#Lakbayan2017 | Kilalanin ang mga Lakbayani: Rolando Gandam

0
308

South Cotobato ang lalawigang pinagmulan ni Tatay Rolando Gandam, malayo mula sa kubol na kinauupuan namin sa kampuhan ng Lakbayan ng Pambansang Minorya. Malayo, kaya naglakas loob siyang dalhin ang usapin nila sa lupa dito sa sentrong rehiyon.

Halos 500 hektarya ang lupain na pagmamay-ari ng tribong T’boli na kinabibilangan ni Tatay Rolando; 40 na hektarya na dito ang naagaw sa kanila. Nais ng kapitan ng kanilang barangay na isailalim sa isang sarbey ang kanilang lupain upang maipasok ang plantasyon ng palm oil.

Para kay Tatay Rolando, sa oras na makapasok na ang plantasyon ay malaki ang posibilidad na hindi na sila muling makatanim pa ng mais, palay at iba pang mapagkikitaan at makakain nila sa araw-araw. Nang hindi sila pumayag, humanap ng iba’t-ibang paraan ang kanilang kapitan upang makuha ang kanilang mga lupain.

Malinaw na ang mga may kapit lang sa mga may-ari ng plantasyon ang makikinabang, hindi sila Tatay Rolando at ang buong tribu.

Dahil nga sa lupa ang usapin ay kaakibat nito ang militarisasyon sa kanilang nayon, ani Tatay Rolando. Pang-aabuso, panghaharas, pangliligalig ang bitbit ng mga militar.

Noong nakaraang taon nang idinaos ang unang Pambansang Lakbayan ng Pambansang Minorya, sumama ang pinsan niyang si Venie Diamante. Katulad ng pinaglalaban niya ngayon, ganun din ang pinaglaban ni Venie noong huling bahagi ng 2016. Ngunit hindi na nakasama si Benny sa Lakbayan ngayong Setyember. Pinaslang siya ng mga hindi nakilalang salarin, Enero 5, matapos dumalo sa Lakbayan.

May kabang baon si Tatay Rolando sa pagbabalik niya sa South Cotobato, pero hindi niya ito alintana dahil mas malaki ang bitbit niyang pag-asa at pag-asam na maipaglalaban pa rin ang kanilang lupang ninuno.

Mula sa ulat ng Karapatan: Noong Enero 5, 2017, bandang 4pm, si Venie Diamante, 43, isang T’boli at pinuno ng tribo, ay brutal na pinatay ng mga hindi nakilalang salarin na nakasakay sa motorsiklo habang papauwi na sa kanyang bahay sa Koronadal City. Malapit na si Diamante sa kanyang bahay sa Sitio Lambusong, Barangay Puti, Norala, South Cotabato nang siya ay tuloy-tuloy na binaril ng salarin; nagtamo siya ng walong tama ng bala. Iniwan siya sa tabi ng daan, nang siya ay matagpuan ng dalawang dumaraan papunta sa palengke.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here