Nakipagkwentuhan ako kay Mang Joven, 65 na taong gulang, sa kanilang kampuhan sa Mendiola. Isa si Mang Joven sa naapektuhan ng demolisyon na isingawa sa Manggahan Floodway, Pasig noong Oktubre.  Hindi nakapag-asawa at mag-isa na lamang sa buhay si Mang Joven. Wala siyang kasamang kapatid o pamangkin na maaaring tumuwang sa kanya sa pang-araw-araw. Lumuwas siya mula sa Leyte upang makahanap ng magandang trabaho sa Maynila upang matulungan ang kanyang pamilya. Isa siya sa mga biktima na mapang-aping sistema ng pyudalismo sa kanilang probinsya. Nabibilang siya sa pinakamahirap na magsasaka sa Leyte.

Inakala ni Mang Joven na matatagpuan na niya ang swerte sa Maynila. Kung mga mapangamkam na panginoong maylupa ang umaapi sa kanya sa kanayunan, mga tusong kapitalista naman ang nagpahirap sa kanya sa Kamaynilaan. Matagal nagtrabaho si Mang Joven sa isang construction company. Inakala niyang hinuhulugan ang kanyang kontribusyon sa Social Security System sapagkat ikinakaltas ito sa kanyang sahod. Ngayon sanang dapat makakakuha na siya ng pensyon ay nagimbal siya nang matuklasang hindi ihinulog ang kinakaltas sa kanyang sahod para sa SSS. Wala siyang nakuhang pensyon.

Dahil doon, kahit uugod-ugod na si Mang Joven dahil sa katandaan ay kumakayod pa rin siya sa pamamagitan ng pagtitinda ng kanyang mga tanim na mga gulay sa kanyang munting bahay sa Manggahan Floodway, Barangay Sta. Lucia, Pasig. Mula pa 1991 naninirahan doon si Mang Joven. Subalit ang kanyang tahimik na pamumuhay ay binago ng isang demolisyon. Demolisyong winasak ang mumunti niyang silong.

Wika niya habang namumugto ang kanyang mga mata, “Iyong bahay ko nalang ang meron ako. Doon sa likod ng bahay ko kinukuha ang pinagkakakitaan ko. Yung mga pananim ko na lang ang bumubuhay sa akin tapos bigla pang mawawala. Masakit sa para sa akin iyon.”

“Sana naman maaawa sila sa amin lalo na sa akin. Sa totoo lang wala na akong ibang mapupuntahan. Kapag pinaalis na kami rito sa kampuhan sa Mendiola, hindi ko na alam kung saan ako pupunta. Bahala na siguro ang Diyos.”

Ginamit ni Mang Joven ang natirang pera matapos ang demolisyon at isang linggong hindi nakapaghanapbuhay para mamasahe papunta sa kampuhan sa Mendiola. Iilan lang ang natira niyang gamit.

“Kung hindi naman nila mai-award ang lupa sa Floodway, sana naman bigyan nila ako ng bahay, ‘yung makakapagtanim ako. Yun lang ang kinabubuhay ko eh. Sana matulungan niyo ako. Sa mga makakabasa ng interview mo sa akin, sana naman matulungan niyo ako at kaming mga kasamahan ko rito.”

Habang sinasabi niya ‘yan sa akin, unti-unting nadudurog ang puso ko. Matanda na si Mang Joven, subalit pinapahirapan pa rin siya ng sistema. Nagdadalawang-isip ako kung pakikinggan ko uli ang panayam ko sa kanya sapagkat masakit pagkinggan ang kanyang tinig na punong-puno ng hinagpis, pero mas umigpaw pa rin ang responsibilidad ko na maibahagi ang kwento ni Mang Joven.

Lubos ang paghanga ko sa kanya sapagkat kahit matanda na siya, nahihirapang maglakad at magsalita ay sumama pa rin siya sa kampuhan sa Mendiola upang ipaglaban ang kanyang karapatan, kasama pa ang ibang pamilyang naapektuhan ng demolisyon na sumira sa aabot sa 1,000 bahay.

Isang mumunting silong at bakuran lang ang ninais ni Mang Joven para mabuhay, subalit pinagkait pa ito sa pagsira sa kanyang tahanan.

Saan na tutungo ang katulad ni Mang Joven na nasa dapithapon na ng kanyang buhay? Saan na siya hahanap ng kanlungan? Makakaranas pa kaya siya ng relyebo, matapos magdusa buong buhay niya sa mapang-aping sistema saan man siya mapunta? Maikakaila pa ba natin sa katulad ni Mang Joven at sa kanyang mga kasamahan kung sila ay maninindigan at lalaban?

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY