Sa pagmamadali sa pag-abot sa ‘modernisasyon’ hindi namamalayan ng marami na mayroong mga nagpag-iiwanan. Sino ba ang ayaw umunlad?

Nahubog na si Romeo Villados ng PASODA Piston. Halos dalawang dekada na ang pagiging makabayang drayber niya sa ilalim ng kanyang organisasyon.

Ayon sa kanya, “Hindi naman ito usapin na kami lang ang mawawalan. Iniisip din namin ‘yung mga mahihirap na kalakhang sumasakay sa jeep. Paano na sila? Kung tutuusin eh kahit otso pesos nga lang eh masakit nang ipambayad, paano kung tumaas pa? Lalo na ngayon. May TRAIN Law at jeepney phase-out pa.”

Hindi lamang pansariling interes ang ipinaglalaban ni Mang Romeo kundi pati na ang interes ng kanyang mga mananakay. Dagdag pa niya, “Karamihan sa mga myembro namin ‘di marunong bumasa at sumulat, kaya nagmamaneho. Gusto nila ang mga anak nila hindi matulad sa kanila. Paano na ‘yung mga anak nila? Paano nila mabubuhay at mapag-aaral ang mga anak nila? Matutulad din sa kanilang mga mangmang at hindi nabigyan ng pagkakataong makapag-aral.”

Nagiging alternatibong trabaho ang pagmamaneho ng mga jeep para sa mga Pilipinong walang tinapos at mayroong kakayahang magpaandar ng sasakyan. “Kung mayroon lang tiyak na trabaho at nakabubuhay na sahod eh, tingin niyo magpupumilit kaming magmaneho sa kalsada? Walang tiyak na kita sa pagmamaneho pero ang mahalaga eh nakakapag-uwi ng pangkain,” wika pa ni Mang Romeo.

Noong nakaraang taon ay inaresto ang pinuno ng PISTON na si George Mateo dahil sa pag-organisa ng transport strike noong Pebrero 2017. Nilabag umano ni Ka George ang Section 20(k) ng Commonwealth Act 146 o Public Service Law.  Ang organisasyon ni Mang Romeo ay isa sa mga masugid na sinuportahan si Ka George para makalaya siya. Sabi niya, “Iyong ginagawa nila sa lider namin para siguro matakot kami, eh lalo pa ata kaming tumapang. Bakit? Masama ba na ipaglaban namin ang hanapbuhay namin?”

Ang panghaharas laban sa kanilang organisasyon ay lalo pang nagtibay sa kanilang pagkakaiisa at paninindigan upang ipaglaban ang kanilang hanapbuhay.

“Sa totoo lang wala naman silang pondo. Wala pa silang pondo para sa sinasabi nilang papautangin nila kami. Desisyon sila nang desisyon wala pa naman palang pondo. ‘Yan ang mahirap sa kanila eh, basta para sa mga mayayamang negosyante, oo sila agad. Kaming mahihirap, eh pahirapan kung mapagbibigyan kami sa mga hiling namin. Sige nga, sabihin mo kung saan ang pagkakapantay-pantay doon?”

Taliwas sa sinasabi ng gobyerno na may pondong nakalaan na para sa pagpapatupad ng proyektong ito ang sinasabi ni Mang Romeo at iba pang drayber ng jeep. Dagdag pa niya, “Hindi subsidy ‘yun kasi ipapalit nila yung jeep namin. Tingin niyo ba ay P80,000 lang ang halaga ng jeep na iyon para sa amin? Higit pa dun dahil ‘yun ang naging karamay namin sa hirap at pinaglaan namin nang husto ng pera ‘yun para sa pagpapagawa at pagpapaganda.”

Sa huli, sinabi ni Mang Romeo na “Hindi nila ito pinag-iisipang mabuti. Maraming mga maliliit na drayber ang mawawalan ng trabaho. Marami silang papatayin sa gutom. Ang masasabi ko lang sa mga tao eh sana mamulat kayo at makiisa sa amin. Sino ba ang ayaw sa moderno? Gusto namin ‘yan pero sana ‘wag naman kaming maiwan. ‘Wag sana kaming maiiwan sa pag-unlad.”

 

 

InterServer Web Hosting and VPS

NO COMMENTS

LEAVE A REPLY