Habang hinahatid si Obello Bay-ao sa kanyang huling hantungan sa kanilang lupang ninuno sa Talaingod, Davao Del Norte kaninang umaga, nagsagawa ang funeral march ng kanyang mga kaklase at mga progresibong grupo sa Mendiola, tarangkahan ng Palasyo ng Malakanyang sa Maynila.

Si Bay-ao, 19, ay estudyante ng Salugpungan Ta ‘Tanu Igkanugon Community Learning Center sa Davao del Norte na pinatay noong Setyembre 5. Dalawang miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit ang bumaril sa kanya sa Sitio Dulyan, Barangay Palma Gil sa Talaingod, Davao del Norte.

Ipinananawagan ng Sandugo, pambansang alyansa ng Moro at katutubo, ang agarang pag-aresto sa mga suspek na sina Ben at Joven Salangani, na miyembro rin ng paramilitary group na Alamara.

“Simple lamang ang pangarap ni Obello Bay-ao. Ito ay maging inhinyero upang makatulong sa pagpapatayo ng mas marami pang Lumad schools sa Mindanao. Ngunit kilala bilang mamamatay-bata ang puwersang militar at pulis, sa kanayunan man o kalunsuran. Walang pinipili ang rehimeng ito sa pagpaslang sa lahat ng mahihirap, sa lahat ng sektor sa ating lipunan,” sabi ni Rius Valle ng Save Our Schools Network.

Kinukundena ng Sandugo ang pagpatay sa mga kabataan sa ilalim ng war on drugs, all-out war, at “war on terror” ni Pangulong Duterte.

“Napakataas ng hangarin ng kabataan noong tumatakbo pa lamang si Duterte. Pero ano ang sagot ng rehimeng Duterte sa atin? Hindi ang ating panawagan para sa libreng edukasyon. Hindi ang ating panawagan para sa pagpapamahagi ng lupa. Hindi ang panawagan para sa tunay na hustisya at kapayapaan. Ang sagot niya ay militarisasyon at pamamaslang. Ang kabataan ang pangunahing biktima ng mga ito,” ani Caselle Jennica Ton ng Sandugo.

Sa kasalukuyan, 13,000 ang naitalang pinatay sa gera kontra droga, kung saan 16 ay kabataan. Aabot naman sa 33 na ang naitalang pinaslang na katutubo at Moro sa ilalim ng Oplan Kapayapaan at Martial Law sa Mindanao.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here