JV asks JMS: Hinggil sa kasalukuyang papel ng Simbahang Katoliko sa pagpawi sa kultura ng karahasan at kawalang-katarungan sa bansang Pilipinas

Hindi mabilang ang mga mura, upak, at banat ni Presidente Duterte sa isang maimpluwensyang institusyon na may mahabang kasaysayan ng panlipunang pakikisangkot sa bansang Pilipinas – ang Simbahang Katoliko.

Bukod sa regular na pagkundena ng simbahan sa mga pagpatay sa mahihirap sa gera kontra-droga ng presidente na hindi pa rin gaano umalingawngaw sa una, dahil pa sa kultura ng takot na patuloy na inihahasik ng kampanyang ito na umabot na sa 14,000 ang napapatay sa loob ng halos 17 buwan ni Duterte sa puwesto.

Nang tila magpapatuloy ang walang habas na pamamaslang sa gera kontra droga, lalo sa pagsasagawa ng mga “one-time bigtime” na operasyon ng pulis at karumal-dumal na pagpatay sa mga menor de edad, may pagkakataon na umurong ang rehimen. Dahil sa matinding ingay na nilikha ng mga aksyong masa noong Setyembre at Oktubre, napuwersa si Presidente Duterte na alisin sa Philippine National Police (PNP) ang pamumuno sa kampanya kontra-droga dahil sa mga alegasyon ng mga pagmamalabis, lalong-lalo na iyong mga ‘execution-style’ na pagpatay.

Ang paglalagay ng gera kontra droga sa pamumuno ng Philippine Drug Enforcement Agency, pagbubukas muli sa posibilidad ng usapang pangkapayapaan at mabilisang pagdedeklara ng pagtatapos ng gera sa Marawi ay ginawa ni Duterte bago ang ika-31 Assocation of South East Asian Nations Summit noong Nobyembre 12-14 at ang ika-12 East Asia Summit. Ngunit binawi rin niya ang unang dalawa matapos ang mga internasyunal na pulong, samantalang hindi pa rin iniaatras at gusto pa ring palawigin ang Batas Militar sa Mindanao na nagsimula pa noong Mayo habang uloy pa rin ang mga patayan sa bansang ito.

Noong Disyembre 3, nagulantang ang bansa sa balitang pagpatay sa isang Katolikong pari na kagagaling lang sa pag-asiste sa paglaya ng isang bilanggong pulitikal. Nagmamaneho si Fr. Marcelito “Tito” Paez sa San Leonardo, Nueva Ecija nang paputukan siya ng mga lalaking nakasakay sa motorsiklo. Nadala pa si Fr. Paez sa ospital ngunit binawian din ng buhay matapos ang ilang oras.

Isa si Fr. Paez sa mga unang biktima mula nang sinabi ni Duterte sa pagtatapos ng Nobyembre na magsasagawa siya ng ‘crackdown’ at ‘mass arrest’ sa mga aktibista.

Bilang bahagi ng paggunita sa International Day of Human Rights sa linggong ito, hiningi ko ang pagsusuri ni Communist Party of the Philippines (CPP) Founding Chairman Prof. Jose Ma. Sison hinggil sa kasalukuyang papel ng Simbahang Katoliko sa pagpawi sa kultura ng karahasan at kawalang-katarungan sa bansang Pilipinas.

Pagsisikap at panawagan

Ipinaliwanag ni Prof. Sison na mabuti ang hangarin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na “itigil ng rehimeng Duterte ang pamamaslang ng galibu-libong mahihirap na suspetsadong drug user at pusher.”

Sa kabila nito, tingin ni Prof. Sison na hindi pa malulubos ang panawagang paghilom sa gitna ng nagpapatuloy na pamamaslang ng estado sa mahihirap.

“Dapat mas madiin ang pagpapatigil sa garapal na kriminalidad ni Duterte,” kumento ni Prof. Sison. Dagdag niya, ¨Dapat kumilos ang mga tao t lider ng Simbahang Katoliko para labanan ang pagpaslang  kay Fr. Tito Paez at Fr. Novelito Quinones at matagalang detensyon ni Bishop Morales. Sina Fr. Paez at Bishop Morales ay mga ecumenical partner ng Simbahang Katoliko.

Inilunsad ng Simbahang Katoliko ang kampanyang “Stop the Killings, Start the Healing!” sa isang prayer rally sa Our Lady of Guadalupe Parish (EDSA Shrine) sa Lungsod ng Mandaluyong noong Nobyembre 5.

Gayunman, obserbasyon niya, kasali rin ang Simbahang Katoliko sa Philippine Ecumenical Peace Platform na “ayaw sa ginawa ni Duterte na pag-terminate ng peace negotiations at nagpahayag ng pagnanais na buksan muli ang pag-uusap para gumawa ng mga reporma na magiging kalutasan sa mga ugat na dahilan ng gera sibil at magiging batayan ng makatarungan at matagalang kapayapaan.”

Ayon sa kanya, labag sa pananampalataya sa Diyos, sa moralidad at sa batas ang pamamaslang sa mga taong pinaghihinalaan pa lamang ay pinapatay na lang ng mga pulis.

“Walang judicial warrant of arrest at walang paglilitis para patunayan ang akusasyon,” paglalarawan ni Prof. Sison sa inhustisya sa pamamaslang sa mga umano’y ‘nanlaban.’

Binigyang-diin ng CPP Founding Chairman na salungat umano ang mga pare, madre at mga taong simbahan sa pamamaslang dahil sa paninindigan nilang bawal ito sa kautusan ng Diyos.

“Sa kasaysayan ng Pilipinas, maraming beses na silang tumindig at lumaban sa mga mamamatay-taong nasa kapangyarihan para ipagtanggol ang mga karapatang-pantao ng mga mamamayan magmula kolonyal hanggang malakolonyal na panahon,” pagkilala ni Prof. Sison.

Modus Vivendi?

“Maingat at malumanay ang mga obispo at kabuaan ng Simbahan sa harap ng brutalidad ng mga katulad ni Duterte dahil sa kasangkot din sila sa paghahari ng mapagsamantala at mapang-aping uri,” wika niya.

“Kadalasan, nauuna ang pagsimpatiya at pagsama ng mga karaniwang pari, madre at seminarista sa inaaaping masa, kaysa sa mga Obispo. Laluna kung may Christians for National Liberation na sadyang kumakampi sa mahihirap, inaapi at pinagkakaitan ng mga karapatan,” dagdag ni Prof. Sison.

Habang ang sulating ito ay tinatapos, umupo na si Davao Archbishop Romulo Valles bilang presidente ng CBCP. Kilala si Valles bilang malapit na kaibigan ni Presidente Duterte. Sumikat siya dahil sa pagpapaalala noon sa huli na ihinto na ang kanyang mga pagmumura sa gitna ng pagtatalumpati niya.

Ginulantang din niya ang kanyang mga kapwa taong-simbahan dahil sa masugid na pagsuporta niya sa kampanya ng rehimen laban sa droga.

“Maingat ang mga obispo sa pagharap sa estado, laluna na sa malupit na presidente, hindi lang dahil sa separation of church and state kundi dahil sa sabwatan sa estado sa pangangalaga sa kayamanan, tax exemption at iba pang interes ng simbahan.”

Pagbibigay-diin pa ni Prof. Sison, takot sila sa isang malupit na presidente at sa posibilidad na isangkot niya ang simbahan sa umano’y destabilization plot o sa CPP, New People’s Army (NPA) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

“Kaya ni Duterte na hindi lamang murahin ang simbahan kundi gumawa ng panggipit.  Batid nilang may katangiang dyablo si Duterte na katulad ni Marcos kundi mas masahol at abusado,” wika niya.

Pakikisangkot at pakikihamok

May mga pagsisikap ang Simbahang Katoliko para maglunsad ng isang malawakang kampanya laban sa mga nagaganap na patayan sa bansang Pilipinas ngayong taong ito sa pamamagitan ng mga sulat-pastoral, mga prayer-rally, at mga network-organizing.

Gayunman, hindi pa sapat ang mga hakbang na iyon ng simbahan upang himukin ang milyon-milyong mananampalatayang Katoliko na tumindig laban sa pamamaslang ng estado sa mga mahihirap sa ngalan ng kampanya kontra-droga. Nabibigyan pa tuloy ang rehimen ng pagkakataon para magmatigas sa pagpapatuloy sa kampanyang iyon sa kabila ng tumitinding batikos mula sa mga human rights organizations, mga lider ng ibang bansa, at iba pang internasyunal na samahan.

“Dapat harapin, salungatin at labanan ng Simbahang Katoliko, lalong-lalo na ng mga arsobispo, obispo, kleriko, relihiyoso, layko, at mananampalataya, ang mga paglabag ng rehimeng Duterte sa mga karapatang-pantao tao at mga karapatan ng bayan para sa pambansa at panlipunang paglaya,” ani Prof. Sison.

“Pinakaimbing krimen ng rehimen ang maramihang pagpaslang sa mga drug suspect, mga magsasaka, mga katutubo, mga Moro at mga ligal na aktibista,” paliwanag niya.

“Dapat lalong gumising at lalong lumaban ang mga tao at lider ng Simbahang Katoliko sa panggigipit sa mga organisasyon at institusyon na katulad ng Rural Mission of the Philippines at pagpaslang kay Fr. Tito Paez at Pastor Novelito Quinones na ecumenical partner ng simbahan. Dapat lumaban sa pasismo at terorismo ng rehimeng Duterte. Ito ay moral na katungkulang dapat ipatupad.”

“Dapat makipagtulungan ang simbahan sa Christians for National Liberation at iba pang pwersang progresibo at demokratiko para ipanindigan ang mga karapatan ng mga mamamayan, laluna ang mga dukha at inaapi, sa madugong panahon ni Duterte.”

Ayon pa kay Sison, ang mga progresibong lider at masa ng simbahan ay “dapat tulay sa pakikiisa sa iba pang mamamayan upang labanan at gapiin ang halimaw na terorista at pasistang rehimeng US-Duterte.”

“Umaasa ang mga mananampalataya at iba pang mamamayan na tumindig ang simbahan para sa katarungan at kapayapaan,” ani Prof. Sison.

“Kung lalaban ang simbahan nang puspusan, hindi magtatagal si Duterte sa kapangyarihan,” sabi ni Prof. Sison.

InterServer Web Hosting and VPS

NO COMMENTS

LEAVE A REPLY