#TransportStrike | Mga manggagawa ng University Hotel, nakiisa sa tigil-pasada

0
364

“Nakikiisa ang manggagawa ng hotel sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa ginaganap na tigil pasada na ito dahil malinaw naman na sa ating pagsusuri na kaming mga manggagawa ay bahagi ng maapektuhan ng modernization na ito.”

Ito ang pahayag ni Larry Jaca na mula sa University Hotel Workers Union.

Nagsagawa ng kilos-protesta ang organisasyon ng Kilusang Mayo Uno kaninang umaga sa Philcoa, Commonwealth Avenue sa Quezon City upang makiisa sa isinasagawang nationwide strike ng grupong PISTON hinggil sa pagtutol ng phaseout ng mga jeep sa buong bansa.

Ayon kay Jaca, bukod sa mga tsuper, isa sa maaapektuhan nang lubos ay ang nga komyuters, partikular na ang mga manggagawa na araw-araw sumasakay sa pampublikong sasakyan, lalo na sa mga jeepney.

“Lubos na pasakit ito sa mamamayang Pilipino dahil malaki ang posibilidad na tumaas ang minimum fare na dapat bayaran sa mga nais ipalit sa mga jeep na e-jeep, habang hindi naman tumatataas ang minimum wage ng mga nagtatrabaho,” pahayag ni Jaca.

Noong Setyembre 15 lamang, inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR ang P21 dagdag sahod sa mga manggagawa (non-agricultural) sa NCR. Epektibo na ngayon ang P512 na minimum wage. Mababa ang P21 sa hinihinging dagdag-sahod ng mga grupo ng manggagawa na mula P175 hanggang P259.

Ngunit ‘di naman ito sapat at lalong salat, ani Jaca, lalo kung tataas ang pamasahe sa bagong mga jeep na tinataya pa ngang aabot sa P20 ang pasahe.

Sumuporta rin sa mga jeepney drivers ang iba’t-ibang organisasyon gaya ng Gabriela, Kadamay at iba pang mga sektor na mula rin sa mga kabataan na naglunsad naman ng kilos-protesta sa ibang lugar.

Ipagpapatuloy pang muli bukas ang pambansang tigil-pasada.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here