“Tulad ng isang paru-paro, ang aking buhay ay maaaring maging napakaigsi… subali’t ito’y napakaganda..” -Lorena Barros

Hindi makasasapat ang iisang kataga upang ilarawan si Kasamang Jansel Zeta Arnaldo. Ka Lian, Ka Nadel, Ka Guiller at Ka Lily sa mga kasamang Hukbo at masa. Mahusay na medik, edukador, organisador at tagapamandila ng proletaryong kultura. Huwarang kabataan, dakilang rebolusyonaryo. Siya ay larawan ng masigla at masayang pagrerebolusyon.

Isinilang noong Oktubre 1, 1985 sa isang probinsiya sa Kabikolan, si Ka Lily ay panganay sa 4 na magkakapatid na kababaihan, sa isang pamilya ng panggitnang peti-burges. Mula sa Kabikolan, lumipat ang kanilang pamilya at nanirahan sa Tansa, Cavite.

Si Jansel ay estudyante ng Adamson University at kumuha ng kursong Electronics and Communication Engineering (ECE). Nasa unang taon siya sa kolehiyo nang maorganisa noong unang bahagi ng 2002. Seryoso at pursigido siya sa paggampan sa mga gawain ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga kabataan sa kanilang unibersidad sa kabila ng kaniyang pagiging baguhan.

Bilang pagtugon sa panawagang, ”Kabataan, tumungo sa kanayunan! Tanganan ang armadong pakikibaka!” pumasok siya sa isang sonang gerilya noong Marso 2003. Pagkaraan ng isang buwan, agad siyang nagpahayag na maging pultaym na mandirigma ng BHB. Matatag niyang pinangibabawan ang kontradiksyon sa pamilya at ang matinding pagtutol ng kanyang ama sa kanyang piniling landas.

Matatag ang kanyang pagpapahalaga at pagtitiwala sa kolektibo. Masigasig at aktibo siya sa mga inilulunsad na pag-aaral. Isa siya sa pinakamatiyaga sa pagpapaliwanag sa mga kasama sa mga prinsipyo at patakaran ng Partido, sa pangingibabaw sa mga kahirapan sa pagkilos, at sa iba pang kaalamang nais matutunan ng mga kasama. Modelo rin siya maging sa paninindigan para sa proletaryong pakikipagrelasyon. Bagama’t madalas silang magkalayo, lagi niyang sinasabi sa kanyang mga sulat sa kanyang karelasyon na, ”Sa bawat paghihiwalay natin ay may bagong kaalaman tayong natututunan. Kaya’t hindi tayo dapat maging malungkot, dahil pansamantala lamang ito. Ayoko ng malungkot na paghihiwalay.”

Matalas, mapamaraan at mapanlikha sa pagbibigay ng mga pag-aaral si Jansel upang matiyak na nauunawaan ito ng mga estudyante. ”Doktora” ang kinagigiliwang itawag kay Jansel noong nasa loob pa siya ng larangan, dahil sa kanyang kahusayan sa gawaing medikal.  Puspusan niyang inaral at mabilis na nagagap ang gawain at wastong aktitud ng isang medik ng Hukbo at masa.

Mataas na pagpapahalaga ang ibinibigay ni Jansel sa gawaing medikal. Lagi niyang ipinapanguna ang kapakanan at kaligtasan ng pasyente, gaano man kahigpit ang kalagayan. Mayroon siyang karanasan na magdamag na binantayan ng kanilang tim ang isang pasyente sa lokalidad, kahit may kilos ng kaaway sa katabing baryo nito. Bukod sa pagigig mahusay na medikal, mahusay din sa gawaing pangkultura si Jansel. Marami na siyang naisulat na tula at nagawang likhang-sining na naglalarawan ng tunay na kalagayan at paglaban ng masa. Sa pag-awit, pagda-drama at pagsayaw, laging siyang kalahok sa mga ito. Buong sigla at buong kasiyahan niyang ginagampanan ang kanyang mga gawain. Magiliw siyang nakikisalamuha sa mga masa at kasama. Kilala siya bilang mabait at madaling lapitan. Nakakahawa ang kanyang pagtawa at pagiging masayahin. Lagi siyang nakangiti at malapit sa mga bata. Mahilig din siya sa pagluluto. Tuwang-tuwa ang kanyang mga kasama kapag siya ang nagluluto dahil makakakain na naman sila ng masarap na ulam o meryenda.

Isang tampok na katangian ni Ka Lily ang hindi pag-atras sa anumang gawain. Totoo ngang bata pa siya, pero hindi siya nag-aatubiling tumanggap at gumampan ng mabibigat na responsibilidad, maipatupad lamang ang programa ng Partido. Katulad nang tanggapin niya ang tungkulin bilang pangunahin sa istap ng RMS (Regional Medical Staff), dahil sa di-inaasahang pangyayari sa pangunahin ng istap.

Noong Hulyo 30, 2007, sa isang depensibang labanan sa Isabela, nagbuwis ng buhay si Jansel. Kasama niya ang dalawa pang kabataang mandirigma. Kinubkob ang kanilang pinaghihimpilan ng pinagsanib na tropa ng 45th Infantry Battallion at 52nd Reconnaissance Company, sa pamumuno ni Lt. Victoria.

Sa kanyang pinakahuling text message sa mga kasama, tila sinabi niya ang kaniyang huling habilin. ”Napahiwalay ako. Malapit lamang sa akin ang mga kaaway. Bahala na kayo sa akin, anuman ang mangyari.” Hanggang sa paslangin siya ng mga pasista at berdugo, ipinagpatuloy pa rin niya ang paglaban, hanggang sa kahuli-hulihan. Tunay na berdugo ang mga ito, sapagkat matapos makuha nang buhay, ginahasa pa si Jansel bago tuluyang binawian ng buhay.

Dalawampu’t dalawang taong gulang si Ka Lily nang siya ay magmartir. Kung tutuusin, nasa kasibulan ng edad upang matuto ng napakaraming kaalaman at maging bahagi ng napakaraming karanasan. Kinatawan ng kasama ang dapat at wastong tunguhin ng kabataan na naghahangad ng tunay na pagbabago ng lipunang kanyang kinapapalooban. Sa pagkawala ng isang huwarang kabataan at mahusay na kasama, patuloy pang dadagsa ang di-mabilang na kabataan sa kanayunan upang ipagtagumpay ang di-natapos na laban ni Jansel.

Sinulat ng naging myembro ng Anakbayan Adamson University, batch 2002-2003.

Basahin ang iba pang kwento tungkol sa mga kabataang martir dito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here