Naglabas ng payslip para sa katapusan ng buwan ng Abril ang Grasials Corporation at Gerolyn Corporation, tumatayong agency ng nasa 300 manggagawa sa Harbour Centre, batay sa pagtugon ng agency sa kahingian ng mga manggagawa. Ang payslip na katatanggap pa lang ng mga manggagawa ang unang payslip na nakuha nila mula sa agency sa nakalipas na higit isang dekada.

Bunga ng ilang buwang pagkilos ng mga manggagawa ng Harbour Centre hanggang sa pagsasampa ng kaso sa Department of Labor and Employment hinggil sa ‘di makataong paggawa, naobliga ang agency na makipagdayalogo sa mga manggagawa noon nakaraang buwan.

payslip-hc-02
Litrato mula sa Facebook account ng Samahang Manggagawa sa Harbour Centre

Ilan sa mga kahingian ng mga manggagawa na ipinangako ng agency na tutuparin ay ang pagbibigay ng pay slip, pagpapatupad ng regular na iskedyul ng pagpapasahod sa ika-5 at ika-20 araw ng buwan, paghuhulog sa SSS upang agad na makapag-loan ang mga manggagawa, at mas maayos na pag-aasikaso sa naaaksidente at mas mataas na suportang pinansyal sa naaaksidente.

(Basahin: http://www.manilatoday.net/ilang-kahingian-ng-mga-manggagawa-ng-harbour-centre-nakamit-na/)

Sinimulan na rin ang pagpapatupad ng pagpapasweldo tuwing kinsenas at katapusan, na dati ay inaabot ng isa hanggang tatlong buwan bago makatanggap ng sahod ang mga manggagawa.

Samantala, ngayon lamang nakita ng mga manggagawa ang halaga ng kanilang sahod. Ayon sa payslip, ang kanilang sahod ay P 481 kada araw o katumbas ng minimum wage sa Metro Manila. Subalit ang nalalaman ng mga manggagawa mula dati ay P 1,038 kada 12 oras na paggawa ang kanilang sahod, pero nasa P 650 na lang ang pinakamataas na sumasayad sa kamay ng mga manggagawa matapos ang mga kaltas ng agency. Ang 12 oras na paggawa ng manggagawa ay sapilitan kada tara, at ang tara ng mga manggagawa ay ilang beses kada linggo.

Sinusulong pa rin ng mga manggagawa ng Harbour Centre ang regularisasyon sa paggawa at pagpapabasura ng kontraktwalisasyon.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY