Mga alaala ni Tanya

Alam mo kung ano ang mga pinaka-naaalala ko tungkol sa ‘yo?

Naaalala ko ang malaking-malaking siopao
na gawa sa canvas na tela
na ginawa mo para sa isang plate mo sa FA.
Sabi mo, ipapasa mo sa klase kinabukasan.
Pero hindi mo na ito ipinasa sa prof mo,
dahil imbis na pumasok sa klase,
nanatili ka sa piketlayn para samahan
ang 73 manggagawang tinanggal
sa trabaho sa Kowloon House.
Kapalit ng gradong sana’y makukuha mo,
hinayaan mo na lang na magamit
ang malaking-malaking siopao na ito
para sa pagpi-piket.
Dahil alam mong mas kailangan ito
ng mga pinagsasamantalahang manggagawa,
para magamit nilang pang-prop
at maiparating ang kanilang ipinaglalaban
sa mga tao at sasakyang dumaraan
sa malawak na kalye ng West Avenue.

Kapag darating ako sa piketlayn,
lagi kang sasalubong at magkukwento
tungkol sa mga crush mo.
Halos parang araw-araw nga yata,
mayroong bago.
Pero tandang-tanda ko pa
noong naglakas-loob ka,
at ikaw ang unang gumawa ng hakbang
na magpaalam sa iyong grupo
para manligaw sa isa pang kasama.
Alam mo bang kahit ikaw ang mas bata,
tinuturing kitang isang halimbawa?
Pero hindi ko yata nasabi sa iyo.

Naaalala ko rin
kung gaano ka kakulit at kasigasig
at parang laging baliw-baliwan mode.
Pero sa isang programa
noong mga unang araw ng piket,
napansin ko ang seryoso mong mukha
habang naghahanap ka ng masking tape
na gagamitin sa on-the-spot mural
na iyong pakana, at kung paanong
idinikit mo ang masking tape
at binigyang-laya ang mga manggagawa,
gamit ang kanilang mga kamay,
na mag-iwan ng marka sa puting tela.
At sa pagtapyas ng masking tape
ay matingkad na tumambad ang mga salitang:
“Tinanggal na mga manggagawa ng Kowloon, IBALIK!”
na napalilibutan ng mapulang-mapulang pintura.

Halos araw-araw tayong magkasamang
nagbabantay noon sa piketlayn,
natutulog sa malamig na tarpaulin
na nakalatag sa semento,
kahilera ng mga manggagawang
pinagkaitan ng makatarungang sahod.
Sama-sama tayo noon sa simpleng pamumuhay,
at sa paggising sa umaga ay magisimula nang
gumampan sa ating mga tungkulin
bilang artista, iskolar at kabataan ng bayan.
Wala sa klasrum, kundi nasa lansangan.

Naalala ko rin nang minsang
nagkasakit ako habang nasa piketlayn.
Ikaw ang isa sa mga tumalima sa akin,
at ikaw ang nagbigay ng plastik
na sinukahan ko,
pati na rin ang gamot na ininom ko.
Sa loob ng mahigit isang buwan
na nagkasama tayo sa mga kubol,
maraming beses tayong kumanta
ng mga awiting mula sa mga may chummy
hanggang sa mga rebolusyonaryong tema.
Naalala ko rin ang bag na ipinagmamalaki mo
na gawa kamo ng nanay mo.
Nakiki-text ka rin noon gamit ang cellphone ko
para magpaalam sa nanay mo,
na naroon ka lang sa piketlayn
at doon tayo magpapalipas ng mga araw
para samahan ang mga manggagawa
sa kanilang laban.

Marahil kaya tayo nag-click kaagad
dahil pareho tayo ng kolehiyong pinanggalingan.
At kahit matagal na akong umalis sa unibersidad
ay natuwa akong mayroong mga nagpatuloy
ng mga gawain sa pagmumulat at pag-oorganisa
sa mga estudyante ng kolehiyong ating pinagsimulan.
Pero higit pa roon, sa mas malawak na pagtingin,
pareho tayo ng pinaniniwalaan.
Na ang sining ay hindi lamang dapat
nagsisilbi para sa sarili,
kundi sa mas malawak na hanay
ng lipunang pinagsasamantalahan.

Bagamat lumuluha ako ngayon
sa balitang natanggap,
hindi maiaalis ang paghanga at pagpupugay,
para sa isang kasamang minsa’y
kasa-kasama lamang sa pagpo-prodwork,
ngunit sa kalauna’y nagpasyang
ang pakikibaka at ang pagpapalaganap
ng kulturang magbabago sa bulok na lipunan
ay hindi lamang natatapos sa kolehiyo at sa piketlayn.

Ikaw na nag-alay ng buhay;
Ikaw na nagpanibagong-hubog,
nakipamuhay at nagsilbi
sa mga kababayang inaapi;
Ikaw na tunay na artista at iskolar ng bayan;
hindi masasayang ang iyong sinimulan.
At tulad ng pagpapatuloy mo noon
sa mga naiwang gawain naming mga lumisan
mula sa kolehiyo,
asahan mong sa pagkakataong ito,
na ikaw ang nagpaalam,
pupulutin namin ang iyong nabitawan
at ipagpapatuloy namin ang laban.

Kitakits, Tanya. Hanggang sa muli.

STP (Serve the People, na s’ya mong pinanghawakan hanggang sa huli),
Ate Jonna

Mga pininta ni Tanya

Si Tanya Domingo ay estudyante ng UP College of Fine Arts at miyembro ng Alay-Sining: artista, iskolar at kabataang martir ng bayan. Siya ay sumama sa pakikibaka ng mga manggagawa ng Kowloon House noong September-November 2008.

Basahin ang iba pang kwento tungkol sa mga kabataang martir dito.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY