#Lakbayan2017 | Kilalanin ang mga Lakbayani: Jorge Dione

0
310

Isa si Jorge Dione, o Tatay Jorge sa aming pag-uusap, sa mga napapagsasamantalahan ng mga naglalakihang kompanya ng tabako sa Ilocos Sur. Daing niya, labis labis ang pangbabarat sa kanila ng mga kompanya sa presyo ng kanilang mga tanim na tabako. Pababa nang pababa ang presyong inihahapag ng mga negosyante sa mga magsasaka at nakadepende pa ito sa klase ng tanim nila mula Class A-D.

Kung dati ang isang kilong tabako ay nagkakahalaga ng 98 piso, sa kasalukuyan ay nasa 93 piso na lang at tuloy-tuloy pang bumababa. Napipilitan ang mga magsasaka katulad nina Tatay Jorge na ibenta sa ganoong halaga ang kanilang mga pananim sapagkat kung hindi nila ito ibebenta sa mga kompanya ng tabako ay wala nang bibili sa kanila nito.

Lalong nalulugmok sa kahirapan ang mga magsasakang katulad ni Tatay Jorge. Wala na silang kinikita sa kanilang mga pananim. Kung mayroon man ay hindi ito sapat para sa kanilang pang araw-araw.

Hindi lamang ang mababang presyo ng pananim ang dinadaing ni Tatay Jorge kundi pati na ang pagtigil ng militarisasyon sa kanilang lugar.

“Marami ang mga pandarahas sa amin. ‘Yung mga kapitbahay ko, marami na sa kanila ang dinukot. Pinaparatangan sila na myembro ng New People’s Army pero sa totoo lang hindi,” wika ni Tatay Jorge.

Natutunan ni Tatay Jorge na nararanasan ng iba pang pambansang minorya sa buong bansa ang mga nararanasan ng mga magsasaka sa hilagang rehiyon. Kasama na rito ang militarisasyon, kahirapan, kawalan ng kaunlaran, at iba pa.

“Kaya ako sumali rito sa Lakbayan baka sakali na ‘pag marami kami ay pakikinggan kami ng gobyerno. Sa totoo lang ramdam naman ng bawat isa na pahirap na nang pahirap na ang buhay ngayon. Naniniwala ako na ramdam ito ng bawat isa kaya naman dapat igiit ang ating mga karapatan,” ani Tatay Jorge.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here