Marahil tahimik ang Mendiola ngayon, puwera na lang sa mga estudyanteng dumadaan papasok o palabas ng unibersidad. Pero tatlong buwan bago ito, rinig dito ang mga sigaw ng protesta at pag-asa ng mga pamilyang minsan nang itinaboy sa lupang kinalakihan nila.

Bukod sa karahasang nagdudulot ng kalam sa sikmura – mababang sahod, kawalan ng disenteng hanapbuhay, matataas na presyo ng mga bilihin – naging patotoo ang mga pangyayari sa Pasig noong nakaraang taon sa kawalan ng pagkalinga ng gobyerno sa kanyang mamamayan.

Agosto 31, 2017 nang marahas na binuwag ang barikadang bayang binuo ng mga residente ng Floodway, Brgy. Sta. Lucia sa Pasig. Hinarangan nila ang East Bank Road upang hindi makapasok ang mga pulis at myembro ng demolition team na gigiba ng kanilang mga bahay. Matapang nilang dinepensahan ang kanilang hanay sa kabila ng pamomomba ng water cannon, ngunit dinakip sila ng mga pulis – inapakan ang mukha, sinuntok ang tagiliran, hinampas ng batuta ang paa, mahigpit na pinosasan, pagkatapos ay dinala sa kulungan. Apatnapu’t isa sa kanila ang ikinulong, kasama na ang sampung menor de edad na dinetine sa Bahay Aruga ng Pasig.

Noong Oktubre 18, 2017, tuluyan nang giniba ang 1,000 bahay sa Floodway sa udyok ng lokal na gobyerno ng Pasig. Dahil wala nang ibang mapupuntahan ang mga pamilya, nagtayo sila ng kampo sa Don Chino Roces Bridge, na mas kilala bilang Mendiola. Binansagan nila iyong Homeless Camp.

Saksi ang Mendiola sa pakikibaka ng mamamayang tumitindig sa kanilang mga karapatan. Nitong Enero 22 lang ginunita ang ika-31 taon mula nang nangyari ang Mendiola Massacre, kung saan pinagbabaril ng mga pulis at militar ang mga magsasakang nagmartsa upang singilin si Corazon Aquino sa kanyang pangakong reporma sa lupa. Sa tatlong buwan ng pamamalagi ng dating mga residente ng Floodway sa Homeless Camp, naging saksi ito sa mga makasaysayang pagkilos ng iba’t ibang sektor para sa karapatan.

Naging sentro ang Homeless Camp sa tatlong araw na protesta noong ASEAN Summit, kung saan bumisita si U.S. Pres. Donald Trump sa Pilipinas. Kuha ni Erika Cruz.

Sa pagitan ng pakikipag-usap sa mga ahensya ng gobyerno upang matugunan ang isyu ng pabahay sa Floodway, gumawa ng mga paraan ang mga residente para makapaghanap-buhay. Kahit malayo sa Pasig, pumapasok pa rin ang mga manggagawa sa mga pabrika’t pagawaan. Nagluto ang mga nanay ng banana cue at camote cue habang binebenta naman ito ng kanilang mga asawa at mga anak sa mga estudyanteng dumadaan. Ang iba nama’y nangolekta ng mga karton at bote upang maibenta sa junk shop. Kapag may pamasahe, nakakapasok pa rin ang mga estudyante sa kanilang mga paaralan sa Pasig. Dito na nagdaos ng mga simpleng selebrasyon para sa kaarawan ng mga bata. Ang kita ng bawat pamilya ay binibigay nila kay Nanay Linda, na siyang nagsilbing taga-budget at tagaluto sa kanilang komunal na kusina.

“Nagkampo kami sa Mendiola upang mas mapalapit kami kay Pangulong Duterte at mapakinggan ang aming mga hinaing. Tatlong buwan na kaming nasa kampo ngunit wala kaming narinig mula sa kanya,” ani Nanay Linda.

Noong Enero 26, nakatanggap ang mga nagkampuhan sa Homeless Camp ng eviction letter. Nakasaad doon na binibigyan na lamang sila ng 72 oras para makaalis sa Mendiola, kundi ay sapilitan silang paaalisin. Umapela sila sa Malacañang na pahabain ang palugit upang makapaghanap pa sila ng ibang matutuluyan. Nagulat na lamang ang sila na noong umaga ng Enero 30, nagsidatingan ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD), Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Bureau of Fire Protection (BFP).

Nangyari ang demolisyon pagkatapos umapela ang Manila Consortium, grupo ng mga institusyon sa edukasyon sa Mendiola, na paalisin na ang mga nagkakampo dahil umano nakakaistorbo na ito sa mga estudyante.

Paggiba ng Homeless Camp sa Mendiola noong Enero 30. Kuha ni Sarah de Leon.

Sa ngayon, nasa opisina ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang dating nagkampuhan sa Mendiola.

Dahil sa dami ng trabaho sa Homeless Camp at sa paggiba nito, nagkasakit si Nanay Linda at sumuka ng dugo. Hindi pa alam kung ano ang sakit niya. Tumanggi ang isang pampublikong ospital na i-eksamen ang kanyang kalagayan dahil umano marami pa ang nakapila.

img_20180131_122348_hdr

Si Nanay Linda. Kuha ni Erika Cruz.

“Dito ko natanto na walang malasakit ang pamahalaan sa aming mga mahihirap. Wala kaming puwang sa lipunan. Mabuti siguro kung bumaba na sa puwesto si Duterte at sa kalaunan ay magtatag na ang mamamayan ng bagong lipunang tunay na nagsisilbi sa kanyang mga tao,” sabi ni Nanay Linda.

Tanda ang Homeless Camp sa patuloy na pakikipaglaban ng mamamayan hindi lang sa karapatan sa pabahay, pero para na rin sa lupa, disenteng trabaho, edukasyon, at maayos na pagtrato sa karapatang pantao. Tahimik man ang Mendiola ngayon, ngunit bukas o mamaya –hangga’t inaapi ng mga taong nasa kabilang dako ng Mendiola Peace Arch ang mamamayan – dadgundong ang sigaw ng protesta at pag-asa.

img_20180131_112734_hdr

‘Tuloy ang laban’. Kuha ni Erika Cruz.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY