Nauunawaan niyo ba kung bakit sinasabi ng mga magsasakang ang lupa ay buhay?

Tinanong ko si Nestor Cortez, isang magsasaka mula sa Tarlac, at ito ang kanyang sagot:

“Mapupunla sa lupa ang tahanan ng tao, ang pagkain ng tao, at ang kanyang mismong mga pangarap. Sino ba ang hindi nangangarap na magkaroon ng sariling lupa? Lupang magpapadaloy ng buhay ng pamilya’t salinlahi.”

At kung pangarap para sa sariling lupa, matagal nang nangangarap si Mang Nestor. Siya ay 72 taong gulang na. Pinanday na ang kanyang mga kamay at paa sa pagsasaka sa mahabang panahon. Sa kanyang edad, hindi pa rin nagkakaroon ng sapat na lupang masasaka si Mang Nestor. Kung mayroon man siyang sinasaka sa ngayon ay hindi sumasapat ang kanyang mga naaani upang punan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Napupunta sa pagbabayad ng utang na pinamuhunan niya sa mga punlang kanyang tinamin, kaya naman halos wala talagang kinikita si Mang Nestor.

Sa kasaysayan ng Pilipinas matagal na panahon nang naalipusta ang uring magsasaka. Sila ang pinakanakakaramdam ng pagkagutom, pambabalewala, pagsasamantala, at pandarahas. Mulat si Mang Nestor sa realidad ng kinabibilangan niyang uri. Sa matagal na panahong napagkaitan, alam niyang hindi sapat ang mangarap; ang kailangan ay lumaban. Mulat ang kanyang buong sensibilidad sa malaking pangangailangan upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Karapatang magkaroon ng sariling lupa, karapatang magsaka at karapatang mabuhay ng disente na may sapat na pinagkakakitaan para maitaguyod ang kanilang mga pamilya. Si Mang Nestor ay naging bahagi ng mga organisasyon ng mga magsasaka sa Tarlac at sa kasalukuyan siya ang pangkahalatang chairperson ng Alyansang Magbubukid ng Tarlac (AMT) na nangunguna sa pakikibaka para karapatan ng mga magsasaka sa probinsya.

Tumungo ang humigit kumulang na 3,000 magsasaka mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa lupa at ipanawagan sa kasalukuyang pangulo ang kanilang mga hinaing.

“Kaya kami nandirito ngayon gusto namin malaman sa pamumuno ni Presidente Duterte kung tunay ba ang kanyang mga pangako sa aming mga magsasaka nang tumakbo siyang presidente ng bansa na ipapamahagi ang mga lupa sa mga magsasaka. Kung tunay nga ba na ipapatupad niya ang tunay na reporma sa lupa,” ani Mang Nestor.

Subalit sa pagkakampuhan nila Mang Nestor, kasama pa ang iba pang magsasaka sa buwan na tinagurian ng kilusang magsasaka na Buwan ng Magsasaka, ay walang imik ang pangulo ng bansa.

“Katulad ngayon si Presidente Duterte ay tila ba bumaligtad na sa kanyang sinabi sabi dati, na siya raw ay makakaliwa, maka-masa, sosyalista pero bakit ngayon bumaliktad ang kanyang prinsipyo. Mas pinanigan niya ang mga kapitalista at mga imperyalista. Lumantad na ang tunay niyang kulay. Bakit an’yo? Sa kasalukuyan sa amin sa Tarlac, 11 sa aking pagkakaalam ang pinatay na mga lider magsasaka. Bakit nila pinapatay kaming magsasaka?” saad ni Mang Nestor.

Ramdam na ramdam sa lugar nila Mang Nestor ang militarisasyon. Marami na ang mga naitalang dinarahas na mga magsasakang nagbubungkal lamang, pero pinagkakamalamang kasapi ng New People’s Army (NPA) o ‘di kaya’y tagasuporta ng grupo.

“NPA na ba ang lahat ng magsasaka ngayon? NPA ba ang nagbubungkal lang ng lupa para mabuhay? Ang totoo dinadahilan lamang nila iyon para mapaalis kami sa aming kakarampot na lupain. Para ano? Para pagbigyan ang pagpasok ng mga dayuhang negosyante. Ibenta ang ating mga lupain sa mga dayuhan? Ganyan ba dapat? Papayag ba kayo na ang mga lupain natin (sa Pilipinas) ay aariin at pakikinabangan ng mga ibang lahi?” pagtutol ni Mang Nestor.

Ayon pa kay Mang Nestor, tinatayang siyam na milyong hektarya na lamang ang lupang nasa pagmamay-ari at pinakikinabangan ng bansa.

“Tapos ano pang ginagawa nila? Hinahayaan ng pamahalaan na ariin lang ng iilang mga angkan na ‘yan ang mga lupa ng ating bayan. Hanggang ngayon marami pa rin ang mga hacienda sa ating bayan. Tingnan niyo ang ibang bayan. Tapos na ang pamamahagi ng mga lupain nila sa mamamayan. Lumipas na ang panahon ng pyudalismo sa halos lahat ng bansa, pero sa atin ano ginagawa nila? Pinanatili ng naghaharing-uri kasabwat ang estado para mapanatili ang ganitong sistema rito sa Pilipinas. Dapat buwagin ang mga hacienda at plantasyon na yan.”

Ang pyudalismo, paliwanag niya, ang ekonomyang nakabatay sa pagsasamantala sa lupa kung saan konsentrado ang pag-aari ng lupa sa buong bansa sa iilang tao—mga panginoong maylupa. Ang katutubong pyudalismo, aniya, na mula pa sa panahon ng pangangamkam ng lupa ng mga mananakop na Kastila at ang paglitaw ng monopolyo kapitalismo (o ang pangmundong dominasyon sa pandaigdigang sistemang kapitalista) gaya ng Estados Unidos ang nagluwal sa kalagayang malapyudal. Nanatiling agraryo ang ating bayan, hindi pa rin industriyalisado at nasa mababang antas ng komersyo at kalakal gaya ng manupaktura.

Ang pagiging malapyudal na kalagayan daw ng lipunang Pilipino ayon kay Mang Nestor ang sanhi ng kawalan ng tunay na pag-unlad sa Pilipinas. Maaaring marami na ang mga matataas na gusali ang makikita sa ating bayan, subalit wika ni Mang Nestor:

“Maituturing bang maunlad na ang bayan dahil marami na ‘yang mga building na yan? Sa totoo lang sa Maynila lang ‘yan. Tingnan niyo ang kalagayan ng kalakhan ng mamamayan sa ating bansa. Baka hindi mo makayanan ang makikita mong kahirapan.”

Kung kaya’t katwiran ang nasa likod ng pangarap at paglaban ni Mang Nestor para sa lupang masasaka.

“Hindi kailan man makatwiran ang pagbebenta ng ating mga lupain sa mga dayuhang negosyante na ‘yan. Mas may katwiran ang ipamahagi ang mga lupain natin sa magsasakang Pilipino. Dahil sino ba ang nagbubungkal ng lupa? Sino ang nagpapakain sa inyo? Sa akin? Sa kanya? Kaming mga magsasaka, mga anak pawis! Mas may katwiran ang amin.”

At kahit pa may edad na si Mang Nestor at naranasan niya ang pagdarahop buong buhay niya, hindi niya bibitiwan ang pag-asam ng lupa hindi lamang para sa kanya, kundi para sa bawat magsasaka.

“Tandaan nila, darating ang tamang pagkakataon na lahat ay mamumulat at hinding-hindi mag-aatubiling labanan ang umiiral na sistema ng pyudalismo, burukrata kapitalismo, at imperyalismo. Darating ang panahon na silang nagpapasasa sa labis-labis na kaginhawaan ay babagsak din. Kaya naman ako at ang lahat ng mga magsasaka kasama pa ang iba pang mga sektor ng lipunan na hindi natatakot ipaglaban ang karapatan hindi lamang ng aming sektor na kinabibilangan kundi ng buong sambayanan.”

Iyan ang tanging paraan at daan na nakikita ni Mang Nestor upang mabuhay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here