabay tawa nang malakas.

Napangiti ako sa pahayag ni Nanay Celing; siya namang pagdating ng kanyang kapit-bahay na si Aling Miling. Nagbatian sila at kinamusta ni Aling Celing si Aling Miling, na nanggaling sa palengke.

“Tulad pa rin ng dati, paikot-ikot muna bago bumili. Pa-adjust-adjust pa rin sa paghahanap ng medyo mumurahing bilihin para naman magkasya ang dala kong pamalengke. Alam mo namang P200 lang ang budget ko para sa buong maghapon. Dati ay nakakabili pa ako ng sariwang pang-ulam at nakangiti pa ako ‘pag umuuwi ng bahay. Ngayon, tignan mo ang nabili ng budget kong P200.

Ipinakita ni Aling Miling ang kanyang pinamili. Dalawang kilong NFA rice, P54. Kalahating kilong maliliit na galunggong, P40. Ilang pirasong kamatis, sibuyas, bawang, at luya, P40. Bente naman para sa uling. Sampung pisong mantika. Bente para sa pamasahe. “Ang natira ay pang All Text 10 na lang. Baka mag text pa anak ko, eh ‘di may pang-reply ako,” sabi ni Nanay Miling.

Ayon pa kay Nanay Miling, sinabihan daw sila ng kanyang suki sa palengke na mas magtataasan pa raw ang presyo ng mga bilihin sa mga susunod na araw.

“Grabe talaga.” Umiiling si Nanay Miling. Napailing rin ako at si Nanay Celing.

Tinanong ko ang dalawa kung ano ang masasabi nila tungkol sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Mabilis na sumagot si Nanay Celing: “Ang pinag-uugatan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay ang mismong pagtataas ng buwis ng gobyerno. Kapag itinaas ng gobyerno ang buwis sa petrolyo, langis, at gasolina, tayo ang unang-unang tatamaan nito. Magtataasan na rin kasi ang lahat ng produktong ginagamitan ng langis at gasolina – mga makina sa pabrika, jeep, bus, trak, eroplano, barko, at iba pa na nagsisilbing tagapaghatid ng mga produkto sa pamilihan. Tama ako, ‘di ba? Lagi namang idinadahilan ng mga negosyante na lumalaki ang kanilang gastos sa produksyon kaya nagtataas sila ng presyo ng kanilang mga produkto. Kapag tinaasan naman ng gobyerno ang buwis ng isang produkto ay tayong mga bumibili ang magpapasan sa ikinargang buwis dito.”

Nakinig lang ako sa maikling lektyur ni Nanay Miling. “Halimbawa,” diin niya, “Kung ang buwis na ipinataw ng gobyerno sa shampoo ay piso at ang gumagamit ng shampoo ay 50 milyong tao, P50 milyon na kaagad ang kita ng gobyerno. Isama mo pa ang buwis na ipinapataw sa mga bumibili ng kape, gatas, asukal, sabon panlaba, pampaligo, toothpaste, bigas, at iba pa nating pangangailangan. Malulumpo tayo, ‘di ba?” nanggigigil na sinabi ni Nanay Celing.

“Maganda ang tanong mo at ito lang maisasagot ko. Itaas na nila ang presyo ng lahat. Huwag lang nilang itataas ang presyo ng ITAK!” sabay suntok sa hangin ni Nanay Celing. Napa-“wow” naman si Aling Miling.

Sa puntong ito ay umalis na si Aling Miling. Kailangan daw maisalang na ang kanyang mga pinamili. “Sana maging madalas ang ating kwentuhan tungkol sa mga ganitong paksa at mas maganda kung marami ang nakikinig at lumalahok sa ganitong usapan. O, siya!”

Habang papalayo si Aling Miling ay nakangiti naman si Nanay Celing.

“Alam mo, mukhang ang mga halal na pulitiko na lang sa ating bayan ang hindi nakakaramdam ng hirap sa buhay. Nasabi ko ito dahil parang wala silang pakialam kahit pa magtaasan ang presyo ng mga bilihin at iba pang bayarin. Masyado silang abala sa kanilang mga proyekto. Dito yata sila kumikita nang husto. Nasayang lang ang boto ng tao,” malungkot na pahayag ni Nanay Celing.

Sinabi ko kay Nanay na maganda ang huling sinabi ni Aling Miling tungkol sa pangangailangan ng mga panahong nag-uusap tungkol sa mga mahahalagang isyu. “Payag ba kayo sa gustong mangyari ni Aling Miling?” tanong ko kay Nanay Celing.

“Payag ako, pero sino ang mamumuno?” sagot ni Nanay.

“Eh ‘di kayo,” ang sagot ko naman.

“Bakit ako?” tanong niya.

“Bakit hindi kayo?” tanong ko rin.

Sa puntong ito, natigilan si Nanay Celing, naglabas ng maliit na photo album. Binuklat niya ito at ipinakilala sa akin ang kanyang pamangkin na nagtatrabaho sa ibang bansa. May mga litrato rin si Nanay Celing n’ung siya’y dalaga pa.

“Ito ang pamangkin kong si Dolor. Isa siyang nurse na nagtatrabaho sa Cuba. Dito na rin siya nakapag-asawa ng isang Pilipinong manggagawa. Paminsan-minsan ay dumadalaw siya sa akin para maghatid ng regalo. Buwan-buwan siyang nagpapadala sa akin ng tulong-pinansyal na siyang ginagamit kong pantawid-gutom. Maaga kasi siyang naulila sa kanyang mga magulang at ako ang tumayong pangalawang magulang niya mula n’ung nasa elementarya hanggang nakapagtapos ng pag-aaral,” malungkot na pagbibida ni Nanay.

“Bago mag-Pasko ay dinalaw ako ni Dolor. Kumain kami sa labas at ipinamili niya ako ng ilan sa mga pangangailangan ko sa araw-araw. Habang namimili kami, ikinuwento niya sa akin ang pagkakaiba ng patakaran sa Cuba at Pilipinas hinggil sa buwis. Sabi niya, sa Cuba raw ay ang mga tao ang nakikinabang sa mga buwis na ipinapataw ng gobyerno sa mamamayan. Kapag ang isang indibidwal daw ay nagbayad ng buwis para sa loob ng isang taon ay wala na siyang babayaran para sa pag-aaral ng kanyang anak hanggang sa ito ay makapagtapos. Wala rin daw bayad ang tubig at elektrisidad. Maging ang mga ospital ay maasikaso sa kanilang mga pasyente, maging ito ay isang pangkaraniwang tao lamang. Maliit lang daw ang bansang Cuba, pero marami ang dumadayo dito para magpagamot ng iba’t ibang klase ng karamdaman. Nang tanungin ako ni Dolor kung saan napupunta ang buwis na ibinabayad sa gobyerno natin ay natawa lang ako dahil sa Pilipinas ay buwisit ang buwis sa buhay ko,” kwento ni Nanay Celing.

Tinanong ko siya. “Kung iimbitahan ba kayo ng inyong pamangkin na manirahan sa Cuba para makasama siya ay papayag ba kayo?”

“Oo, payag na payag ako. Pero nang sabihin mo sa akin na pangunahan ko ang pag-iimbita ng mga tao para sa mga diskusyon tungkol sa kahirapan ng buhay ay biglang nag-atras-abante ang isip ko. Nakakatulong kasi sa kapwa at sa bayan ang pagmumulat ng katotohanan. Alam ko ring marami sa mga katulad kong senior citizen ang nakakaalam tungkol sa ipinakitang lakas ng pagtutol ng mga aktibista noong dekada 70. Nag-alay sila ng panahon. Magkakapit-bisig sila sa pagtutol tuwing magtataas ng magtrikula ang mga unibersidad. Samantala, ang presyo naman ng gasolina n’ung panahong ‘yun ay 33 sentimos lang. Kapag magtataas ng dalawang sentimos ang mga kartel ng langis ay naglalabasan ang mga estudyante mula sa kani-kanilang mga unibersidad papuntang lansangan. Doon, nakasalamuha nila ang iba’t ibang sektor para tutulan ito,” pagbabalik-tanaw ni Nanay Celing.

Bigla akong natulala sa kwento ni Nanay. Tinanong ko siya kung kasama siya sa mga gan’ung laban.

Hindi naman nagdalawang-isip pa si Nanay. “Drayber kasi ang asawa ko at kung minsan ay sumasama ako sa kanyang pamamasada. Labis naming hinahanggan ang tapang at talino ng mga kabataang aktibista noon. At ang isa sa kahanga-hangang ginagawa nila noon ay marami silang napalahok sa mga kilos-protesta. Napupuno nila ang mga kalsada kapag may mga kilos-protesta laban sa diktador.”

Hindi ako agad nakakibo. Napapalakpak ako sa tuwa. Kinamayan ko siya, sabay sabing, “Mabuhay ka, Nanay Celing!”

Enero 8, 2017

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here