“Gusto lamang namin ipaglaban ang aming kabuhayan na inagaw ng makinaryang pambukid. Dahil ang aming kabuhayan ay manggagapas, nagtatanim ng palay. Kaya naghahanap kami alternatibong pagkakakitaan din namin para hindi naman kami magutom.”

Mula sa Guimba, Nueva Ecija dinala ni Nanay Loreta Soledad sa Maynila ang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa ngayong Oktubre, Buwan ng mga Magsasaka.

Wala na sigurong mas makakapagpahalaga sa lupa kaysa sa mga magsasaka. Para kay Nanay Loreta, kung walang lupa, magugutom sila maging ang bansa.

“Kung tutuusin kaming mga magsasaka na nagtatanim ng kakainin ng mamamayan ang siyang nagugutom,” pagpapatunay ni Nanay Loreta.

Si Nanay Loreta ay 64 taong gulang na. Simula bata pa lamang ay nagsasaka na siya, pero wala pa ring sariling lupa ang mga magsasaka. Sa mahabang panahon, sila ay tenant lamang. Nais niyang mabigyan ng lupa ang mga magsasaka, lalo na silang mga wala talaga.

“Kaya kami andito para naman mapakinggan ng pamahalaan ang aming ipinaglalaban para sa tunay na reporma sa lupa. Ang tagal nang napagwagian ng mga magsasaka na mapamahagian kami ng sarili naming lupa, pero hanggang ngayon wala pa rin kaming lupa. Puro sila follow up.”

Ang pagsama sa Lakbayan ng Magsasaka na raw ang pinakamabuting nagawa niya upang maisalba ang nararanasan nilang kahirapan.

Magkatulad ang panawagan ni Nanay Loreta, gayundin si Nanay Elizabeth Romano (nasa larawan), na mula rin sa Nueva Ecija at kasapi ng Liga ng Manggagawang Bukid.

Nanawagan sila sa gobyerno na sana naman ay mabigyan silang mga magsasaka ng sasakahing lupa para mabuhay nila ang kanilang pamilya at mayroon silang aasahan na panggastos para sa kanilang mga anak na nag-aaral.

Nais din nilang iparating sa publiko na huwag silang husgahan na nang-aagaw ng lupain dahil nais lang nilang magkaroon ng pakinabang ang maraming nakatiwangwang na lupang hindi napagtatamnan.

Hindi naman daw sila naghahangad nag malalaki basta ay may pagkakitaan lang.

Nais nilang mapansin silang maliliit.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY