Tinuligsa ng mga miyembro ng Kadamay Malabon ang tinuturing nilang ‘pinakahuli sa mga serye ng panghaharas ng pulis at mga mang-aagaw ng lupang kinatitirikan ng kanilang mga kabahayan’. Sa hapon ng Setyembre 10, nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga residente ng Catmon, Malabon na bahagi ng Kadamay Malabon at ng mga pulis at mga claimant ng lupa. Nagkukumpuni ng opisina ang mga miyembro ng Kadamay at sinubukan namang sapilitang pigilan sila ng mga nagdatingan sa komunidad.

Nagsidatingan sa Sitio 6, Catmon ang mga pulis mula sa Police Station 9, mga barangay tanod at dalawang anak at mga tauhan ni Alfonso Dioño, ang umaangkin sa lupang kinatitirikan ng bahay ng mga residente sa ilang sitio sa Catmon.

Sa panayam sa mga residente, sinabi nilang pilit na pinatitigil ang pagkukumpuni ng opisina at hinila si Edison Flores, tagapangulo ng Anakbayan Malabon, para pigilan ang pagkukumpuni. Pinagkukuhaan din ng litrato ng mga nagdatingang pulis at tauhan ni Dioño ang mga miyembro ng Kadamay.

Kamakailan lamang, walang abisong pumasok ang mga opisyal ng barangay sa mga bahay ng residente at pinilit sukatan ang mga bahay at paligid nito, ayon umano sa proyektong road widening ng lokal na pamahalaan ng Malabon. Paniniwala ng mga residente na paghahanda ito sa isasagawang pocket demolition, o paunti-unting pagdedemolis sa komunidad, lalo pa’t may umaangkin sa lupa ng mga residente.

Nakaranas na rin ng ibang insidente ng panghaharas ang mga residente. Gabi ng Nobyembre 16, 2016, pinaputukan ang opisina ng Kadamay Malabon habang nasa loob ang ilang lider nito. Sinundan ito ng pagmamanman sa paligid ng opisina.

Tinututulan ng mga residente ng Catmon na kaanib ng Kadamay ang mga planong community mortgage program (CMP), reblocking at demolisyon sa kanilang lugar. Ayon sa mga residente, napatunayan na nilang hungkag ang CMP, kung saan may ilan sa kanilang nakaranas ng 16 taong pagbabayad pero nang may dumating na bagong pribadong claimant ay na-reset sa 0 (zero) ang kanilang ibinayad at pinagbayad muli. Nananawagan sila na i-award ang lupang higit tatlong dekada nang tinitirahan ng mga residente.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY