Naglunsad ng kilos protesta ang mga manggagawang kabilang ng Samahang Manggagawa sa Harbour Centre kasabay ang hearing hinggil sa kanilang sinampang kaso sa Department of Labor and Employment (DOLE) NCR.

Marso 31 nakatakdang maglabas ng desisyon ang DOLE NCR hinggil sa ‘general labor standards complaint’ ng mga manggagawa. Humarap sa hearing ang pamunuan ng samahan at ang Grasials Corporation, ang kanilang stevedoring agency.

Inirereklamo ng mga manggagawa ang mababang pasahod laluna sa malaking kaltas ng ahensiya, 12 oras ng paggawa, iba-iba at iregular na araw ng paggawa, huli at isang beses kada buwan na pasahod, kawalan ng breaktime sa loob ng 12 oras na trabaho, kawalan ng safety gear, at iba pa. Nadiskubre rin ng mga manggagawa na hindi kumpleto ang hulog ng ahensiya sa kanilang kontribusyon sa Social Security System na kinakaltas sa kanila at walang counterpart amount na hinuhulog ang kanilang employer.

Noong Enero, nagrali rin ang mga manggagawa sa pambansang tanggapan ng DOLE, kung saan nakita sila mismo ng kalihim ng ahensya na si Sec. Silvestre Bello III at tinugunan ang panawagan ng mga manggagawa na inspeksiyunin ang Grasials at ang loob ng Harbour Centre.

Lumabas sa inspeksyong hindi rehistrado sa DOLE ang Grasials Corporation. Iligal palang nag-ooperate ang nasabing manpower agency.

Bukod dito, walang maipakitang employment records ang manpower agency na Grasials, walang payroll, pay slip, o voucher na may pirma ng mga manggagawa, at hindi nakapag-presenta ng business permit at mga papeles sa Securities and Exchange Commission.

Nalaman din ng DOLE n kulang na sahod, overtime pay, at 13th month pay na binibigay ng Grasials, matagal o delayed na pagpapasahod at napatunayan ang iba pang reklamo ng mga manggagawa.

Hindi naman nakapaglabas ng desisyon ang DOLE NCR sa kasong isinampa ng mga manggagawa. Sa halip, may itinakdang pagsusumite ng mga ebidensiya o pruweba ng dalawang panig sa kaso sa April 20.

Muling iginiit ng mga manggagawa na pabilisin ang paglalabas ng desisyon hinggil sa kanilang mga reklamo.

“Maganda naman po ang pinapakita namin sa trabaho. Sa tagal na namin diyan, panahon na naman gawin kaming regular. Para po ito sa mga pamilya namin,” ani Eldefonso Bello, tagapangulo ng samahan.

Nananatili rin ang kanilang panawagan na direkta silang kunin sa trabaho ng Harbour Centre Port Terminal, Inc. bilang regular na mga manggagawa.

“Hangga’t nandiyan ang kontraktuwalisasyon na ‘yan, patuloy ang mga agency at kumpanya na ‘yan na nagapahirap sa mga manggagawa,” sabi ni Bello.

Inabangan ng mga manggagawa ng HarbourCentre ang desisyon ng DOLE NCR sa labas ng opisina
Inabangan ng mga manggagawa ng HarbourCentre ang desisyon ng DOLE NCR sa labas ng opisina

 

Matatandaang nangako ang DOLE at si Pangulong Rodrigo Duterte na wawakasan ang kontraktuwalisasyon sa loob ng isang taon.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY