Halos dalawang linggong nagkampuhan ang mga magsasaka sa harapan ng punong tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Elliptical Road, Quezon City. Isa sa mga araw na nandito sila, nagkaroon ako pagkakataong makakwentuhan at makapanayam ang kasalukuyang presidente ng Tried Agricultural Movers and Rural Active Workers (TAMARAW) na si Jun Benemerito o ‘Jun B.’ Sa maikling panahong nakakuwentuhan ko si Tatay Jun B, isiniwalat niya ang tatlong dekadang pakikibaka ng mga magsasaka ng Bukidnon.

Naglakbay ang mga magsasaka ng BUFFALO-TAMARAW-LIMUS o BTL patungong DAR upang kalampagin ito sa kanilang panawagang ibigay na ang kanilang matagal nang hinihinging 517 ektaryang lupain ng Central Mindanao University (CMU). Ang BTL ay ang tatlong grupo ng mga magsasaka na pare-parehong ipinaglalaban ang karapatan sa lupa sa CMU. Sila ay mula sa Musuan, Maramag, Bukidnon.

Ayon kay Tatay Jun B, ang pangunahing dahilan ng kanilang pagkakampuhan sa harap ng DAR ay upang maipamigay na sa mga magsasaka ang 517 ektaryang lupain sa kabuuang mahigit-kumulang 3,000 ektaryang sukat nito, na sa katunayan ay hindi lahat ay ginagamit para sa ‘educational purposes’. Ayon kina Tatay Jun B, pinarerentahan pa sa mga iba’t ibang korporasyon ang ilang bahagi ng lupain sa CMU upang hindi tuluyang makuha ng mga magsasaka ang lupaing para sa kanila. Magmula ng ipaglaban ng mga magsasaka ang lupain ng CMU ay araw-araw nang may inaarestong magsasaka sa kanilang lugar na lumilikha ng takot pangamba sa ilan sa kanila. Bukod pa rito ay lantaran din ang diskriminasyon sa kanila na kung saan ay hindi tinatanggap sa eskwelahan ang mga bata kapag nalaman na ito ay anak ng isang magsasaka. Hindi lamang lupa ang ipinagkakait sa kanila, kundi maging ang edukasyon para sa kanilang mga anak.

Dahil numero unong kabuhayan ng magsasaka ang pagtatanim sa mga palayan ay ibinahagi rin ni Tatay Jun B ang pagsasapraktika nila ng organic farming. Natulak sila sa pagpapatuloy at pagpapayaman ng mga tradisyunal na pamamaraan ng pagtatanim buhat ng kagustuhang makatipid, lalo pa’t nakaumang lagi ang panggigipit at pagpapaalis sa kanila ng CMU. Natuto sila sa organic farming sa pag-aaral ng isang nilang kasamahan at pagsasalin ng kanyang mga kaalaman at pagsasanay sa iba pang magsasaka. Sabi ni Tatay Jun B, malaking tulong sa kanilang kabuhayan ang dinulot ng organic farming dahil napakalaki ng kanilang natitipid kumpara sa paggamit ng mga kemikal na fertilizer sa mga halaman. Mas ligtas din ito sapagkat malalayo ang mga kumakain mula sa mga mapanganib na kemikal na inihahalo kadalasan sa mga fertilizer. Sa pamamagitan din ng organic farming ay lalong nagkaroon ng pagtutulungan ang mga magsasaka sa pagtatanim, at nagbabahaginan din sila ng kani-kanilang mga lupa. Katunayan pa nga ay nabanggit din sa akin ni Tatay Jun B na nakapagbaon sila ng 20 kaban ng bigas patungo sa kanilang kampuhan sa DAR.

Dahil sa agrikultura kalakhan nabubuhay ang mayorya ng populasyon ng bansa—hindi man ito halata kapag nasa sentrong rehiyon ka lamang—mainam at dapat na nagbibigay ang gobyerno ng subsidyo at suporta sa agrikultura, gaya ng libreng irigasyon, binhi, pataba maging ang pagpapaunlad ng syensya ng pagtatanim. Sa gayon, makakatulong ito sa buong bansa para magkaroon ng sapat na pagkain na mabibili sa abot-kayang halaga at lalong hindi na kailanganin ng isang agrikultural na bansa gaya natin na mag-angkat pa ng bigas sa Vietnam. Kung kaya ng mga magsasaka sa sarili nilang pagsisikap paunlarin ang kanilang pagtatanim at kabuhayan, paano na lang kung sinusuportahan sila ng gobyerno? Paano pa kung hindi nila kailangang mangamba sa araw-araw na mawalan ng lupa?

Ngayon ay bumalik na ang mga magsasaka ng BTL sa kanayunan, ngunit patuloy pa rin sila sa paniningil  sa pamahalaan sa halos apat na dekadang bigong pangako ng reporma sa lupa. Mahirap pa rin ang mga magsasaka, atrasado pa rin ang kanilang produksyon. Sila mismong lumilikha ng pagkain ay hindi lang minsan inaabot ng gutom.

“Nasa kamay ng sambayanang Pilipino ang pagbabago,” sambit ni Tatay Jun B bago matapos ang aming kwentuhan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here