Alas-kuwatro ng umaga nang isinara ang Javier Bridge sa kahabaan ng East Bank Road, Manggahan Floodway sa Brgy. Sta. Lucia, Pasig City. Hinarangan ang daan para umano sa “engineering works” na gagawin ng Metro Manila Development Authority. Inanunsyo ang pagsasara ng daan sa Facebook account ng Pasig City Command Center.

Ngunit tinitignan ng mga residente ang “engineering works” bilang pantakip lamang sa tunay na dahilan kung bakit isinara ang daan – upang hindi makapasok ang mga organisasyon at media kapag nagsimula na ang demolisyon ng halos 1,000 kabahayan ngayong araw, Oktubre 17.

Dumating din ang isang trak ng bumbero sa lugar, na ayon sa bumbero ay naligaw lang sila sa lugar. Humimpil ito ng ilang minuto hanggang pinaalis na ito ng mga residente ng Floodway.

Nagtipon ang mga residente sa labas ng komunidad upang magbantay laban sa pagwasak ng kanilang mga tahanan.

Hindi natuloy ang planong demolisyon noong Agosto 31 nang nagbarikada ang mga residente at nauwi sa marahas na dispersal ang pagdepensa ng mga maralita sa kanilang mga kabahayan. Hindi rin natuloy ang planong demolisyon noong Seytembre 26 sapagka’t hindi nakumpleto ng lokal na pamahalaan ng Pasig ang mga rekisito sa pagpapatupad ng “involuntary relocation” sa komunidad batay sa kasunduan nito sa iba pang mga ahensya ng gobyerno.

Muling hindi natuloy ang demolisyon ngayong araw. Binuksan muli sa mga sasakyan ang Javier Bridge bandang 6:20 ng umaga.

Ayon sa mga lider ng Balikwas-Kadamay, isang dahilan kung bakit hindi natuloy ang pagdating ng demolition team at pulis ay dahil sa pagsuspinde ng pasok sa mga pampublikong opisina kaugnay ng dalawang araw na transport strike ng Piston at No To Jeepney Phase-out Coalition.

Dagdag nila, pinakamalaki ang papel ng sama-samang pagkilos kung kaya muli na namang napigilan ng mga residente ang demolisyon. Halos hindi natulog ang mga lider at miyembro ng Balikwas Kadamay upang paghandaan ang itatayong barikadang bayan.

Pagdating ng ika-5 ng hapon, dumating ang mga miyembro ng Pasig Philippine National Police (PNP) at Special Weapons and Tactics (SWAT) sa Purok 2. Hinalughog umano ng mga pulis ang mga kabahayan at pinagkukuha ang mga bote sa komunidad. Pinaghahanap din ang mga lider ng Balikwas Kadamay. Hiningan ng ID ang mga residente ng Purok 2 at naghahanap sila ng mga hindi tagaroon sa komunidad. Binantaan din ng mga pulis na huwag sumama ang mga residente sa barikadang bayan na itatayo bukas.

Inaasahang itutuloy ang demolisyon sa Floodway bukas, Oktubre 18.

Naninindigan ang mga residente laban sa pagwasak ng kanilang mga pinundar na tahanan at pagpapalayas sa kanila sa komunidad na kanilang tinitirhan sa loob ng apat na dekada. Maiiwang walang tahanan at kabuhayan at maaapektuhan ang pag-aaral ng mga estudyante at trabaho ng mga residente sa komunidad.

Makailang-ulit nang in-award ang lupa sa mga residente ng Manggahan Floodway sa Brgy. Sta. Lucia. Binawi ito ni Pangulong Gloria Arroyo at dineklarang danger zone ang lugar, na ginamit na ligal na batayan ng pagpapalayas sa mga residente. Ang bahagi ng Cainta at Taytay sa kahabaan ng East Bank Manggahan Floodway naman ay hindi apektado ng demolisyon, at sinusuportahan ng mga alkalde sa mga bayang ito ang pag-award ng lupa sa mga residente.

Marami sa mga residente ang dinala sa Floodway noong 1992 mula sa mga komunidad din na na-demolish gaya ng Pinagbuhatan sa Pasig at Libis sa Quezon City. Relokasyon din diumano ng mga nilipat sa bandang Cainta at Taytay ng mga napalayas sa pagbebenta at pagsasapribado ng ngayon ay Bonifacio Global City sa panahon ng dating pangulong Fidel Ramos.

Isinasagawa umano ang sapilitang pagpapalayas at demolisyon sa komunidad para sa mga flood control project ng gobyerno.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY