Si Ate Lourdes Omar ay isang Moro na galing sa Zamboanga City na sumama sa Lakbayan ng Pambansang Minorya kasama ang kanyang anak. Nakatigil sila sa UP Diliman para sa Pambansang Lakbayan upang ipanawagan ang kanilang karapatan sa lupa at ang pagpapatigil ng Batas Militar sa Mindanao. Nais niyang ipaabot sa mas marami na ang mga Moro ay hindi masasamang tao o terorista na madalas na ibinibintang sa kanila.

Kabilang si Ate Lourdes sa mahigit 2,500 Moro at katutubo na nagmula sa Luzon, Visayas at Mindanao na naglakbay papuntang Maynila mula Agosto 31 at tatagal hanggang September 21.

Laging mapapansin si Ate Lourdes na nakapuwesto sa pasukan sa puwesto ng mga Moro. Madalas siyang sumisilip at ngumingiti sa bawat pumapasok na kabatlourdes-01aang nais makapag-integrate sa mga Moro. Tinanong ko siya kung bakit parang ang saya saya niya tuwing may mga estudyanteng pumapasok. Agad naman sumagot si Ate Lourdes sa akin:

“’Pag may bumibisita sa aming mga estudyante, naaalala ko ang anak ko at naiisip ko nandito na ang anak ko.”

‘Di ko agad maisip bakit nakikita ni Ate Lourdes ang anak niya sa bawat kabataang nakikita. Inalam ko kung nasaan ang anak niya. Sinabi niyang apat na taon na itong nakakulong sa Camp Bagong Diwa sa Taguig dahil sa maling pagbibintang na kabilang ito sa Moro National Liberation Front o MNLF na nasangkot sa tinaguriang “Zamboanga siege” noong 2013, panahon ng pagkapangulo ni Noynoy Aquino.

Kasagsagan ng putukan at barilan sa kanilang tinitirahan sa Sta. Catalina, Zamboanga City ay may tumawag sa kanya at nagtanong tungkol sa kanyang anak na si Aiza Omar at pinapapunta siya sa police station. Agad naman siyang pumunta sa barangay hall para magpasama sa police station para makita niya ang kanyang anak. Pero inabisuhan siya ng barangay captain na huwag lumabas sa kanilang lugar dahil delikado pa noong mga panahong iyon.

Simula noon, hindi niya akalaing hindi niya na makikita ng ilan taon ang anak niya. Hindi niya akalain na ang kanyang anak na babae ay mapapagkamalan na isang MNLF.

lourdes-05
Mga larawan ni Aiza, anak ni ate Lourdes na hinuli at kinulong na napagkamalang MNLF apat na taon ang nakakaraan. Kuha ni KJ Dumapit.

“May ganito bang MNLF? Labing-siyam na taong gulang pa lang ang anak ko ‘nung hinuli nila. Ang tanging pangarap lamang niya ay iyong mabigyan kami ng magandang buhay, kaya siya nagtratrabaho malapit sa aming barangay,” sinabi ni Ate Lourdes habang pinapakita ang larawan ng anak niya.

(Ang isang anak niya ay nakapagtapos ng Education, major in English, pero ‘di nakapagtrabaho, sabi ni Ate Lourdes, dahil sa pagiging Muslim.)

Tinanong ko si Ate Lourdes kung pupunta siya sa Camp Bagong Diwa para bisitahin ang kanyang anak. Malapit na lang sa UP Diliman ang Bicutan, kaysa naman sa Zamboanga bago siya makapunta rito.

Ang tanging sagot niya sakin ay “Hindi maaari, dahil ang tanging tingin nila sa akin ay isang terorista dahil sa pagiging Moro ko.”

Hindi pa man malakasan ni Ate Lourdes ang kanyang loob na bisitahin ang kanyang anak, sinabi niyang sa Lakbayan naman niya naramdaman na tanggap siya at masaya siyang nakikita ng mga kasama at ng mga bumibisita, kaiba sa kadalasang nararanasang iniiwasan sila at hindi kinakausap dahil sa kanilang kasuotan.

Minsan mahirap maging daulyan ng mga kwento ng mga personal at kolektibong kaapihan ng mga kababayan natin. Ang nakakapagkalma na lang sa kalooban ay ang kapasyahan nilang manindigan. Lalo’t mula nang nakausap ko si Ate Lourdes, hindi ko mapigilang hilingin, minsan nakakatulugan kong isipin na sana sa isang pambihirang pagkakataon na nakarating si Ate Lourdes sa Maynila ay mabigyan siya ng pagkakataong makita ang kanyang anak.

lourdes-03
Hawak ni Ate Lourdes ang larawan ng kanyang anak na si Aiza. Kuha ni KJ Dumapit.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here