“Hindi makatao ang pagturing sa mga manggagawa,” pahayag ng mga manggagawa ng Manila Harbour Centre sa pier ng Maynila ang kanilang kalagayan.

ildefonso-bello-almakon
Nagbahagi si Ildefonso Bello, isang manggagawa ng Manila Harbour Centre, ng kanilang kalagayan sa pyer. (Litrato ng Manila Today/Jade Dela Cuadra)

Ayon kay Ildefenso Bello, isang manggagawa sa pyer at Tagapangulo ng Samahan ng Manggagawa sa Harbor Centre, lahat ng mga manggagawa sa pyer katulad ng mga estibador, forklift at crane operator, winchman, leadman at iba pa ay mga kontraktwal na agency-hired.

“Napakababa ng sahod, walang benepisyo, on-call ang trabaho, at kung madisgrasya ay walang matatanggap na tulong ang mga manggagawa sa pyer,” sambit ni Bello.

Tumatanggap lang daw sila ng P1,038 sa 12 oras na trabaho, at kapag mahuli raw sa oras ng paggawa ay babawasan ang oras, bawas na rin ang sahod kung gayon. Pero P650 lang umano ang nakukuha nila galing sa agency. Dagdag pa ni Bello, kakaltasan pa ng bumbay ang sahod nila kaya’t P590 na lang ang natatanggap nila, isang pamilyar na kalagayan sa mga manggagawang umiikot ang sahod sa utang at bayad-utang.

Ang sahod din daw nila ay depende lang kung may barko na darating o “Per Vessel Basis Employee,” ayon sa pinipirmahan nilang kontrata. Pero kapag may dumating at kahit malalim na ang gabi, kailangan nilang magtrabaho.

Kopya ng kontratang pinipirmahan ng mga manggagawa ng pyer. (Litrato ng Manila Today)
Kopya ng kontratang pinipirmahan ng mga manggagawa ng pyer. (Litrato ng Manila Today)

Dagdag pa niya, palagi umanong may kaltas ang sahod nila para sa SSS, Pag-ibig at PhilHealth pero nalaman nilang hindi naman ito hinuhulugan ng ahensya. Wala rin umano silang payslip at nakalagay lang sa isang sobre ang sinasahod nila na may pangalan ng barkong kanilang pinagtrabahuhan.

Wala rin daw silang kagamitang pangkaligtasan o personal protective equipment para maprotektahan sila habang naghahango ng tone-toneladang bakal mula sa barko.

Pagbabahagi pa ni Bello, isang beses ay nadulas siya sa bodega ng barko habang nagdidiskarga ng mga kalakal na bakal at nabagok ang ulo. Binigyan lang daw siya ng kanyang agency ng 500mg na mefenamic acid P500 at ininsulto pa umano dahil “tatanga-tanga raw siya.”

Hindi rin daw makatao ang nararanasan ni “Mark” isang manggagawa mula sa TRASS Construction Co, Inc. na hiniling na itago ang kanyang pangalan.

Karamihan umano ng mga manggagawa sa konstruksyon ng TRASS na mas bago ay tumatanggap lamang ng P280 sa walong oras na paggawa. Pero si Mark na 23 taon nang nagtatrabaho sa kumpanya ay tumatanggap ng P400 sa walong oras na trabaho.

Buong pag-aakala ni Mark na ang pagkakaroon ng tuloy-tuloy na trabaho sa kumpanya ay regular siyang manggagawa nito.

Ngunit katulad ng mga manggagawa sa Harbor Centre, hindi rin sila nakakatanggap ng payslip, walang hazard pay, walang benepisyo katulad ng SSS, PhilHealth, at Pag-ibig, bukod sa mababa sa minimum na sahod.

Ayon kay Mark, bagamat matagal na siyang nagtatrabaho sa kumpanya, wala silang pinipirmahang kontrata at nakabatay lang sa proyekto ang trabaho.

Nagpapasahol sa kalagayan ng mga kontraktwal

“Nagpapasahol ng kalagayan ng mga manggagawa at ng kontraktwalisasyon ang pagkakaroon ng mga agency,” ayon kay Gerry Serue, Pangkalahatang Kalihim ng Kilusang Mayo Uno-National Capital Region.

Ang mga contractor o sub-contractor agency ay nag-eempleyo ng mga manggagawa para sa iba’t ibang kumpanya o empresa. Ang mga agency ay may kumisyon mula sa sahod ng mga manggagawa na kanilang ineempleyo. Kadalasang kontrata ng mga manggagawa sa ahensya ay limang buwan lang.

Dinaluhan ni DOLE Usec. Joel Maglunsod ang pagtatayo ng alyansa laban sa kontraktwalisasyon noong Setyembre 25. (Litrato ng Manila Today)
Dinaluhan ni DOLE Usec. Joel Maglunsod ang pagtatayo ng alyansa laban sa kontraktwalisasyon noong Setyembre 25. (Litrato ng Manila Today)

Nagbahagi si Department of Labor and Employment (DOLE) Undersecretary Joel Maglunsod na dumalo sa isang pagtitipon ng mga kontraktwal na manggagawa noong Setyembre 25 ng kalagayan ng kanyang mga nakapanayam na mga manggagawa sa kanyang pag-iikot para sa mga konsultasyon.

Ani Maglunsod, may isang manggagawang nagbahagi na nang matapos ang kanyang kontrata sa agency pagkatapos ng limang buwan, muli siyang pinapirma ng kontrata pero sa ilalim ng ibang pangalan. Ilang beses daw ito naulit hanggang sa makalimutan na ng manggagawang ito ang iba pang mga pangalan na ginamit niya.

Isa umano ito sa mga iskemag ginagamit para makaiwas ang mga agency sa pagreregular ng mga manggagawa at sa kalaunan ay maobligang magbigay ng mga kaakibat na benepisyo.

Ayon sa Undersecretary, mayroong 5,150 agencies sa buong bansa na nagpapa-empleyo sa mahigit 2,600 kumpanya at sumasaklaw sa aabot sa 413,000 na mga manggagawa. Pero, dagdag pa niya ay mayroong 954,000 na mga negosyong gumagamit ng agency kaya ibig sabihin ang karamihan ay agency na hindi rehistrado sa DOLE, kung gayon ay mga iligal.

Ang ganitong kalagayan umano ang tinututuntungan ng mga pasiunang Department Order (DO) na inilabas ng DOLE. Noong Hulyo ay naglabas ang DOLE ng Department Order 162 na nagsususpinde ng mga bagong aplikasyon para sa rehistrasyon ng mga ahensya ng contractors at subcontractors.

“Hindi na payagan ang bagong aplikasyon ng mga bagong agency para maitutok ang inspeksyon sa mga current agencies,” sabi ni Maglunsod.

Iginiit naman ng KMU-NCR na bagamat mahalagang hakbang ang inilabas na DO, hindi pa ito sapat.

“Ang gusto naming ay mawala ang mga agency dahil ito ang lalong nagpapahirap. Kung direct hiring ay wala nang magiging cut pa sa sweldo at benepisyo [ng manggagawa],” ani Serue.