Sa pagdiriwang ng Pambansang Araw ng mga Bayani sa Agosto 28, itinanghal ng mga kabataan mula sa iba’t ibang kolehiyo sa Lungsod ng Marikina ang ‘Dalawang Oras ng Makabayang Dula, Tula, Awit at Sayaw’ sa Teatro Marikina sa kanto ng Shoe Avenue at V. Gomez Street sa Barangay Sta. Elena noong Agosto 26.

Ang mga kabataang nagtanghal ay mula sa bagong tatag na grupong Bagong Kabataan Alagad ng Sining o BAKAS. Nabuo ang grupo sa pagsasanay para sa pagsasadula ng palabas sa direksyon ni Bernardo “Kadyo” Villalon, 78, isang walang-kapagurang manggagawang pangkultura. Sinuportahan sila sa mga teknikal na aspeto ng pagtatanghal ng mga miyembro ng Kapisanan ng mga Mandudula sa Marikina o KMM, isang alyansa ng mga grupong panteatro na binuo rin ni Kadyo noon pang taong 2000.

Nilaman ng palabas ang mga natatanging awit at maiikling dula ng KMM, gayundin ilang mga bagong likha. Pinakita rin sa dula ang partisipasyon ng mga Marikenyong Katipunero sa Rebolusyong 1896.

Mahalagang mensahe ng palabas ang makabuluhang ambag ng masa, mga bayaning walang pangalan, sa paglaban para sa tunay na kalayaan, isang laban na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan.

 

Sa mga rehearsal, dumaan ang mga kalahok sa proseso ng mga talakayang pang-edukasyon at tulong-aral hinggil sa kasaysayan ng bansang Pilipinas upang mas maunawaan at maipahayag ang itatanghal.

Kinatutuwa ni Kadyo ikuwento na sa umpisa’y hindi man lang unawa ng mga kabataang nagsilahok sa pagtatanghal ang salitang “masa.”

Kung kaya’t ipinaunawa niya pa na “ang dula natin ay para sa masa–sa malawak na mamamayang api sa bayan–at matuto man tayong magsuri sa sarili at matuto sa mundo ay hindi tayo kailanman mas nakatataas sa masang pinaglilingkuran ng ating sining.”

Sa kwento ni Kadyo, nakikita lamang niya ang mga kabataang nag-uumpukan sa labas ng City Hall at iba pang mga pampublikong espasyo sa Marikina. Niyaya niya ang mga ito na magtanghal ng dula para sa Pambansang Araw ng mga Bayani. Mas maikli sa isang buwan ang kanilang naging paghahanda sa dula.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY