Idineklara ng Department of Labor and Employment (DOLE) na dapat ituring na regular ang 378 manggagawa ng Harbour Centre Port Terminal, Inc. (HCPTI) na nagreklamo laban sa manpower agency nila. Pinanagot ng DOLE ang mga manpower agency at pati mismo ang kumpanyang HCPTI na primaryang pinagtatrabahuhan ng mga manggagawa.

Natanggap ng Samahang Manggagawa sa Harbour Centre, grupo ng mga kontraktwal na manggagawa na nagsampa ng reklamo, ang desisyon noong Agosto 30.

“Nagkaroon kaagad ng bunga ang aming pinaglalaban. Ito na ngayon ang aming natamong tagumpay. Itong aming pinaglalaban hanggang sa huli tuloy-tuloy pa rin,” ani Eldefonso Bello, Pangulo ng samahan sa isang panayam sa pulong ng grupo noong Setyembre 1.

Tinalakay ni Eldefenso Bello, pangulo ng Samahan ng Manggagawa sa Harbour Centre, ang natanggap na desisyon mula sa DOLE. Kuha ni Sarah De Leon.
Tinalakay ni Eldefenso Bello, pangulo ng Samahan ng Manggagawa sa Harbour Centre, ang natanggap na desisyon mula sa DOLE. Kuha ni Sarah De Leon.

Ang mga manggagawang nagrereklamo ay ang mga estiba na nagdidiskarga ng mga kargamento mula sa barko tungo sa pantalan; winchman at leadman na sinisikap maging ligtas ang paglilipat ng mga kargamento; forklift operator, at iba pa.

Binuo ng mga manggagawa ang Samahang Manggagawa sa Harbour Centre noong 2016 para mapagbuklod ang kanilang mga hinaing at maisulong ang kanilang mga makatarungang kahingian, kasabay na rin ng pangako at direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na wawakasan ang kontraktwalisasyon.

Nakasaad din sa desisyon ng DOLE na hindi mawawala ang seniority rights ng mga manggagawa at walang mababawas sa mga benepisyong dapat natanggap ng mga manggagawa. Dapat ding kasama sa payroll ng mga regular na manggagawa.

Kinuwenta naman ng DOLE na aabot sa P 99.8 milyon ang money claims ng mga manggagawa mula sa manpower agency at sa HCPTI.

Ayon sa DOLE, napatunayan na iligal at hindi rehistrado ang mga manpower agency na Grasials Corp. at Gerolyn Corp. Pinahihinto ng DOLE ang operasyon ng mga nasabing manpower agency.

Sinasabi rin ng DOLE na ang trabaho ng mga manggagawa ay mga core job sa kumpanya. Dahil dito, dapat na managot pati ang HCPTI. Ang HCPTI ay pag-aari ni Reghis Romero.

Nasangkot ang HCPTI sa kaso, ayon sa desisyon, dahil matibay na core job ang trabaho ng mga manggagawa dahil mismong sila ang nagtitiyak sa control at supervision ng manggagawa sa pamamagitan ng mga foreman at manager. Sinabi rin ng DOLE na iligal ang agency na kanilang kinuha at labor-only contracting ang kanilang ginagawa na labag sa batas.

Ang HCPTI ay pagmamay-ari ni Reghis Romero II na may-ari rin ng construction firm na R-II Builders at may majority stake sa Manila North Harbor.

Ilalabas pa lang ng DOLE ang writ of execution ng nasabing desisyon.

Makikipagdayalogo ang mga opisyal ng samahan sa mga opisyal ng DOLE para matiyak ang pagbibigay ng writ of execution.

Nasa 378 pa lang ang na-regular sa desisyon ng DOLE, pero aabot sa 4,000 ang manggagawang kontraktwal sa Harbour Centre.

“Nananawagan ako sa mga kapwa ko manggagawa, karapatan natin ito at panindigan natin ito. Pagkaisahan natin ang ating mga pinaglalaban, dahil dito nagsisimula ang ating tagumpay. Itong pinaglalaban natin ay tagumpay ng ating pamilya, tagumpay ng mga kontraktwal na manggagawa,” panawagan ni Bello.

Narito ang ilang mga larawan ng pakikibaka ng mga kontraktwal na manggagawa ng Harbour Centre para ma-regular:

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here