“Sinubukan kong dumaan sa ligal na proseso pero hindi naman ako nakakuha ng pabahay mula sa gobyerno,” daing ni Lyn, 25 taong gulang, na mula sa Santol, Bulacan. Kabilang si Lyn sa mga nag-okupa ng mga nakatiwangwang na pabahay ng National Housing Authority (NHA) na pinangunahan ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) noong Marso 17 sa Pandi Residences 3, Brgy. Mapulang Lupa, Pandi, Bulacan.

Ayon kay Lyn, bagong panganak pa lang ang kanyang panganay nang sinubukan nilang mag-apply para sa pabahay ng NHA. Nakapagsumite na raw siya ng lahat ng mga rekisito pero hindi naaprubahan ang kanyang aplikasyon.

“Pitong taong gulang na ang panganay ko pero walang nangyari sa aplikasyon namin. Nung finollow-up namin sa NHA rito sa Bulacan, nawala na raw yung mga papel namin,” sambit ng dismayadong si Lyn.

Umabot sa isang libong maralita ang sumugod sa Bocaue Hills sa Sta. Maria, Bulacan para tangkaing okupahin ang mga bakanteng kabahayan na matagal nang nakatiwangwang.

Ayon sa KADAMAY, aabot na sa limang taon nang bakante ang maraming kabahayan sa Bocaue Hills na pabahay dapat para sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Unang tinangkang okupahin ng KADAMAY ang Bocaue Hills noong Marso 17 pero nabigo sila nang harangin ng mga kapulisan at ilang mga residente ang bukana ng pabahay. Para maiwasan ang anumang bayolenteng kumprontasyon, tumuloy ang mga maralitang pinamunuan ng KADAMAY sa Pandi Residences 3 sa Pandi, Bulacan para okupahin ang isa pang bahagi ng proyektong pabahay na may 1,200 pang bakanteng kabahayan na isang taon nang nakatiwangwang.

May mahigit isang libong maralita ang pumasok sa Pandi Residences 3, isang proyektong pabahay ng gobyerno sa Bulacan, para okupahan ang mga nakatiwangwang na kabahayan noong Marso
May mahigit isang libong maralita ang pumasok sa Pandi Residences 3, isang proyektong pabahay ng gobyerno sa Bulacan, para okupahan ang mga nakatiwangwang na kabahayan noong Marso

Aabot na sa 6,000 kabahayan mula sa iba’t ibang mga proyektong pabahay ng NHA sa Bulacan ang naokupa ng KADAMAY mula noong Marso 8.

Sumama naman si Manuel, 47 taong gulang, isang construction worker mula sa Balagtas, Bulacan, dahil naniniwala siya na dapat igiit ng mga maralita ang kanilang karapatan na mabigyan ng gobyerno ng libre o kung hindi man ay abot-kayang pabahay.

“Ito na lang ang paraan na alam ko para magkaroon ng sariling matitirahan,” sabi ni Manuel.

Nangungupahan lang ang pamilya ni Manuel kaya sila sumama sa pag-okupa ng mga nakatiwangwang na pabahay ng gobyerno. Umaabot umano sa P1,200 kada buwan ang kanilang binabayad para sa upa bukod pa sa tubig at kuryente. Maliban pa sa gastusin sa bahay kabilang na ang pagkain, nagpapaaral pa siya ng mga anak na nasa elementarya at hayskul. Minsan pa nga raw ay walang trabaho kaya’t hindi nakakasapat ang kanyang kinikita bilang construction worker para sa pang araw-araw na gastusin ng kaniyang pamilya at lalong walang kakayahan para makabili ng sariling bahay.

Samantala, para kay Nanay Mira, 49 taong gulang na taga Santol, Bulacan, mas gugustuhin pa niya umanong mawalan ng kikitain ng ilang araw mula sa paglalabada kung ang kapalit naman nito ay maigiit niya ang karapatan para magkaroon ng sariling bahay.

Kumikita si Nanay Mira ng 300 piso bawat araw mula sa paglalabada. Katulad ni Manuel ay nangungupahan din lang siya at nagbabayad ng P1,700 bawat buwan para sa upa. Katuwang niya ang kanyang mga anak na nagtatrabaho sa isang fast food at mineral water station.

Nagtangka rin si Nanay Mira na makakuha ng pabahay mula sa NHA pero nabigo siyang mabigyan sa kabila ng pagsumite ng lahat ng mga rekisito.

Naniniwala si Nanay Mira na wala silang pag-asa na mga maralita na magkaroon ng bahay kung wala silang kuneksyon sa loob ng NHA.

“Pag may pera, saka lang magkakabahay,” daing ni Nanay Mira.

Handa naman umano si Nanay Mira na depensahan ang kanilang ookupahang bahay.

“Laban lang, marami naman kami,” sambit ni Nanay Mira.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY