Tumungo sa Mendiola ang mga residente ng Manggahan Floodway na nawalan ng tahanan sa demolisyon at sila ay nagtayo ng kampuhan, hapon ng Oktubre 25, na tinawag nilang Homeless Camp.

Ayon sa Balikwas Kadamay, grupo ng mga residente na tumutol sa demolisyon, dahil winasak ang kanilang mga bahay ay sa may Malakanyang, bahay at opisina ng presidente ng Pilipinas, na lang sila maninirahan.

“Ano kayang mararamdaman niyo kung wasakin namin ang tahanan niyo? O kung kami ang tumira sa bahay niyo? Nananahimik kami pero sinisira ng gobyerno ang bahay at buhay namin. Binigyan niyo kami ng problema, ngayon kayo ang mamurublema sa ginawa ninyo sa amin,” sabi ni Jim Penolio, isang mag-aaral na nawalan ng tahanan.

Sinisingil nila si Pangulong Rodrigo Duterte na sinasabi nilang walang naging tugon o aksyon sa pagkawala ng kanilang tahanan, habang nanatiling inutil umano ang anumang programang pabahay at serbisyong panlipunan para sa mga maralita.

Itinayo ang kampuhan pagkatapos ng protesta sa Mendiola ng 3,000 magsasaka mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, bahagi ng kanilang kampanyang #LakbayMagsasaka na naggigiit sa tunay na reporma sa lupa at kumukundena sa mga pagpatay sa magsasaka. Batay sa ulat ng Karapatan, nasa 91 na ang magsasakang biktima ng extrajudicial killings sa higit isang taong pamumuno ni Duterte.

Nanatili ang mga kabataan, manggagawa, maralita at taong simbahan na nakiisa sa mga magsasaka para makiisa naman sa kampuhan ng mga residente ng Manggahan Floodway.

“Natira po ako malapit sa Floodway. Nakakainis isipin na ‘yung pamahalaan sa dami ng mga pinangako nila ay binababoy ang mga maralita. Kung maaalala niyo noong tumatakbo siya, sabi niya walang ide-demolish kung walang relokasyon. Walang demolisyon kung walang in-city relocation. Basta-basta na lang dinemolish, wala nang matuluyan, ngayon nauwi sa kampuhan dito. Siguro ‘yun nga maganda para makita nila kung anong nangyayari sa ating mga maralita,” ani Piston Chairperson George San Mateo.

“Sinabihan pa niya ‘yung mga driver na kung mahirap sila, magutom sila. Napakawalanghiya itong presidente natin ngayon, hindi siya dapat galangin. Hindi niya nagawa ang kanyang mga pangako sa mahihirap, sa manggagawa, sa magsasaka. Pinapatay niya sa gutom ang mahihirap,” ani Kadamay Chairperson Gloria Arellano.

“Kumprehensibo ang mga pangako ni Duterte. Tapos kumprehensibo rin ang kanyang tugon – pasismo, Batas Militar at pandarahas,” sabi ni Kilusang Mayo Uno Secretary General Jerome Adonis.

“Sinira ng gobyerno ang mga bahay. Ni isang kusing wala silang ginastos diyan. Tapos ‘yung lupa ibibigay nila para pagkakitaan ng mga malaking negosyo. Ganito po ‘yung lipunan natin, ‘yung mga mayaman binibigyan ng pabor tapos ‘yung maralita tinatratong parang basura,” sabi ni Anakbayan Secretary General Einstein Recedes.

Nasa 1,000 pamilya ang apektado sa demolisyong ipinatupad ng lokal na pamahalaan ng Pasig sa East Bank Manggahan Floodway noong Oktubre 18 hanggang 20. Nasa 500 pamilya ang wala pa ring matitirhan o nakuhang relokasyon. Sa daan sila natutulog kasama ng kanilang mga gamit. Nakaburol din sa daan ang isang inatake ng stroke nang isinagawa ang demolisyon.

Sinabihan sila ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan na nagpatupad ng demolisyon na hanggang Biyernes na lang sila maaaring manatili sa kalsada at kung hindi pa aalis ay “magkakagulo ulit.”

Mula nang ipinatupad ang demolisyon, nakaranas ang mga residente ng araw-araw na iba’t ibang panggigipit at pananakot sa mga empleyado ng Batas Ciudad Enforcement Office, Traffic and Parking Management Office, pulis at mga hindi makilalang tao na nakatakip ang buong mukha. Hinuli rin ang lider ng Balikwas Kadamay na si Rudy Villareal noong Oktubre 24.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here