#Lakbayan2017: Kilalanin ang mga Lakbayani: Ang Tumandok

0
790

“Noong 1996, binuo ‘yung aming organisasyon ng mga Tumandok sa 22 barangay sa Bayan ng Tapas. Nagkaisa kaming lumaban kahit anong hamon ng gobyerno sa amin. Nagkaisa kaming lumaban sa mga militarisasyon na umabot sa aming barangay,” ayon kay Marivic Aguirre, ang kinatawan ng Tumandok mula sa ikalawang distrito ng Panay.

Bumiyahe ang pambansang minorya mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa para makarating sa Manila para sa Lakbayan. Isa sa layunin ng kanilang pagsasama-sama ay para ipaalam sa mamamayan sa Kamynilaan ang kanilang dinaranasa na pang-aapi sa militarisasyon sa kanilang mga komunidad na bunsod naman ng mga “proyektong pangkaunlaran” na umaagaw sa kanilang lupang ninuno.

Sa mga minoryang ito, isa sa mga nakilahok ang mga katutubong mula sa Isla ng Panay na tinatawag na Tumandok.

Ang pangunahing kabuhayan ng Tumandok ay ang kaingin, isa itong sistema ng pagtanggal at pagsunog ng mga halaman para magamit ang abo nito bilang pataba ng lupa. Ang kanilang mga produkto ay balinghoy, mani, mais, luya, at saging.

“Sa Bayan ng Tapas, ang buong population ng Tumandok ay mahigit 11,000 sa 22 barangays. Sa Calinog, 11,000 siguro. ‘Yung 11,000 na ‘yan ay sa malawak na lupa. Ang kalawakan ng lupa ay nasa 33,310 hectares. Pero noong 1967, naproklama ni Diosdado Macapagal na military reservation na ‘yan. Hindi pa namin nalutas ang aming problema sa army reservation, ‘yung lupa namin napasukan na naman. Sabi ng gobernor at mayor namin sa Roxas City, priority ‘yung Panay kasi pinopondohan ng China at Japan,” sabi ni Aguirre.

Maliban sa isyu ng pag-aagaw ng lupa, ang Department of Environment at Natural Resources (DENR) and National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ay walang naiambag na tulong, pahayag ni Aguirre.

“Nagsimula umabot ‘yung opisina ng NCIP sa bayan ng Tapas, siguro nung 2002. Doon nagsimula ang pagkahati-hati naming mga katutubo, kasi sinasabi ng NCIP sa iba-ibang katutubo na para sila sa karapatan ng katutubo. Hanggang sa 2011, ‘yung mga elders na binoboto ng mga katutubo sa kanilang mga komunidad ay hindi na pinakinggan ng NCIP. NCIP rin ang pumipili ng elders sa bawat komunidad. Ang pinipili ng mga katutubo ay hindi kinikilala,” sabi ni Aguirre.

Noong 2013, gumawa ng sariling organisasyon ang NCIP na tinatawag na Tapas People’s Organization (TPO). Sumunod ang DENR at National Irrigation Administration (NIA) sa NCIP sa pagpadaloy ng mga programa sa pormasyong ito.

“Dahil may pera na binibigay ang NCIP at DENR sa katutubo, lahat ng kanilang gusto, ay tuloy-tuloy pumapasok sa komunidad. Sabi nila, magtanim na kayo ng puno. ‘Yung itanim ninyo para na din sa inyo. ‘Yung mga barangay captain at elders, hindi na nila iniinvolve ‘yung mga tao sa komunidad. Ang masakit ngayon ay nag-away na ang mga katutubo,” sabi ni Aguirre.

Photo from the blog of Karlo Mongaya, April 3, 2013.
Larawan mula sa blog ni Karlo Mongaya, Abril 3, 2013.

“Hindi namin pinabayaan ‘yun. Kinausap namin ang DENR. Sabi namin, kung totoo ang sinasabi niyo na ang pinatanim ninyong puno sa bawat komunidad ng katutubo, gusto namin ay pirmahan niyo ‘yung agreement kung para sa katutubo ang pinatanim ninyo. Nung nalaman ng mga katutubo na ayaw pirmahan ng DENR, sabi ng DENR na gobyerno ang may-ari niyan kasi binabayaran kayo. Doon namulat ang mga katutubo. Namulat na sila, pero kahit ‘yun ang nangyari, patuloy naming inoorganisa ang mga katutubo na kahit na natanim na ‘yan, dapat labanan. Kung merong protesta, magdadialogue kami sa Mayor at kahit sa rally pinaglalaban,” dagdag ni Aguirre.

Kuwento ni Aguirre, sobra-sobrang pang-aabuso mula sa militar ang nararanasan ng mga katutubo.

Sabi niya, Noon pa man sa mga ninuno namin, sa mga magulang namin, pinapatay. Hiniwalay ‘yung mga katawan. Pinagbenta ‘yung katawan sa iba-ibang komunidad. ‘Yun ang ginawa ng military.”

Maliban sa problemang kaugnay sa DENR, NCIP, NIA, at militarisasyon, meron din ang pinaplanong konstruksyon ng kulungan malapit sa kanilang komunidad.

“Sabi ng militar, pag natayo na ‘yan at ‘pag maayos na, lahat ng pugante diyan dadalhin sa penal colony na ‘yan para diyan magtrabaho sa lupa na ibinigay ni Diosdado Macapagal sa military. ‘Yung lupa ng aming mga ninuno. Siguro kami ‘yung ikukulong diyan ‘pag pinaglaban namin ang aming karapatan. Pero sa ngayon, inaayos na nila ang kalsada galing sa Bayan ng Tapas papunta doon kung saan itatayo ‘yung kulungan,” sabi ni Aguirre.

Pahayag ni Aguirre, lahat ng ito ay nagpapatibay sa kanilang dahilan kung bakit nila mas kailangan ipaglaban ang kanilang karapatan.

“Kaya kami pumunta dito sa Lakbayan, kasi gusto namin iparating ‘yung mga isyu namin dito. Umaasa pa rin kami. Nasa isip namin na hindi lang kami ‘yung nakikipaglaban sa aming karapatan,” sabi ni Aguirre.

Inamin niyang nananatili siyang umaasa na mababalik ng kanilang lupang ninuno.

“Mahalaga para sa amin ang lupa kasi kung wala kaming lupa, wala kaming buhay. Kahit anong sabi ng gobyerno, ‘di kami matatakot kalabanin ‘yun. ‘Yun [lupa] ang buhay namin,” dagdag ni Aguirre.

Sumali ng tatlong beses ang Tumandok sa Lakbayan. Ang kanilang isyu ay hindi nagbago simula noong una silang sumali. Gayunman, mayroon namang progreso.

Ayon kay Aguirre, hindi natuloy ang pagtayo ng dam sa Calinog, Iloilo, kung saan naninirahan ang ibang Tumandok, dahil sa pagtutol ng mga katutubo sa proyektong ito.

Ayon kay Remia Castor, isang Tumandok galing Iloilo, una nilang narinig ang proyekto noong 2011.

“Nung 2011 naririnig namin na may malaking project na ipapatayo sa Iloilo, sa kabukiran ng Calinog. ‘Yung kabukiran ng Calinog, sa barangay Alibunan, Agcalaga, Toyungan, Masaroy, tsaka Garangan. Nung 2013 sila nag-FPIC [Free, Prior and Informed Consent] pero 2011 naipasa nila sa Korea na naka-umpisa na sila ng FPIC. Pero ang totoo, 2013 sila nagkonsulta sa mga elders namin. Tsaka ‘yung mga nakonsulta nila ‘yung mga elders na inappoint ng NCIP.”

Photo from greedypeg.org
Photo from greedypeg.org

Ang FPIC ay karapatan ng mga katutubo na payagan o tutulan ang mga proyekto na pumasok sa kanilang teritoryo, na maaaring makaapekto sa kanilang pamumuhay. Pero naging instrumento ang FPIC para maagaw at maubos ang mga lupang ninuno–isang saligang pagbabaliktad  sa pagkilala ng lupang ninuno sa batas–sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sabi ni Castor karamihan sa mga matatanda ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral kaya pumayag ang iba na palitan ang kanilang lupa para sa sardinas o karne dahil akala nila’y magkatumbas ang kanilang halaga.

“Kaya ‘yung mga pumapasok na korporasyon sa amin, ang inuuna nila ang mga matatanda.  Tradisyon kasi doon na ‘yung mga matatanda ang humahawak ng tungkulin sa aming barangay o komunidad. ‘Yung aming elders naman, pumayag sila doon pero ‘di pa naman sila pumirma. Bale, unang meeting nila pinaalam nila sa mga elders. Tapos sa susunod na session nila, sinama-sama na nila ‘yung mga barangay official na madadamay sa ipapatayong project,” sabi ni Castor.

“Nagsama-sama ang 16 na barangay na madadamay kung itatayo ang Jalaur Dam. ‘Yung elders pumayag na. Pumirma sila dahil madaming propaganda na para rin daw sa katutubo. Para raw ito makaahon sa kahirapan ang mga katutubo sa Panay at mabigyan ng edukasyon ‘yung mga anak namin,” kuwento ni Castor.

“Kahit pirmado na ng elders namin, lumalaban pa din kami dahil nga may kasabihan doon sa amin kapag hindi pa 100% ang nakapirma, pwede pa kaming lumaban. Kahit isang tao hindi pa nakapirma, ‘di matutuloy ‘yan [dam]. Kaya tuloy ang laban namin,” dagdag niya.

Nagtayo sila ng organisasyon at nagkampanya para sa pagpatigil sa konstruksyon ng dam.

“Sa unang beses na nag-rally kami, ‘yun yung sa dam. Tapos ‘yung NGP [National Greening Program], sabay-sabay sila pumasok sa barangay pero ‘di namin pinansin ‘yung NGP dahil opisyal ako ng NGP. Nung huli na, nung unti-unti kong naiintindihan na inaagaw na pala ‘yung lupa ng mga katutubo pati ‘yung lupa namin mismo. Nagpasa ako ng resignation letter na hanggang ngayon hindi pinipirmahan na resign na ako. Pipirmahan man nila o hindi, ‘di na ako bumabalik diyan.” alaala ni Castor.

Sa kasalukuyan, ang pondo para sa Jalaur Dam ay suspendido. Ayon kay Castor, ang namamahala ng pondo ay nasa South Korea.

3-D model ng Jalaur Dam project. Larawan mula sa NIA Western Visayas.
3-D model ng Jalaur Dam project. Larawan mula sa NIA Western Visayas.

“Ang lugar na papatayuan ng Jalaur Dam at ng Panay Dam ay malaking bundok ‘yung pagitan nila. Pagtinayo ‘yung dalawang dam na iyon,

 

‘yung bundok sa gitna nila ay bubutasan para ‘yung ibang tubig na galing sa Panay Dam ay isasama sa Jalaur Dam. Lalakas ang daloy ng tubig kasi kukuha siya ng power ng kuryente papuntang City ng Iloilo,” sabi ni Castor.

 

“Mahalaga sa aming mga Tumandok ang ilog, kasi ang ilog na iyon ay diyan nakatira ang iba-ibang uri ng isda. May mga isdang hindi kilala sa Manila. Kung meron ng dam diyan, mawawala na ‘yung mga isdang iyon. Pupunta na siya sa karagatan. Hindi naman ‘yun mabubuhay sa karagatan. Mula noon at tsaka ngayon, pupunta lang kami sa ilog para makakuha ng isda o ibon kasi nga wala kaming pambili. Pero ‘pag meron ng dam, hindi na ‘yun mangyayari dahil malalim na ang tubig at di na kami makakapunta doon,” dagdag niya.

Pati ang mga kabataang Tumandok ay nakikibahagi sa pagprotesta. Kabilang sa kanila si Gabrila Danid, 21-taong gulang na Tumandok Youth chairperson. Sabi ni Danid, importante ang papel ng kabataan sa pagtutol.

“Kung ano ang pinaglalaban ng mga matatanda, ‘yun na din po ang mga pinaglalaban namin kasi kami na ang susunod na henersayon.  Amin itong susundan at ipapaalam pa namin sa susunod na henerasyon. Bilang kabataan ng Tumandok, kami din po ay sumasama sa mga aktibidad na ginagawa, tulad ng pagdadayalog sa mga ahensya ng gobyerno. At tsaka ‘yung mga picket rally, nasa unahan din kami lagi na mahigpit na tumututol sa kanilang mga proyekto na pinapatupad ng ating gobyerno sa ating bayan lalo na sa komunidad naming Tumandok,” sabi ni Danid.

Madalas nabibintangan ang kabataan ng Tumandok na nakikilahok o sumusuporta sa gawain ng mga New People’s Army (NPA).

“Sa kasalukuyan, nararanasan ng katutubong Tumandok ‘yung militarisasyon. Pinagbibintangan silang NPA at recruiter ng NPA. Sa katunayan nga, kami ay sinabihan ng militar na kami ay kapalit kasi ang mga matanda ay aalis na daw. Nung nakaraang buwan, may putukang naganap sa pagitan ng militar at NPA. Sa panig ng militar, meron po silang armas at sinabi ng militar na kami daw ang nagpapalit sa armas ng NPA,” sabi ni Danid.

Umaasa sila Aguirre, Castor, at Danid na maaalis ang miltarisasyon at ang panghihimasok ng DENR, NIA, at NCIP sa kanilang mga gawain.

Pangarap ni Danid ang mas maliwanag na kinabukasan para sa mga Tumandok, kaya para sa kanya, hindi sila titigil sa pagprotesta hangga’t makinig ang gobyerno sa mga hinaing nila.

“Sa akin, mahalaga ang pakikibaka ng Tumandok, hindi lang ng Tumandok, pero lahat ng katutubong mamamayan sa Pilipinas kasi para din naman ito sa ating pambansang kasarinlan. Ito din po ay para sa sarili nating pagpapasya para sa tunay na kalayaan ng ating bansa,” sabi ni Danid.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here