Mga estudyante ng PUP sa Maynila, nagprotesta laban sa mga bagong represibong patakaran sa campus

“Aktibismo ang humubog sa pamantasang ito. Aktibismo ang dahilan kung bakit sa mahabang panahon nanatiling mababa ang matrikula nito. Aktibismo rin ang dahilan kung bakit tuluyan nang naibasura ang paniningil ng tuition fee sa kasalukuyan.” – mula sa isa sa mga talumpati sa kilos protesta ng mga mag-aaral ng PUP

Nagkasa ng kilos protesta ang mga iskolar ng bayan sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP), tanghali ng Setyembre 29, upang kundenahin ang “mga mala-Batas Militar na patakaran sa loob ng pamantasan”.

“Hindi lamang sa labas ng PUP nagaganap ang pasismo na pinapairal ng rehimeng US-Duterte subalit mismong sa loob ng aming paaralan ay tila Martial Law na,” ani Carl Jacinay, Executive Vice President ng Alyansa ng Nagkakaisang Konseho.

Sinasabi ng mga nagprotesta na sinisiil ng pamunuan ng PUP ang mga batayang karapatan ng mga iskolar ng bayan, katulad ng unti-unting pagpapatay sa mga academic, non-academic at mga progresibong organisasyon. Sapilitang pinapaalis at tinatanggal ang mga opisina at tambayan ang mga organisasyon ng mga mag-aaral.

Dagdag ni Jacinay, “Pinapatay ang mga institusyon ng mga mag-aaral at pinahinto ang dapat sanang student council election na gaganapin sana sa susunod na semestre.”

Siniwalat din ng mga nagpoprotesta ang pandarahas sa mga lider estudyante ng PUP kung saan may mga pulis na hindi naka-uniporme na nagkalat sa loob ng campus ang nagbabanta laban sa paggigiit ng mga estudyante ng kanilang mga karapatan at laban sa mga aktibista. Nirerekrut din ng mga ‘di unipormadong mga pulis ang mga mag-aaral sa kanilang intelligence unit.

“Kaya kinakasa namin itong militanteng mga pagkilos ng mga iskolar ng bayan upang labanan ang mga krisis sa loob ng aming pamantasan para irehistro sa aming presidente na dati raw siyang aktibista para marinig niya ang mga panawagan ng mga iskolar ng bayan. Kung tunay talaga siyang aktibista katulad ng kanyang sinasabi dapat bigyang pansin niya ang mga interes ng mga iskolar ng bayan,” ani Jacinay.

Sapilitan rin ang pagpapasuot ng uniporme sa mga mag-aaral. Napabalita na sa Senior High School ng pamantasan ay mandatory na ang uniporme na nagkakahalagang P 800 kada set.

“Hindi naman lingid sa ating kaalaman na ang aming pamantasan ay balon ng mga estudyanteng anak ng mga magsasaka at manggagawa. Anak ng mga mahihirap. Kung ang pinambili ng uniporme ay sana magagamit pa pandagdag panlaman ng sikmura,” pagtutol ni Jacinay sa mandatory uniform policy.

Sinabi naman ng pangulo ng PUP na si Emmanuel De Guzman sa isang panayam sa midya na hindi umano sapilitan ang pagsusuot ng uniporme, bukod sa isinulong niya ang pagpapababa ng ilang bayarin sa paaralan. Hindi rin umano pinapaalis ang mga mag-aaral sa tambayan kundi kailangan lang itong i-renovate at saka lahat ay pare-parehong may pagkakataong mag-apply para sa tambayan.

Sabi ng mga mag-aaral, umpisa pa lamang ang isinagawang kilos-protesta noong Setyembre 29 sa mga kilos-protestang ikakasa ng mga iskolar ng bayan ng PUP sa pag-asang makamit nila ang mga polisyang tunay na naglilingkod para sa interes ng mga mag-aaral at mawakasan ang mga panunupil sa kanilang karapatan sa loob ng pamantasan.

“Sa ika-6 ng Oktubre, 2017 magkakasa muli ang mga iba’t ibang organisasyon ang mga iskolar ng bayan ng isang protesta laban sa mga bagong represibong patakaran sa loob ng pamantasan. Gaganapin ito sa North Wing, 12:00pm. Kaya inaanyayahan namin ang iba pang mga iskolar ng bayan upang makilahok sa pagkilos. ‘Wag tayong matakot lumiban sa ating klase sa ilang sandali. Mas matakot tayo na baka kung hindi tayo lumaban ay mas lalong hindi na tayo makapag-aral,” pag-anyaya ni Jacinay.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY