Mga miyembro ng Kadamay, nagtangkang magtayo ng ‘homeless camp’ sa NHA

0
294

Ilang daang miyembro ng Kalipunang Damayang Mahihirap (Kadamay) ang nagrali sa National Housing Authority (NHA) at pinasok ang compound ng ahensya noong Nobyembre 22. Nakalampas ang Kadamay sa tarangkahan at nakaabot sa pinto mismo ng gusali ng NHA. Plano rin ng Kadamay na magtaguyod ng kanilang ‘homeless camp’ sa ahensya ng pabahay habang hindi naaaksyunan ang paggawad ng mga inokupahan at mga nananatiling tiwangwang na pabahay.

Itinutulak ng Kadamay na pormal na ipapamahagi sa kanila ang inokupahang 5,918 tiwangwang na pabahay sa Pandi, Bulacan mula Marso. Hindi pa rin nagagawa ang ipinangakong awarding.

“Ngayong araw na ito ay pinasya naming pumunta sa NHA para mag-rali dahil sa ‘di kailanman tinutugunan ng NHA iyong aming mungkahi na makipag-dialogue sa kanila. Tahimik sila, hindi sila sumasagot. Sa araw ngayon, andito kami hanggang 24 dahil kami ay magkakampuhan,” ani Kadamay Chairperson Gloria Arellano.

nha-1122-06-copy

Inaprubahan ng Kongreso ang House Joint Resolution 15 at Senate Resolution 17 noong unang linggo ng Oktubre na nagbibigay sa Kadamay ng mga unit na inokupahan nila. Binigyan ng mga resolusyong ito ng awtoridad ang NHA na ipamahagi sa kwalipikadong benepisyaryo ang mga hindi pa na-award na pabahay at mga na-award na pero hindi naokupahan para sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Corrections.

Hinaing din ng Kadamay na napakarami pa ring tiwangwang na pabahay na hindi ipinapamahagi, samantalang maraming Pilipinong walang tahanan.

“Gusto sana namin malaman nasaan na napapunta ang P 112 billion na dapat naimplement na mga pabahay ngayong 2017, yung 1.8 billion na convergence fund para sa mga nasa relokasyon. At kailangan din ang 114,000 na tiwangwang na pabahay ay patirahan na sa buong Pilipinas ay patirahan na sa mga maralitang walang tahanan,” pahayag ni Arellano.

Namagitan si Pangulong Rodrigo Duterte noong Abril para sabihing ibigay na ang mga inokupahan na pabahay ng Kadamay at magtatayo na lang ng mas maayos na pabahay para sa mga pulis at militar. Padating ng Hulyo ay binalaan ni Duterte ang huwag nang uulitin ang ginawang pag-okupa ng mga tiwangwang na pabahay kundi ay papabatuta sila o ‘di kaya’y ipababaril kapag lumaban.

Binuwag ang rali at tinulak palabas ang mga miyembro ng Kadamay ng pinagsama-samang puwersa ng mga guwardiya, pulis at dalawang trak ng bumbero. Kinundena naman ng Kadamay ang marahas na pagbuwag sa kanila. Anila, tinalo pa ng NHA ang seguridad sa ASEAN sa paggamit dalawang trak ng bumbero.

nha-1122-01-copy

Ayon sa Kadamay, ibinalita na ng isang estasyon ng telebisyon ang pagsisiyasat na may aabot sa 7,000 pabahay ang ginastusan ng gobyerno ng P2 bilyon ang unti-unti nang nasisira nang hindi napapakinabangan.

Sa sarili nilang pag-aaral, nasa 3.1 milyong Pilipino ang walang tahanan, habang nasa 114,000 namang mga unit ng pabahay ng gobyerno para sa mga pulis at militar ang nananatiling tiwangwang, ayon sa Kadamay. Kada housing unit ng gobyerno ay nagkakahalagang P250,000, kung kaya’t aabot sa P28 bilyon ang gastos sa mga tiwangwang pa rin na pabahay ng gobyerno.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here