Hindi lang Painting at Photography ang Kinukwadro

Panulat ni Francis Villabroza

Sa Angono Rizal, kilalang art capital ng bansa, isang grupo ng mga artist ang nagpamalas ng panibagong espasyo sa sining-biswal: ang pag-uukit ng papel o papercutting. Isang matandang sining ang papercutting sa Asya. Naitala ang unang papercut mula sa Asya noong ika-anim na siglo sa Tsina. Masususog naman ang mga unang papercut sa Pilipinas sa porma ng paggawa ng parol. Isa rin sa tradisyunal na papercutting ay matatagpuan sa  San Miguel Bulacan na kilala sa tawag na ‘pabalat’ – ang sining ng pagbalot sa pastillas-de-leche, isang carabao milk-candy, sa makukulay na papel na binurdahan sa pamamagitan ng mabutingting na paggupit sa pambalot na papel.

papercuttingIsang taon mula ng itinatag ang PGP ay nakapagbigay na ito ng panibagong sigla sa pag-uukit ng papel sa Pilipinas, itinaas rin nito ang antas ng papercutting bilang malikhaing ekspresyon ng artist.

Disyembre 6, 2014, sa SM Angono inilunsad ang kauna-unahang eksibisyon ng PAPERCUTTERS GUILD OF THE PHILIPPINES (PGP), na pinangungunahan ni Badz Magsumbol. Kasama sa mga panauhing pandangal si Nemi Miranda ng NEMIRANDA ARTHOUSE, isang tubong Angono at Pambansang Alagad ng Sining Biswal. Nagsalita rin sa naturang opening ng eksibit si  Prof. Jose Alberto Tanedo ng National Commission for  Culture and the Arts (NCCA) at University of the Philippines College of Fine Arts (UP CFA). Nabanggit nga ni Prof. Tanedo na iilan na lang ang practitioner ng craft ng papercutting, aniya “sa mga tradisyunal na papercutter sa Bulakan, dalawa na lang ang natitira.”

Si Badz Magsumbol na isa ring artist sa iba’t ibang medium ng sining-biswal ay lumilikha ng mga pino, madetalye, at mabubutingting na mga disenyo ng papercut mula sa makikintab at makukulay na papel. Nakalilibang pagmasdan ang mga likha nito; kilala ang papercut nito lalu na ang Sari na bukod sa mayaman sa detalye, ay pulido ang pagkagawa. Sa dami ng detalye na blade lamang ang gamit, mapapaisip ang sinuman kung ilang gabi kaya pinaglamayan ng artist ang obra.

Badz Magsumbol art

Badz Magsumbol 's miniIsa namang guro mula sa Antipolo Rizal si Tessa Diamse na umukit ng mga relihiyosong imahe sa papel, gumawa rin ng installation art mula sa papercut na mga bahay na naglalarawan na tila isang Christmas Village. Bukod sa papercutting, si Tesse Diamse ay iskulptor at pintor rin; bago nga ang araw ng eksibit ng PGP ay dumalo at nag-ambag din siya ng mga painting para sa pagbubukas ng Artipolo Group Exhibit (isang grupo ng artist sa Antipolo) na isinagawa naman sa SM Antipolo.

Tessa Diamse's

Tessa Diamse

by Tessa DiamseHindi lang mga seasoned artist ang kasama sa eksibit, maging ang ilang hobbyist sa papercutting ay nagpamalas ng talento sa pagbubutas ng papel. Si Sheila Villabroza na nagtatrabaho sa Kagawaran ng Pagsasaka ng Pilipinas ay nag-ambag ng mga etching portrait gaya ng papercut ng Beatles at papercut ni Nanay Mameng, isang lider ng mga maralitang lungsod at ng grupong Anakpawis Partylist. Bukod sa       pag-ukit ng papel, nag-uukit din siya sa mga pinatuyong dahon.

Sheila Villabroza's Beatles

Nanay Mameng art

leaf cutting by Sheila VKakaiba namang mga padron ng mga detalye ang ipinamalas ni Frances Abrigo sa serye ng papercut art nito na pinamagatang After Picasso. Ayon sa kanya, ang After Picasso ay kritika niya sa kapitalismo. Si Frances na miyembro rin ng Ugatlahi Art Collective (isang makabayang organisasyon ng mga artist sa Pilipinas) ay kilala rin sa paglikha ng stencil art na madalas ay sa kolaborasyon ng mga kapatid nitong artist din.

after picasso by frances abrigo (1)Bukod dito, dumalo rin at nag-ambag ng gawa si Mark Kevin Reyes na nag-ukit ng mga bulaklak sa isang black and white na papel. Marami rin sa mga artist ng PGP ang nagmula sa iba’t ibang parte ng bansa na bagamat hindi nakadalo sa pagbubukas ng eksibit ay nakapagpadala naman ng kanilang mga likha gaya ni Nina Jyne Minette na lumikha ng mga line art na tipo ng papercut. Ang ilan sa mga nag-ambag ng gawa ay nagmula pa sa Timog Katagalugan, Bikol, at Mindanao.

Mark Kevin Reyes artMay kani-kaniyang naratibo ang mga gawa at bukas sa interpretasyon ng bawat indibidwal. Iba’t iba ang pinapaksa at mensaheng nais ibahagi ng ng mga likha sa eksibit ng PGP; isang repleksyon ng magkakaibang kalagayan, uring pinagmulan, at  adbokasiya ng bawat artist nito.

Gamit ang sipi mula sa Pambansang Alagad ng Sining para sa Literatura na si F. Sionil Jose, binanggit ni Prof. Jose Alberto Tanedo sa pagbubukas na talumpati nito, “hindi pwede maging magaling na artist kung hindi ka magaling na craftsman,” dagdag pa niya, “hindi ito magkahiwalay[ang craftsmanship at artistry], ito ay iisa, paraan ito ng paggawa patungo doon sa [artistic] expression.”

Sa panahong mabibilang na lang sa daliri ang nagpupunyagi sa tradisyunal na papercutting sa bansa, isang makabuluhang paglalaan ng oras at talento ang ginagawa ng mga artist ng PGP, ang pagtataas nila sa craft bilang isang artistic expression. At oo, hindi lang painting at photography ang kinukwadro.

Ang eksibit ng Papercutters Guild of the Philippines ay makikita sa SM Angono hanggang Enero 23, 2015.

Iba pang mga obra at mga artist:

 

 

 

 

 

InterServer Web Hosting and VPS

NO COMMENTS