Ang mabilis na pag-usad ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ay isang malaking bagay para sa paglutas sa mga pangunahing suliranin na pinapasan ng masang Pilipino.

Sa kabila ng mga walang-puknat na panggugulo at pananabotahe ng mga pangkat at personalidad mula sa loob at sa labas ng gobyerno na sumasagka rito. At sa kabila ng magandang takbo ng mga pag-uusap, sadyang mahaba at matarik ang daan para sa pagkakamit ng makatarungan at matagalang kapayapaan dahil may mga nakahambalang na harang na pilit na nilalagay ng mga kalaban ng tunay na pagbabago.

Muling sinuri ng founding chairman ng Kabataang Makabayan at ng Communist Party of the Philippines (CPP) at chief political consultant ng NDFP na si Jose Maria  Sison ang mga nilalaman ng apat na bahagdan-aytem o ang 4 na substantive agenda ng usapang pangkapayapaan upang ipahiwatig sa maraming Pilipino na nakasalalay sa mga pag-uusap ang buhay, dignidad at kinabukasan ng bayang Pilipinas at ng mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

Binanggit ni Prof. Sison na tinitiyak ng unang aytem ng adyenda ang paggalang sa karapatang tao at pagsunod sa international humanitarian law.

Pinirmahan ang isang kasunduan hinggil rito, ang CARHRIHIL o Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law, sa ilalim ng gobyernong Estrada.

Sinabi ni Prof. Sison na nakatuon naman ang ikalawang aytem sa repormang sosyal at ekonomiko tulad ng reporma sa lupa at pambansang industryalisasyon.

“Ito ang pinakalaman na pagtugon sa panawagan ng masang anakpawis para makaahon sila sa kawalang-trabaho, kahirapan at pagkaatrasado ng ekonomya,” dagdag niya.

Kasalukuyang binubuo ng gobyerno at ng NDFP ang kasunduan hinggil sa mga batayang repormang sosyo-ekonomiko. Ang kalalabasan nito ay ang pipirmahang CASER o Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms.

Itinuturing ng mga aktibista ang CASER bilang puso at kaluluwa ng usapang pangkapayapaan sapagkat nakakatulong ang dokyumentong ito sa paglulutas sa mga ugat-dahilan ng 40 taong armadong tunggalian sa Pilipinas.

Ipinunto ni Prof. Sison na nakatuon ang ikatlong aytem sa pampulitika at konstitusyonal na balangkas upang ipatupad ang mga reporma.

Susunod na bubuuin ang kasunduan hinggil sa mga repormang pulitikal at konstitusyonal, ang CAPCR or Comprehensive Agreement on Political and Constitutional Reforms, na naglalaman ng mga bagay na sumasalamin sa pangkalahatang paghahangad ng masang Pilipino para sa pambansang kalayaan at tunay na demokrasya.

Nilinaw naman ni Prof. Sison na lulubusin ng ikaapat na aytem ang pagtatapos ng gera sibil sa pagitan ng dalawang panig at kung paano ang disposisyon ng mga armadong pwersa nila.

Muli niyang binigyang-diin ang pananaw ng mga sosyolohista na ang matinding karalitaan, kagutuman, kawalang-katarungan, at kawalang pag-asa ay nagtutulak sa maraming Pilipino na sumanib sa CPP at New People’s Army.

“Nabanggit ko na ang reporma sa lupa at pambansang industriyalisayon bilang laman ng CASER. Kasama rin diyan yong proteksyon sa kalikasan at tamang paggamit sa likas yaman para sa mamamayang Pilipino, ang pagtataguyod sa mga mga karapatan nila at ang pagpapalawak at pagpapahusay sa mga serbisyo sosyal na publiko at libre, laluna sa edukasyon, kalusugan, pabahay at iba pa,” wika niya

Nagkasundo ang gobyerno at ang NDFP sa katatapos na ikaapat na pormal na pag-uusap sa the Netherlands nitong Abril hinggil sa kahalagahan ng libreng pamamahagi ng lupa bilang batayang prinsipyo ng tunay na repormang agraryo – isa sa mga pangunahing nilalaman ng CASER. Ang pagkakasundong ito ay isang malaking bagay para sa pagpapatahimik sa kumakalam na sikmura ng nakakarami dahil ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka ay tumutugon sa batayang prinsipyo ng nagpapatuloy na pakikibaka ng masang Pilipino para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya – ang paglutas sa matagal at malalim na problema nila (mga magsasaka) sa kawalan ng sariling lupa.

Ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka ay ang pangunahing kaakibat ng katarungang panlipunan dahil nilulutas nito ang mga suliranin na nagtutulak sa kanila na lumuwas patungo sa mga pangunahing lungsod sa bansang Pilipino – karalitaan, kagutuman, kawalan ng disenteng hanapbuhay, at pagkabansot ng ekonomiya sa kanayunan. Kung ang bawat magsasaka naman kasi ay may sariling lupa, hindi nila kailangang makipagsapalaran sa kalunsuran para humanap ng kapalaran na wala namang kasiguraduhan.

Ayon kay Prof. Sison, mapagpasya sa tunay na repormang agraryo ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang walang lupa.

“Bogus ang mga dating reporma sa lupa dahil sa hindi kayang bayaran ng mga magsasaka ang amortisasyon at limitado pa ang saklaw sa mga palayan at maisan lamang. Sa kalaunan, nawawala ang lupa mula sa kamay ng mga magsasaka,” komento niya tungkol sa kabiguan ng mga programa sa repormang agraryo ng mga nakaraang gobyerno na malutas ang masalimuot na problema ng mga magsasaka sa kawalan ng lupa.

“Kung matutupad ang tunay na reporma sa lupa sa pamamagitan ng libreng pamamahagi, masasabing ito na ang pangunahing laman ng pakikibakang pambansa-demokratiko dahil ang uring magsasaka ang nakakarami sa ating populasyon,” paliwanag niya.

Kung tumaas ang produksyon at kita nila, aniya, magiging matibay na pundasyon ng buong ekonomiya at lalawak ang pambansang palengke para sa mga produkto ng pambansang industriyalisasyon.

Dagdag pa niya, magkaagapay ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Muling ikinuwento ni Prof. Sison ang mahabang kasaysayan ng pakikibaka ng mga magsasaka para sa pagtatamo ng tunay na demokrasya para magkaroon sila ng sariling lupa at para sa katarungang panlipunan.

“Malaking dahilan ng rebolusyon ng 1896 ang paghahangad ng mga magsasaka para sa lupa, para sa katarungang panlipunan at para sa dignidad. Nagalit sila sa mga asyenda ng mga prayleng Kastila na bunga ng pang-aagaw.”

“Nang nanaig na ang mga imperyalistang Amerikano sa rebolusyong Pilipino, nagkunwari silang magreporma sa lupa sa pamamagitan ng pagbili ng mga asyendang prayle. Subalit mataas ang naging redistribution price sa mga magsasaka. Hindi kaya ng mga magsasaka na bayaran iyon kaya nauuwi ang lupa sa mga dati nang mayayaman.”

Sinabi niya na pumalpak ang program ng reporma sa lupa nina Diosdado Macapagal, Ferdinand Marcos at Corazon Aquino dahil sa hindi rin kaya ng mga magsasaka ang amortisasyon.

Ayon pa sa kanya, limitado sa palayan at maisan at may mga probisyon sa batas na linulusutan ng mga panginoong maylupa.

Ipinahayag ni Prof. Sison na mababago ng CASER sa pangkalahatan ang lipunang Pilipino.

Aniya, maipapatupad ito lamang ito kung magkakasundo ang GRP at NDFP na itaguyod ang pambansang soberaniya sa larangang sosyo-ekonomiko, buwagin ang mga pyudal at malapyudal na relasyon sa lupa at gawing industriyal ang ekonomya. Sa madaling salita, pag-iwanan ang malakalonyal at malapyudal na sistema at magpalago ng mga industriya.

Dapat sa pag-unlad sundin ng bansa sa prinsipyo ng pagsandig sa sarili at protektahan ang ekonomiya mula sa krisis at mula sa panghihimasok at pandarambong ng mga dayuhang monopolyo kapitalista. Dapat ang produksyon ay tumutugon sa pangangailangan ng bansa.

“Wala sa ating kontrol ang political will ni Presidente Duterte at hindi natin alam nang ganap ang tunay na balak niya sa CASER at iba pang isyu sa usapang pangkapayapaan. Nasa kanya ang paglalahad ng kanyang mga hangarin at balak,” paalala niya.

“Nangako siya (Duterte) at pinaasa ang bansa na magkakaroon ng mga reporma bilang batayan ng makatarungan at matagalang kapayapaan. Malalaman natin ang niloloob niya kung patuloy ang usapang pangkapayapaan,” dagdag pa ulit niya.

Ayon sa kanya, maraming eksperto sa ekonomya at pinansiya ang nagsasabi na dadausdos ang ekonomya ng Pilipinas sa 2017 at 2018.

Kapag nangyari ito, aniya, at uugpong sa nauna nang pagbatikos sa extrajudicial killing ng Oplan Tokhang st iba pang isyu laban kay Duterte, baka tumungo umano ang krisis ekonomiko sa krisis pampulitika.

“Sabi naman ni Duterte at Finance Secretary Carlos Dominguez, magbubuhos sila ng malaking pera sa infrastructure projects para sumigla ang ekonomya at makapagbigay ng trabaho sa maraming walang  hanapbuhay. Tingnan natin kung ito ang mangyayari,” sabi ni Prof. Sison hinggil sa kahalagahan ng pagbibigay-pansin sa imprastraktura bilang pundasyon ng materyal na pag-unlad ng bansang Pilipino

Sinabi niya na magiging malaking tagumpay at kredito ng GRP at NDFP ang CASER kung mapirmahan na ito sa loob ng 2017.

Ayon pa nga sa kanya, panagot ito sa mga nagsasabing walang sinasabi ang gobyernong Duterte sa atrasadong ekonomya at tumitinding krisis.

“Pinapayuhan ko ang NDFP panel at Reciprocal Working Committee on CASER na dapat bumilis pa ang paggawa ng common draft ng CASER. Pero sabi nila ang GRP side ang matumal” sabi ni Prof. Sison.

Dagdag pa ulit niya, kayang kaya na matapos ang CASER hanggang pirmahan ng mga prinsipal ng GRP at NDFP bago matapos ang taong 2017.

“Gusto kong matapos na ang CASER asap para iwagayway ito bilang kasunduan para sa tunay na pagbabago at pagpapatupad ng katarungang sosyal,” pagbabahagi ni Prof. Sison.

“Sabik na rin ako na matuunan at mapirmahan ng GRP at NDFP ang political and constitutional reforms sa unang kwarto ng 2018 para umpisahan na ang kampanya para sa pagsusog sa Konstitusyon o paggawa ng bagong Konstitusyon at para sa pagbubuo ng Federal Republic of the Philippines,” pagwawakas ni Prof. Sison.

 

jv-author-details

InterServer Web Hosting and VPS

NO COMMENTS

LEAVE A REPLY