Tila pag-uuyam ang tinitibag na pader,
tila galak ng mayamang politiko ang langitngit ng binabaklas na yero,
tila pumarito ang giyera sa Marawi,
tulad ng bulldozer sumagasa ng barungbarong ang sabog ng granada.
Kami ang wala sa pinakawala,
alipusta ang kinamit ng katawan naming hindi na makilala ang pahinga.
[/ultimate_heading][ultimate_spacer height=”50″]
May magtitirik ng kandila;
Sa susunod,
hindi na pangkaraniwan ang gabi para sa kanila.
Wari’y mata ang kaluluwang sumaksi sa hinubdan ng dignidad
ng kawatan lango sa luho at yaman
na walang imik sa nguyngoy ng batang nasa gilid,
nangangalumpihit sa kanyang binusabos na laruan
o sa mag-inang sa kalsada’y hindi mahimbing,
katabi ang sapatos ng kabiyak
na yaong dumaan sa pagpapahirap,
balisa,
namamaluktot sa lamig sa loob ng rehas.
*iniaalay sa naninirahan sa Manggahan Floodway, Barangay Sta. Lucia, Pasig