Taong 1977 nang itinayo ang Manggahan Floodway para maiwasan ang matinding pagbaha sa Metro Manila. Pag-aari ng gobyerno ang lupa sa tabi ng Floodway, ang magkabilang panig na tinatawag na East Bank at West Bank. Tagos mula Pasig hanggang Cainta at Taytay sa probinsya ng Rizal ang kahabaan ng Floodway.

Tinayo ang Floodway para maging daluyan ng baha mula Metro Manila papunta sa Laguna de Bay. Kuha ni Brian Sulicipan.
Tinayo ang Floodway para maging daluyan ng baha mula Metro Manila papunta sa Laguna de Bay. Kuha ni Brian Sulicipan.

Noong 1994, sa ilalim ng Presidential Proclamation 458, inutos ni Fidel Ramos ang pagtatayo ng socialized housing at inilipat ang pagmamay-ari ng lupa sa National Housing Authority.

Mga kabahayan sa Floodway. Para sa marami dito, 40 taong ipinundar. Kuha ni Danielle Recto.
Mga kabahayan sa Floodway. Para sa marami dito, 40 taong ipinundar. Kuha ni Danielle Recto.

Ganoon rin ang ginawa ni Gloria Macapagal-Arroyo noong 2006 nang inilabas niya ang Proclamation 1160. Ang proyektong “Home Along the Floodway” ay para umano sa pagtatayo ng medium-rise at low-cost housing para sa mga empleyado ng pamahalaan ng Rizal.

Malawak pa ang tiwangwang na lupa sa Floodway. Kuha ni Erika Cruz.
Malawak pa ang tiwangwang na lupa sa Floodway. Kuha ni Erika Cruz.

Tinutulan ang “Home Along the Floodway” ng mga lokal ng Floodway dahil mapapalayas sila at wala namang maayos na relokasyong ibinibigay ang gobyerno.

Mula pa 2012 sinimulang itayo ang medium rise building sa tapat ng East Bank Floodway pero hindi pa rin ito tapos. Kuha ni Erika Cruz.
Mula pa 2012 sinimulang itayo ang medium rise building sa tapat ng East Bank Floodway pero hindi pa rin ito tapos. Kuha ni Erika Cruz.

Hindi naman maayos ang low-rise at medium-rise na mga gusaling itinayo para lipatan ng mga residente. Ayon sa pangulo ng Balikwas-Kadamay na si Rodrigo Villareal, gawa lang ang mga pader ng cyclone wires na siniksikan ng Styrofoam at tinakpan ng semento.

Hindi matibay at hindi pa rin tapos ang MRB para sa iilang residente ng Floodway. Kuha ni Tel Delvo.
Hindi matibay at hindi pa rin tapos ang MRB para sa iilang residente ng Floodway. Kuha ni Tel Delvo.

Idineklarang “danger zone” ang Floodway pagkatapos ng bagyong Ondoy noong 2009, kung kaya’t hindi na raw ligtas para sa mga residente ang manatili doon.

Hindi binaha ang Floodway noogn bagyong Ondoy. Kuha ni Brian Sulicipan.
Hindi binaha ang Floodway noogn bagyong Ondoy. Kuha ni Brian Sulicipan.

Ngunit sabi ng mga residente, naging ligtas naman sila mula sa hagupit ng Ondoy, bagkus ay lumikas pa nga doon ang kanilang mga kakilala.

Gawa sa kahoy at bato, may maliit, may katamtaman ang laki, pawang payak ang mga bahay sa Floodway. Kuha ni Erika Cruz.
Gawa sa kahoy at bato, may maliit, may katamtaman ang laki, pawang payak ang mga bahay sa Floodway. Kuha ni Erika Cruz.

Pagkaupo ni Benigno Aquino III, napalayas ang daan-daang pamilya dahil sa tangkang demolisyong nakapailalim sa Public-Private Partnership (PPP).

Gaya ng ibang maralitang komunidad, masikip ang mga eskinita sa East Bank Manggahan Floodway. Kuha ni Larry Mia.
Gaya ng ibang maralitang komunidad, masikip ang mga eskinita sa East Bank Manggahan Floodway. Kuha ni Larry Mia.

Nagsimula ang panunungkulan ni Rodrigo Duterte sa pangakong walang demolisyon hangga’t walang relokasyon. Bagama’t paninindigan ng mga organisadong maralitang tagalungsod na sekundaryong usapin lamang ang relokasyon – dahil higit na mahalaga ang libre at pangmasang pabahay na nakatutugon sa kanilang paghahanapbuhay – malugod na sinalubong ang deklarasyong ito.

Ang komunidad na tinuring na tahanan ay siya ring pahingahan at palaruan ng mga residente. Kuha ni Tel Delvo.
Ang komunidad na tinuring na tahanan ay siya na ring pahingahan at palaruan ng mga residente. Kuha ni Tel Delvo.

Ngunit iba ang sinabi ni Duterte sa ginagawa niya ngayon sa mga komunidad ng maralita. Sa ilalim ng kanyang administrasyon, nakararanas ang mga maralita ng kaliwa’t kanang demolisyon o banta ng demolisyon – sa Brgy. 8, Dagatdagatan at Brgy. Sta. Quiteria, Caloocan; sa Brgy. Panghulo, Malabon; sa Brgy. Paltok, Quezon City. Ang pinakahuling pagtatangka ng paggiba ng mga kabahayan ay sa East Bank Floodway, Brgy. Sta. Lucia, Pasig simula ng buwan ng Agosto.

Tatlong henerasyon na ng mga pamilya ang tinuring na tahanan ang Floodway. Kuha ni Danielle Recto.
Tatlong henerasyon na ng mga pamilya ang tinuring na tahanan ang Floodway. Kuha ni Danielle Recto.

Pinirmahan ng Presidential Commission for the Urban Poor ang pre-demolition conference, kung saan matapos nito ay maaari nang isagawa ng lokal na pamahalaan ang balak na demolisyon. Hindi rin nagpaunlak ng dialogue si Pasig City mayor Robert Eusebio, kung kaya’t nagpasya ang mga residente na magbarikada.

Kadalasang nagsasagawa ng census sa mga maralitang komunidad bago ang demolisyon. Kuha ni Tel Delvo.
Kadalasang nagsasagawa ng census sa mga maralitang komunidad bago ang demolisyon. Kuha ni Tel Delvo.

Noong Agosto 31, nagdatingan ang mga pulis upang buwagin ang barikadang itinayo ng mga residente. Marahas na binuwag ng mga pulis ang barikada: gumamit sila ng water cannon, inatrasan ng trak ang nagbarikadang kababaihan, at hinuli at dinetine ang 41 katao, kasama ang 10 menor de edad.

Sa murang edad, matututunan ng mga bata ang kahulugan ng demolisyon. Kuha ni Erika Cruz.
Sa murang edad, matututunan ng mga bata ang kahulugan ng demolisyon. Kuha ni Erika Cruz.

Nadakip si Jose Tenerife, 50, na nagpapakain lamang ng manok sa labas ng kanilang bahay. Siya ang itinuro ng mga pulis na lider umano ng barikada at sinampahan ng gawa-gawang kaso na illegal assembly, direct assault, at iba pa.

Kinaladkad si Tatay Joel mula sa kanyang kinatatayuan at hinampas ng batuta sa katawan noong siya ay hinuli ng mga pulis.

Si Joel Tenerife ang huling nakalaya sa 41 nadetine dahil sa taas ng piyansa na binuno ng mga residente at organisasyon nila. Kuha ni Danielle Recto.
Si Joel Tenerife ang huling nakalaya sa 41 nadetine dahil sa taas ng piyansa na binuno ng mga residente at organisasyon nila. Kuha ni Danielle Recto.

Ayon kay Nanay Jocelyn, 47, asawa ni Tatay Joel, palaging namamaga ang mga paa at kamay ni Tatay Joel. Paano raw siya nakakapagbato kung hindi nga niya magawang iangat nang maayos ang kamay niya?

Nakalaya ang mga nadetine matapos ang siyam na araw. Kuha ni Brian Sulicipan.
Nakalaya ang mga nadetine matapos ang siyam na araw. Kuha ni Brian Sulicipan.

“Sila [mga pulis] ang nagsimula ng gulo. Sinabi namin sa mga kasamahan namin na hangga’t maaari, walang batuhan. Pero dahil nasasaktan na ang mga babae at matatanda, napilitan na kaming depensahan ang mga sarili namin,” sabi ni Tatay Rolly, 39, na tumangging magpakuha ng litrato at ibigay ang tunay na pangalan.

Dagdag pa ni Tatay Rolly: “Parang kriminal ang turing sa amin. Nakita ako ng mga anak ko na nakaposas. Hindi ko mapigilang umiyak sa oras na ‘yun. Hindi kasalanan ang magtanggol ng karapatan.”

Hindi rin pinatawad sa dahas ng pulis ang mga menor de edad na sina Jerico at Joyce. Pinaghahampas ng batuta at tinapakan ang mukha ni Jerico, habang kinaladkad naman si Joyce ng pulis.

Hinuli ang mga residente sa mga komunidad, sa mga eskinita, sa kanilang mga bahay. Kuha ni Erika Cruz.
Hinuli ang mga residente sa mga komunidad, sa mga eskinita, sa kanilang mga bahay. Kuha ni Erika Cruz.

“Porke’t sila ang nasa batas, kaya nila kaming itrato nang ganito?” tanong ni Nanay Jocelyn, na naluha na habang inaalala ang pinaggagwa ng mga pulis sa kanyang mga anak.

Sa araw na iyon, inaresto ang buong pamilya ni Nanay Jocelyn – siya; si Tatay Joel; panganay nilang si Joanne, 26; si Julius, 24; si Jerico, 17; at ang bunso na si Joyce, 15.

“Hindi ako nagsisisi kung ang paninindigan ko ay ipinaglalaban ko. Hindi lang sa akin ang tagumpay na ito. Kasiguraduhan ng aming paninirahan ang nais naming makamit,” sabi ni nanay Jocelyn.

Isang linggong hindi nakita ng sampung nakulong na mga menor de edad ang kanilang mga magulang dahil hindi pinapasok ang mga magulang sa pasilidad, kahit pa sinusundo na ang mga bata ng kanilang mga magulang kasama nila sina Gabriela Rep. Emmi de Jesus at Arlene Brosas, National Anti-Poverty Commission chief convenor Liza Maza, Department of Social Welfare and Development undersecretary Malou Turalde, at Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago. Bigla ring kinansela noong Setyembre 3 ang regular na araw ng pagbisita tuwing Linggo.

Maalam sa kulturang popular ang mga bata. Kuha ni Danielle Recto.
Maalam sa kulturang popular ang mga bata. Kuha ni Danielle Recto.

Noong pinalabas na ang mga bata sa Bahay Aruga, kinausap sila ni Mayor Robert Eusebio. Ayon sa mga bata, pinagbabawalan na silang sumali sa mga aktibidad ng Kadamay, kung ayaw nilang matulad kay Kulot. Si Reynaldo “Kulot” de Guzman, 14 taong gulang, ang isa sa mga magkakasunod na pinaslang na kabataan sa gera kontra-droga ni Duterte.

Panawagan ng mga residente na manatili sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay. Kuha ni Brian Sulicipan.
Panawagan ng mga residente na manatili sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay. Kuha ni Brian Sulicipan.

Sa likod ng pagpapalayas at panggigipit sa mga residente ng Floodway ay komersyal na interes ng gobyerno at ng mga pribadong kompanya. Maglalaan ng P2 bilyon ang San Miguel Corporation para sa pagtatayo ng mga imprastrukturang pang-negosyo nina Ramon Ang at Eduardo ‘Danding’ Cojuangco. Ang mga balak na komersyal na gusaling itatayo ay bahagi ng “Build, Build, Build” (BBB) na programa ni Duterte, na sa administrasyon ni Aquino ay nakapakete bilang Private-Public Partnership (PPP).

Ang BBB ni Duterte ay nakatungtong sa neoliberal na balangkas ng pribatisasyon, deregulasyon, at liberalisasyon, kung saan primarya ang pagtugon sa higit na pagpapayaman ng malalaking negosyante at lalong pagpapahirap sa mahihirap sa pamamagitan ng mga proyektong para umano sa kaunlaran.

Nakakagawa ang mga residente ng paraan makapaghanapbuhay. Kuha ni Danielle Recto.
Nakakagawa ang mga residente ng paraan makapaghanapbuhay. Kuha ni Danielle Recto.

Maganda man raw sa pandinig ang “Build, Build, Build” ni Duterte sa porma ng proyektong pabahay at mga komersyal na establisiyemento, pero kabalintunaan namang sa pagtatayo ng malalaking imprastruktura na aabot sa walong trilyong piso ang gastos, wawasakin naman ang munting kabahayan ng mga maralita.

Maraming pakinabang sa mga residente ang kanilang komunidad. Kuha ni Larry Mia.
Maraming pakinabang sa mga residente ang kanilang komunidad. Kuha ni Larry Mia.

Iisa lamang ang itinuturing ng mga mamamayan na Home Along the Floodway. Ito iyong mga tahanan nilang tinirhan nila mula pagkabata hanggang sa kanilang pagtanda.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY