Ang pagkakaroon ng tahanan na makakanlungan ang simpleng pangarap ng lahat. Tahanang magsisilbing silong kapag bumuhos ang malakas na ulan o mahapdi ang init ng araw. Tahanang magbibigay ng seguridad sa ating mga pinaghirapan at lalong-lalo na sa ating pamilya.

Subalit para kay Jaylord P. Antonio, 13 taong gulang, ang tahanang nagkalinga sa kanilang pamilya sa matagal na panahon ay winasak na. Sa pagwasak nito tuluyan ding nahugasan ang kanyang paningin sa katotohanan sa mundo. Para sa isang batang may nagkamalay na sa karahasan ng gobyerno sa mamamayan. Sa murang edad, kasama siya ng kanyang mga magulang sa pakikibaka para ipaglaban ang kanilang karapatan sa paninirahan.

Ayon kay Jaylord nang isalaysay niya ang nasaksihan niya sa naganap na demolisyon, “May sakit po ako nung araw na yun. Nilalagnat po ako nun. Nung nangyari po yung paggigiba sa mga bahay naming, natutulog po ako. Tapos po nagising na lang po ako sa ingay.”

“Nakita ko po yung kuya ko nagbubuhat ng mga gamit, tinanong ko po siya kung bakit po siya nagbubuhat ng gamit. Sabi po niya dini-demolish na ‘yung mga bahay, may malaking backhoe kaya nagulat din po ako. Kahit po may sakit po ako pinilit ko pong magbuhat para matulungan sila kuya sa pagbubuhat.”

Inakala ni Jaylord at sampu ng mga naninirahan sa East Bank Manggahan Floodway, Barangay Sta. Lucia, Pasig na hindi gigibain ang kanilang mga tahanan sapagkat sinabi ng lokal na pamahalaan ng Pasig na ang mga gigibain na bahay ay ‘yung sa mga nakapag-avail na ng bahay sa relocation site sa Tanay, Rizal. Subalit tila wala namang intensyong hayaan lang silang manirahan sa lugar na iyon.

“Kaya po nagalit yung mga tao kasi sabi po ni Mayor i-demolish na lahat. Tapos po hinaras po kami.”

“Ang dami pa po sa Purok Uno na nanghaharas sa mga kapitbahay namin. May kasamahan po kami roon na matapang na si Ate Linda nagtanong po siya ‘bakit niyo idedemolish ang bahay namin?’ Sabi naman po ng demolition team ‘bakit kayo nagtatanong? binayaran kami ni Mayor kung anong sabi ni Mayor gagawin namin’.”

“May mga sinuntok po at pinalo po ng batuta nila. Kahit po kinuha lang po yung mga gamit nila.”

“Napapaabayaan na po ang pag-aaral namin dahil sa pagsisira nila sa bahay namin. Ilang linggo na rin po akong hindi nakakapasok.”

Dahil sa nangyaring demolisyon sa tahanan nila Jaylord at ng marami pang pamilya ay nagpagdesisyunan nilang lalong lumaban para sa kanilang karapatan at ihingi nang hustisya ang pandarahas sa kanila. Nagkakampuhan sila sa kasalukuyan sa Mendiola upang iparating sa pinakamataas na lider ng bansa ang kanilang mga hinaing.

“Sana po i-award na po nila ang lupa sa Manggahan Floodway sa amin. Kasi po dun na po kami lumaki, dun na rin naghahanapbuhay ang aming mga magulang. Dun na rin po kami nagkaroon ng mga kaibigan, nagkaisip. Kaya sana po i-award na po nila ang lupa sa Floodway sa amin.”

Mulat na si Jaylord sa kalagayan ng tulad niyang maliit sa lipunan. Kakaunting espasyo lamang ang hangad nila. Sa lipunang pati ang barong-barong na bahay ay ginigiba para sa interes ng iilan.

Nang tanungin ko siya kung ano ang kanyang pangarap ito ang kanyang sinabi sa akin.

“Gusto ko pong maging kabahagi ng Kadamay na nagtuturo. Tuturuan ko po ang mga bata ng magandang asal para po paglaki nila hindi po sila matulad po sa mga pulis at kay Mayor nanloloko ng tao. Para rin po hindi po sila manakit ng mga mahihirap katulad namin na gusto lang pong magkabahay.”

Alam na ni Jaylord ang kanyang kailangang gawin.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY