Nagsagawa ng kilos-protesta ang pambansang minorya sa harap ng Department of National Defense (DND), umaga ng Setyembre 7, hinggil sa iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao at serye ng pamamaslang na ang itinuturong responsable ay ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

Binigyang-diin nila ang paghingi ng hustisya sa pagpatay sa 19 na taong gulang na Lumad, si Obillo Bay-ao, isang estudyante ng Salugpongan Tu Tano Igkanogan Community Learning Center sa Talaingod, Davao Del Norte noong Setyembre 5. Si Bay-ao ang ika-47 Lumad mula sa rehiyon ng Davao na naging biktima ng pagpatay sa ilalim ng administrasyong ni Pangulong Rodrigo Duterte na mga elemento ng AFP ang itinuturong salarin, ayon sa Save Our Schools Network.

Para sa mga Moro at katutubo, ang pagtindi ng paglabag sa karapatang pantao sa mga pambansang minorya ay lalo pang nagtutulak sa kanila na magpatuloy sa pagkundena sa mga polisiya ni Duterte na pagtalikod sa kanyang pangako na itatama ang mga daan-taong inhustisya laban sa mga pambansang minorya.

Pinanawagan din ng mga Moro at katutubo ang pagpapatigil ng Martial Law sa Mindanao, na anila’y nagbigay-laya sa mga paglabag sa karapatang pantao sa buong isla.

Nagpahayag ng pagsuporta ang mga pangmasang organisasyon mula sa sektor ng manggagawa, kababaihan at kabataan sa isinagawang kilos-protesta.

Nagdaos din ng protesta sa katapat na Cramp Crame, pambansang headquarters ng Philippine National Police, para sa pagkundena ng partisipasyon ng pulis sa all-out war sa mga sibilyang komunidad sa kanayunan at sa gera kontra droga. Nagsindi ng mga kandila para sa libu-libong biktima ng gera kontra droga at Oplan Kapayapaan ng administrasyon ni Duterte.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY