#Lakbayan2017 | Kilalanin ang mga Lakbayani: Ruben Asuncion

0
409

Kabundukan ang kabuhayan–ayan ang sabi ni Tatay Ruben Asuncion na mula sa tribu ng Tagbanua Cuyonen sa Palawan. Ganito na lamang ang pagpapahalaga ni Tatay Ruben sa kabundukan sa kanilang lugar sa Barangay Banbanan, Taytay Palawan dahil wari ni Tatay Ruben ay maaari itong maglaho sa kanila nang biglaan kung patuloy itong aagawin sa kanila.

Naglunsad ang gobyerno ng National Greening Program o NGP na kung saan ay magtatanim sila ng kahit anong pananim sa isang lupain na kunwari’y makatutulong sa mga mamamayan sa komunidad na ito. Ngunit katulad din ng ilang proyekto’t programa ng pamahalaan, ang NGP ay isang huwad na programa lamang na animo’y tutulong sa kabuhayan ng mga mamamayan, ngunit taktika lamang nila ito upang sa kalauna’y maangkin ng gobyerno ang mga lupang nataniman at tuluyang maagaw.

Mayroong banta sa kanilang mga kabundukan na paglulunsaran ng ilang mga proyekto’t establisyemento, at bunga ng ganitong mga plano ay malaki ang posibilidad na mawalan ng tirahan at hanapbuhay ang mga tao roon. Mapatutunayan kung gaano nililinlang ng proyektong NGP ang mga taga-Taytay sa paraang ang mismong gobyerno ang magdedesisyon kung ano ang mga dapat itanim para kalaunan ay sila-sila rin mismo ang makikinabang sa mga pananim nilang iyon. At upang tuluyang maisakatuparan ang NGP ay nagtatalaga ng mga militar sa mga barangay nang sa gayo’y walang palag ang mga mamamayan sa bawat komunidad.

Ang isyu na ito ay hindi lamang banta para sa tribu nila Tatay Ruben ngunit ng siyam na tribu na matatagpuan sa Palawan: ang Cuyonen, Agotaynen, Cagaynen, Batak, Calamyanen, Palaw’en, Mulbog, Ken’ey at Tagbanua. Siyam na tribu ang masasagasaan ng programang ito, siyam na iba’t-ibang makukulay na kultura ang hindi malabong maglaho gawa ng mga ganitong proyektong ipatatayo at siyam na tribu kapalit ng kaunlarang para lamang sa iilan? Ganitong pagbabago nga ba ang hangad ng lahat? Pagbabago nga bang maituturing kung ang kabundukang katumbas ay kanilang buhay ay wawasakin at papatagin para lamang higit na umangat ang mga nasa tuktok?

Ga-higante man ang kalaban nila Tatay Ruben mula sa pagpoprotekta ng kanilang lupa’t kabundukan ay hindi sila matatakot mula sa mga walang habas na nangangamkam nito. Kabundukan sa kanila’y buhay kaya’t walang dahilan upang hindi nila ito ipaglaban.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here