Ingay

0
426

Tila bahagi na ng buhay nila ang mga pangambang bumabarena sa kanilang mga utak. Isang buong araw ng pawang ingay na kumakalog sa kanilang mga ulo. Nasanay man sila sa tahimik na buhay sa nayon, hindi na bago sa kanila ang nakabubulabog na ingay. Parang huni na lang ng ibon ang mga tunog na ito sa kanila. Para bang kasing-esensyal na ng paghinga ang mga ingay na ito.

Ito ang bumuo sa kanilang pagkatao, ang kanilang mga karanasan.

Lagi’t laging nilalahukan ng sunod-sunod na pagbayo ng mga tunog na ito ang mga gawain nila sa pang-araw araw: sa pagluto ng agahan upang makakain ang kanilang mga anak, sa pagpasok sa eskwelahan ng mga mag-aaral na mapalad dahil sa mga paaralang itinayo ng kanilang mga magulang para sa kanila, kasama ang mga boluntaryong guro na galing mismo sa kanilang lugar. Ang iba naman ay galing pa sa lungsod at iniwan na ang komportableng mga kama de kutson at de-aircon na mga kwarto, piniling kumain ng kamoteng kahoy, papaya, saging at malunggay sa halip na fried chicken, spaghetti at hamburger. Maging sa buong araw na pag-aalaga sa mga punla ng sari-sarili nilang mga lupang sakahan ay sumasama ang ingay na umaalog sa kanilang mga isipan.

Si Emerito Samarca, Executive Director ng ALCADEV, ay pinaslang ng mga paramilitar noong Setyembre 1, 2015.
Si Emerito Samarca, Executive Director ng ALCADEV, ay pinaslang ng mga paramilitar noong Setyembre 1, 2015.

Ang ingay na ito ay isang pamilyar na ingay. Narinig na nila ito sa kanilang mga paaralan, kung saan harapan nilang nasaksihan ang pagsirit ng dugo sa katawan ng respetadong Executive Director, o hindi naman kaya’y kapag naglilibang ang mga sundalo at nilalaro ang kanilang mga sandata na para bang walang matatamaan sa kanilang delikadong kasiyahan. Nagagawa pang gawing biro ng kanilang guro na tinatawanan ang pangamba.

“Lumabas ka rito! Ipaparamdam ko sa iyo kung ano ang impyerno!” sigaw ng sundalo sa guro.

Tumahimik saglit ang guro, at tumugon.

“Huwag na lang, magtinda na lang ako ng ice cream dito, malamig pa.”

At sabay mapapalitan ang takot sa mata ng mga bata ng isang payapang halakhak. Ayos pa kami, iniisip nila.

Naririnig rin nila ito matapos ang selebrasyon ng school blessing sa kanilang lugar. Sobrang saya nilang lahat noong araw na iyon. Natawa pa sila nang mag-away noong gabi ang dalawa nilang kabayo. Isa ang nagwagi, isa naman ay tumakbo na sa iba’t ibang sikmura ng mga residente, naging kalakasan ng kalamnan. Dumalo pa nga ang kagawad ng kanilang barangay, mabuti raw at hindi yung Barangay Captain. Masama ang reputasyon sa kanila ng Barangay Captain matapos silang pagmumurahin lahat. Bakit daw ang babait nila sa mga rebeldeng hukbo tapos sobra kung makalayo sa mga sundalo. Kulang na lang sabihin ni kapitan na “mga NPA siguro kayo ‘no?” Pero lagi’t lagi nilang kinukumpara ang dalawang pwersa ng mga armadong sundalo: ang isa ay agarang umaalis kapag pinaalis nila, makikiinom ng tubig sandali at agaran ding aalis. Hindi matutulog sa kanilang mga bahay. Hindi nagkakampo sa kanilang mga paaralan. Hindi rin tinututukan ng baril ang mga tao.

Ang isa naman ay hindi ginagawa ang ginagawa ng isa.

Sabi nga. Kung ano ang gusto mong gawin sa’yo, gayundin ang gawin mo sa kapwa mo. Hinding-hindi masuklian ng mga residente ang ginagawa ng grupong kinaayawan nila. Hindi nila kayang maging mabait sa mga lumalapastangan sa kanilang mga anak na babae, na sa murang edad pa lamang ay gusto na agad laruin. Hindi nila kayang maging mabait sa mga bigla na lang papasok sa bahay nila ng alas tres ng umaga, iinspeksyunan ang bahay at kakasuhan ang tatay ng isang kasong hindi naman totoo. May baril daw ang tatay nila: isang .35 caliber. Airsoft gun lang ang alam nilang meron ang tatay nila, pero hindi .35 caliber. Nahanap daw ito ng nag-iinspeksyon sa likuran ng kanilang bahay, na para bang mayroon silang bakuran na tinutubuan ng baril sa halip na halaman. Hindi nila kayang maging mabait sa mga taong isinasako ang mga musmos na may kapansanan sa pag-iisip, itatapon sa isang maputik na lugar upang umuwi sa bahay nila at paiyakin ang nag-aalala nitong ina.

Hindi nila iyon kayang gawin.

Tila namanhid na sila sa pangamba at kinilala na lamang ito bilang bahagi ng kanilang katauhan. Ginamit na lamang nila ito upang buuin ang kanilang mga sarili, at pagsama-samahin ang mga ito sa iisang layunin.

Sobrang ingay dito sa kampuhan dahil sa mga drill trucks na nag-aayos ng lansangan. Pero lahat sila ay buong-buo ang loob.

Ipinagpapatuloy ng mga volunteer teachers ng mga alternatibong paaralan ng mga Lumad ang pag-aaral ng mga bata sa kampuhan ng Lakbayan ng Pambansang Minorya noong Setyembre.
Ipinagpapatuloy ng mga volunteer teachers ng mga alternatibong paaralan ng mga Lumad ang pag-aaral ng mga bata sa kampuhan ng Lakbayan ng Pambansang Minorya noong Setyembre.

Kayang-kaya nilang talunin ang umaalog na ingay. Matatag, tumitindig, at pinananatiling buo ang sarili.

Hindi sila aalis hangga’t hindi nila natatalo ang ingay na ito.

Hindi sila aalis hangga’t hindi sila naririnig.

 

Si John Thimoty Romero ay volunteer teacher sa Center for Lumad Advocacy, Networking and Services, Inc. (CLANS) at bahagi ng Save Our Schools Network.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here