#HomelessCamp | Ang demolisyon sa mata ng isang paslit

Kamakailan lamang ay giniba ang 1,000 kabahayan sa Manggahan, Floodway sa Pasig na nagresulta sa kawalan ng tahanan ng nasa 500 pamilya. Nagresulta rin ito sa paghinto sa pagpasok sa paaralan ng mga kabataan; kahirapan sa pagpasok sa trabaho ng mga manggagawa at empleyado; at ng kawalan ng kabuhayan ng mga may maliliit na kabuhayan sa komunidad gaya ng pagtitinda, pag-aalok ng serbisyo, atbp.

Nagresulta rin ang tangkang pagpapalayas hanggang sa natuloy ito sa paglaban at paggiit ng pananagutan sa gobyerno sa paraan ng pagtatayo ng kampuhan sa Mendiola.

Patuloy din nilang ginigiit ang maayos at makataong pabahay para sa kanilang mga mahihirap. Napakalaking pagsubok nito para sa napakaraming pamilya na aabot na sa apat na dekadang naninirahan doon; doon na rin nagkapamilya’t nakahanap ng kabuhayan.

Bukod sa mga magulang at matatanda na pasanin ang problemang dinulot ng demolisyon, isa na siguro sa pinakaapektado ng pangyayaring ito ay ang mga bata.

Isa ang 15 taong gulang na si Aeyan sa napakaraming apektado ng pagwasak ng tirahan sa buong East Bank Manggahan Floodway, Barangay Sta. Lucia sa Pasig. Ang pamilya ni Aeyan ay taga-Purok 2.

Saad ni Aeyan ay hindi niya maunawaan ang dahilan ng pagdedemolish sa kanilang lugar nang wala man lamang paghahapag ng kahit anong notice sa kanila. Habang nasa sitwasyon sila ng ginigiba ang kanilang kabahayan ay wala silang ideya kung ano ang gagawin. Kahit makalaban man lamang mula sa mga walang awang naggigiba ng kanilang munting tahanan ay hindi nila magawa-gawa dahil na rin sa presensya ng mga armadong pulis na handang protektahan ang kahit sinong tumutol sa paggiba ng mga tahanan sa Floodway.

Naibahagi rin sa akin ni Aeyan kung paano sila sagutin ng mga taong naggigiba ng kanilang bahay. Pinilit nilang humingi ng notice ukol sa ginagawang paggiba, ngunit ang tanging naging tugon sa kanila ay “Wala kayong karapatan (humingi ng notice) dahil trabaho namin ito”.

Wala na sigurong mas nakakakilabot na bangungot kaysa panuorin mula sa ‘di kalayuang distansya ang pagkahulog ng mga bitak-bitak na sementong minsan ay bumuo at nagkanlong sa kanilang pamilya. Ang pakinggan ang paglangitngit ng yero gawa ng pagsira rito na minsan ring prumotekta at nagsilong sa kanila. Ang buong husay na pagtibag sa bawat kanto at sulok ng kanilang bahay.

“Malungkot na galit. Malungkot kasi habang winawarak at dinudurog ang tahanan ay parang tinatanggal ang dignidad at nawawala ang pangarap ko,” ani Aeyan nang ibinihagi niya ang emosyong namayani sa kanya habang nasasaksihan ang pagsira ng kanilang bahay na tinirahan niya mula pagkapanganak.

Masakit para sa isang estudyanteng si Aeyan ang naging paggiba sa kanilang tahanan sapagkat naapektuhan ang kaniyang pag-aaral. Noong araw na iyon, hindi siya nakakuha ng pagsusulit sa kanilang paaralan. Ni hindi niya alam kung makasasagot pa siya sa pagsusulit sapagkat okupado na ang kanyang isipan ng nangyaring pagdedemolish sa kanilang lugar.

Kwento ni Aeyan, mayroon naman daw na dalawang relokasyong inialok sa kanila ngunit ang una ay substandard o mabababang kalidad na mga materyales ang ginamit at ang pangalawa naman ay sa Tanay na malalayo ang mga hospital at paaralan, at kung may paaralan man ay hanggang elementarya lamang.

Kasalukuyan ay isa si Aeyan sa mga nasa “Homeless Camp” sa Mendiola na nananawagan ng maayos na serbisyong pabahay. Ang mga magulang naman niya ay nananatiling nasa Floodway upang bantayan ang kanilang mga natitirang kagamitan na nasa gilid lang ng kalsada.

“Kung makahihingi kami ng hustisya ay doon lang kami makapagsisimula,” ani Aeyan.

Isa si Aeyan sa maraming nangangamba kung patuloy ba silang mananatiling walang bahay at trapo lamang ang nagiging sapin ng kanilang pagtulog. Bata pa siya kung maituturing, subalit katulad ng kanyang mga magulang ay bangungot din kung ituring ang pangyayaring itopara sa kanila.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY