#Lakbayan2017 | Sa pagtatapos ng Tiempo Muerto

0
514

Anihan na ng mga
pananim na tubo,
Ito na rin ang panahon
ng Tiempo Muerto.

“Sugar Bowl of The Philippines”

Katulad ng asukal, kay tamis ding pakinggan ang taguring tinatawag sa lalawigan ng Negros Occidental. Parang panghimagas ng bayan ang katagang ito, masarap sa pandama at kaiga-igaya. Pero ano’t kabalintunaan nito ang kalagayan ng mga mamamayan dito? Bakit mapapait ang kanilang kuwento?

Isa na marahil sa pinakamatingkad na pag-iral ng pyudalismo sa bansa ang makikita sa Negros Occidental. Iilang haciendero ang nagmamay-ari at may kontrol sa malalawak na lupain dito. Samantalang daan-daan naman ang mga nagpapakahirap na anihin ang mga tubo.

Tiempo Muerto

Salitang Espanyol na alam na alam ng karamihan sa kanilang probinsya. Banyaga man ngunit may kurot sa kanila ang kahulugan. Sapagkat ito ang salitang nakasanayang bigkasin sa panahon ng kagutuman.

Sa pagitan ng mga buwan ng Abril at Setyembre umiiral ang tiempo muerto. Kalahating taon ang pagtitiis nila sa kumakalam na sikmura. Anim na buwan ang paghihirap nilang punan ang plato sa hapagkainan. Paghihirap na kahit matapos ang buwan ng Setyembre ay mayroon pa ring panibagong paghihirap.

Pakyaw system ang dahilan kung bakit umiiral ang tiempo muerto sa Negros. Sa sistemang ito, mayroon nang nakatalagang presyo ang bawat hektaryang lupain. May ibibigay na bayad ang mga haciendero sa bawat hektarya at ang bayad na ito ay paghahati-hatian ng mga mang-aani.

Dahil dito dapat ay matapos nila ang gawain sa pinag-usapang panahon upang makuha ang kapalit na sahod. Nagbubunga ang pakyaw system ng child labor o ang sapilitang pagtatrabaho sa mga bata. Upang maisakatuparan ang usapan na pagtapos sa pag-aani, maging ang mga kabataan ay nagtatrabaho na. Sa mga panahong ito, isa hanggang dalawang linggo lamang ang trabaho nila sa isang buwan.

Isa pang dahilan ng tiempo muerto ay ang mono-cropping. Dahil iisang pananim lang ang pokus ng Negros, at ito nga ay ang tubo, nagkakaroon ng kagutuman sa pagitan ng pag-aantay na tumubo ang mga tubo. Isang beses lang kasi sa isang buwan ang anihan, kaya naman gutom ang inaabot ng mga mamamayan. Hindi rin kayang magtanim ng isang simpleng tao ng tubo sapagkat malaking kapital ang kinakailangan dito.

Ngayon, nananawagan ang mga mamamayan na magkaroon ng iba pang pananim ang kanilang probinsya upang mabigyang kasagutan ang kanilang kagutuman.

Ito ang kanilang kalagayan.

Matamis ang tubo,
ngunit mapait naman
ang mga kuwento
ng mga nag-aani nito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here